Ulupong
[sa Heb., ʼeph·ʽehʹ; tsiph·ʽo·niʹ; sa Gr., eʹkhi·dna; sa Ingles, viper].
Isang makamandag na ahas na may natatanging mga pangil na naititiklop sa ngalangala kapag hindi ginagamit. Ang kamandag ng mga ulupong ay nagkakaiba-iba ayon sa uri, at ang ilan sa mga ito ay matatagpuan sa Palestina. Ang isa sa pinakamapanganib ay ang sand viper (Vipera ammodytes) ng Libis ng Jordan. Ang isa pang uri ay ang Palestine viper (Vipera palaestina). Ang Hebreong ʼeph·ʽehʹ ay karaniwang iniuugnay sa Arabeng ʼafʽan, na tumutukoy sa carpet viper, isang makamandag na ahas sa mabuhanging kapatagan ng Jerico.
Ang bagsik ng kamandag ng ulupong ay ipinahihiwatig sa Job 20:16, kung saan sinabi ni Zopar na ang “dila ng isang ulupong” ay nakamamatay. Matapos mawasak ang barkong sinasakyan niya at mapadpad sila sa pulo ng Malta, ang apostol na si Pablo ay nagtitipon ng isang bungkos na kahoy at ipinapatong ang mga iyon sa apoy nang isang ulupong ang lumabas at kumapit sa kamay niya. Gayunman, “ipinagpag [ni Pablo] sa apoy ang makamandag na hayop at hindi dumanas ng anumang pinsala,” bagaman inaasahan ng mga taong nakatayo sa tabi na mamimintog si Pablo sa pamamaga o bigla na lang siyang mamamatay.—Gaw 28:3-6.
Makatalinghagang Paggamit. Ang mapanganib na kagat ng ulupong ay ginamit sa makatalinghagang paraan sa Kawikaan 23:32, kung saan inilalarawan ng taong marunong ang mga epekto ng labis-labis na pag-inom ng alak, sa pagsasabing: “Kumakagat itong tulad ng serpiyente, at naglalabas ito ng lason tulad ng ulupong [sa Heb., u·khetsiph·ʽo·niʹ].” Bilang paglalarawan sa kabalakyutang isinagawa ng Israel na bayan ng Diyos, sumulat ang propetang si Isaias: “Mga itlog ng makamandag na ahas ang pinisa nila . . . Ang sinumang kumain ng kanilang mga itlog ay mamamatay, at ang itlog na binasag ay mapipisa at lalabasan ng ulupong.” (Isa 59:5) Karamihan sa mga ahas ay nangingitlog, at bagaman hindi oviparous (nangingitlog) ang karamihan sa mga ulupong, may ilang uri na nangingitlog.
Tinawag ni Juan na Tagapagbautismo ang mga Pariseo at mga Saduceo na “supling ng mga ulupong.” (Mat 3:7; Luc 3:7) At tinawag ni Jesu-Kristo ang mga eskriba at mga Pariseo na “supling ng mga ulupong” dahil sa kanilang kabalakyutan at sa nakamamatay na espirituwal na pinsalang maaari nilang idulot sa mga taong walang kamalay-malay.—Mat 12:34; 23:33.