Paglalaan ng Bibliya sa Sariling Wika
Ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa sinumang gustong magbasa nito.
Bagaman naisalin na ang Bibliya sa maraming wika at bilyun-bilyong kopya na ang nailimbag ng mga samahan sa paglalathala ng Bibliya, maraming tao ang hindi pa rin makakuha nito sa sarili nilang wika dahil sa kahirapan at diskriminasyon sa relihiyon. Kaya naman naglathala ang mga Saksi ni Jehova ng Bagong Sanlibutang Salin sa mahigit 115 wika.
Narito ang ilang halimbawa:
Rwanda: “Mahirap lang kami,” ang sabi ng mag-asawang Silvestre at Venantie, na may apat na anak, “kaya hindi kami makabili ng Bibliya para sa bawat miyembro ng pamilya. Pero ngayon, may kani-kaniyang kopya na kami ng Bagong Sanlibutang Salin sa Kinyarwanda, at sama-sama namin itong binabasa araw-araw.”
Ganito naman ang sabi ng isang pastor na Anglikano sa bansang iyon: “Ito ang Bibliya na nauunawaan ko. Ito ang pinakamaganda sa lahat ng Bibliyang nabasa ko. Nagmamalasakit talaga ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng tao!”
Democratic Republic of the Congo: May ilang simbahan na ayaw magbenta sa mga Saksi ni Jehova ng Bibliya sa Lingala—isa sa mga pangunahing wika sa bansang ito.
Kaya mula nang magkaroon ng Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Lingala, sabik na ginamit at ipinamahagi ng mga Saksi sa Congo ang Bibliyang ito. Sa katunayan, gayon na lang ang pananabik ng mga tao nang ilabas ito sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Maging ang mga pulis na nasa istadyum ay pumila para makakuha ng kanilang kopya.
Fiji: Napakamahal ng Bibliya sa wikang Fijian, kaya dati maraming Saksi ni Jehova ang gumagamit na lang ng Ingles na Bagong Sanlibutang Salin. Pero noong 2009, nakatanggap ang mga taga-Fiji ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (Bagong Tipan) sa sarili nilang wika.
Hangang-hanga ang isang lalaki sa linaw ng pagkakasalin ng Bagong Sanlibutang Salin sa Fijian kaya humingi siya ng kopya. Pero sinabi ng mga Saksi sa lugar nila na kailangan pa niyang maghintay ng mahigit isang buwan bago dumating ang susunod na shipment ng Bibliya sa kanilang bayan. Hindi na siya makapaghintay kaya naglakbay siya nang mahigit 35 kilometro para makipagkita sa isang Saksi na makapagbibigay sa kaniya ng isang Bagong Sanlibutang Salin. Sinabi ng lalaki: “Mas maganda ang saling ito kaysa sa karaniwan naming ginagamit. Malinaw ito at madaling maunawaan.”
Malawi: Nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova si Davide, pinuntahan siya sa bahay ng mga kasapi ng isang organisasyong Baptist para bawiin ang Bibliya na ibinigay nila sa kaniya. Napakamahal ng Bibliya sa Malawi kaya hindi niya alam kung paano siya makakakuha ng panibagong kopya. Kaya para kay Davide, ang paglalabas ng Bagong Sanlibutang Salin sa Chichewa ay katuparan ng isang pangarap. Nang bigyan siya ng kopya ng Bagong Sanlibutang Salin, sinabi niya: “Mas maganda pa ngayon ang Bibliya ko kaysa sa dati!”
Mahigit 60 taon na ang nakararaan, nang ilabas ang isang bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin sa Ingles sa isang kombensiyon sa New York City, hinimok ang mga tagapakinig: “Basahin ito buhat sa pasimula hanggang katapusan. Pag-aralan ito . . . Ipamahagi ito sa iba.” Sa layuning ito, umabot na ng mahigit 175 milyong kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ang nailathala ng mga Saksi ni Jehova. Bukod diyan, mababasa mo na ngayon ang Bibliya online sa mga 50 wika.