Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

Tinulungan Ako ni Jehova

Jay Campbell

Tinulungan Ako ni Jehova
  • ISINILANG 1966

  • NABAUTISMUHAN 1986

  • Isang regular pioneer na may sakit na polio.

BATA pa lang ako, paralisado na ako mula baywang pababa. Nakatira ako sa isang compound sa Freetown kasama ang nanay ko at iba pang mahihirap na pamilya. Dahil sa hiya at takot sa mga tao, minsan lang akong lumabas ng compound sa loob ng 18 taon.

Noong 18 anyos ako, kumatok sa compound namin si Pauline Landis, isang misyonera, at inalok akong mag-aral ng Bibliya. Nang sabihin ko sa kaniya na hindi ako marunong bumasa’t sumulat, sinabi ni Pauline na tuturuan din niya ako. Kaya pumayag ako.

Walang pagsidlan ang saya ko dahil sa mga natututuhan ko sa Bibliya. Isang araw, tinanong ko si Pauline kung puwede akong dumalo sa pulong ng kongregasyon sa isang bahay sa kabilang kanto. “Kaya kong makarating doon gamit ang mga bloke ng kahoy na panlakad ko,” ang sabi ko.

Nang sunduin ako ni Pauline, alalang-alala ang nanay ko at mga kapitbahay habang pinapanood ako. Mahigpit ang hawak ko sa mga blokeng panlakad ko. Ipinantutukod ko ang mga ito para maiangat ang aking katawan at makausad. Paulit-ulit kong ginagawa iyon. Habang papalabas na ako sa bakuran, sinigawan ng mga kapitbahay ko si Pauline: “Pinapahirapan mo lang siya. Sinubukan na niya dating lumakad, pero walang nangyari.”

“Jay, gusto mo bang sumama?” ang tanong ni Pauline.

“Opo!” ang sagot ko. “Desidido ako.”

Tahimik na tahimik ang mga kapitbahay ko habang papalapit ako sa trangkahan namin. Nang makalabas ako ng compound, nagpalakpakan sila sa tuwa.

Talagang nasiyahan ako sa pulong na iyon! Ngayon, gusto ko namang makadalo sa Kingdom Hall. Pero kailangan kong “maglakad” hanggang sa dulo ng kalye, sumakay ng taxi, at buhatin ng mga kapatid paakyat sa isang matarik na burol. Kadalasan na, dumarating ako sa bulwagan nang basa at putikan kaya kailangan ko pang magpalit ng damit. Nang maglaon, isang sister na taga-Switzerland ang nagpadala sa akin ng wheelchair para maging maalwan ang pagpunta ko sa Kingdom Hall.

Kapag nababasa ko ang mga karanasan ng ibang may-kapansanang Saksi, nauudyukan ako na lalo pang magsikap na paglingkuran si Jehova. Noong 1988, naging regular pioneer ako. Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong maabot ang tunguhin ko—may matulungang kapamilya at tao sa aming teritoryo na maging lingkod din ni Jehova. Sinagot ang panalangin ko nang matulungan kong matuto ng katotohanan ang dalawa kong pamangkin at isang babae na natagpuan ko habang nagpapatotoo ako sa lansangan.

Ngayon, mahina na ang mga braso ko kaya kailangang may iba pang magtulak ng wheelchair ko. Madalas din akong makaramdam ng kirot. Pero nagsisilbing gamot ko sa kirot ang pagtuturo sa iba ng tungkol kay Jehova. Dahil sa sayang dulot nito, nalilimutan ko ang kirot at naaaliw ako dahil tinutulungan ako ni Jehova. Ngayon, may kabuluhan na ang buhay ko!