Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaliwa: Mga kapatid sa Chile na tumulong na ayusin ang bahay ng isang mag-asawa pagkatapos ng mga wildfire. Kanan: Dalawang sister sa Nigeria na nakatanggap ng mga relief supply pagkatapos bahain ang lugar nila

SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?

Disaster Relief Noong 2023—“Naranasan Namin Mismo ang Pag-ibig ni Jehova”

Disaster Relief Noong 2023—“Naranasan Namin Mismo ang Pag-ibig ni Jehova”

ENERO 26, 2024

 Inihula ng Bibliya na “maglalabanan ang mga bansa” at magkakaroon ng mga sakuna sa “katapusan ng sistemang ito.” (Mateo 24:3, 7) Natupad ang mga hulang iyan nitong 2023 taon ng paglilingkod. a Pero sa kabila ng mga labanan at sakuna sa halos 100 lupain, naipakita pa rin ng mga Saksi ni Jehova ang pag-ibig ni Jehova. Paano?

 Nitong 2023 taon ng paglilingkod, naapektuhan ang mga kapatid natin ng mahigit 200 sakuna o kaguluhan. Sa kabuoan, mahigit 10 milyong dolyar b ang nagamit ng mga legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova para sa disaster relief. Ang pondong ito ay mula sa mga donasyon para sa worldwide work. Hindi pa kasama diyan ang personal na ginastos ng mga kapatid sa pagboboluntaryo nila sa disaster relief. Tingnan kung paano ginamit ang mga donasyon mo para tulungan ang mga biktima ng dalawa sa maraming sakunang naranasan ng mga kapatid natin.

“Meron Talagang Tunay na Pag-ibig sa Mundong Ito”

 May mga buwan na nakakaranas ng pagbaha ang ilang bahagi ng Nigeria. Pero noong Oktubre 2022, naranasan ng bansa ang pinakamatinding pagbaha sa loob ng 10 taon. Mahigit 676,000 ektarya ng taniman ang nasira, at mahigit dalawang milyon ang kinailangang lumikas. Agad na nag-atas ang sangay sa Nigeria ng mga Disaster Relief Committee para mag-organisa ng relief work at magbigay ng espirituwal na tulong.

Sa Nigeria, dumaan ang mga kapatid sa mga binahang kalsada at mga ilog para magdala ng mga relief supply

Epekto sa mga Kapatid

  •   7,505 kapatid ang lumikas

  •   860 bahay ang nasira o nawasak

  •   90 Kingdom Hall at isang Assembly Hall ang binaha

Kung Paano Ginamit ang mga Donasyon

 Mahigit $250,000 ang ginamit sa relief work, at kasama diyan ang:

  •   Pagkain gaya ng bigas, beans, at noodles

  •   Gamit sa bahay gaya ng kutson at kulambo

  •   Repair o muling pagtatayo ng mga nasirang bahay

 Paano tiniyak ng mga kapatid na hindi masasayang ang mga donasyon? Isa diyan ay sinuri nilang mabuti ang bawat building o bahay para malaman kung puwede pa itong ma-repair. At kung kailangan itong palitan, gumagamit sila ng simpleng disenyo na karaniwan sa lugar na iyon.

 Talagang nagpapasalamat ang mga kapatid nating nakatanggap ng tulong. Sinabi ng isang sister: “Nasira ang bahay at lahat ng taniman namin. Talagang ginulo ng baha ang buhay namin. Nang dumating ang mga kapatid nang mismong araw na iyon para tulungan kami at bigyan ng matutuluyan, para kaming nabunutan ng tinik. Malaking tulong din sa amin ang mga pagkaing ipinadala ng tanggapang pansangay. Naranasan namin mismo y’ong sinasabi sa Juan 13:34, 35. . . . Meron talagang tunay na pag-ibig sa mundong ito. Sobra-sobra ang pasasalamat namin ng pamilya ko sa mga kapatid na tumulong sa amin noong kailangang-kailangan namin iyon.”

 Napansin din ng iba sa komunidad ang relief work natin. Ganito ang sinabi ng isang pinuno ng komunidad sa Sabagreia, Bayelsa State: “Maraming organisasyon o simbahan sa mundo, pero mga Saksi ni Jehova lang ang gumawa ng ganito. . . . Isa sa pinakamabuti ang organisasyon n’yo.”

“Naranasan Namin Mismo ang Pag-ibig ni Jehova”

 Noong Pebrero 2023, napakalaki ng naging pinsala sa Chile dahil sa mahigit 400 sunog. Mahigit 430,000 ektarya ang natupok, at napinsala ang mahahalagang imprastraktura ng bansa. Mga 8,000 ang lumikas. Agad-agad na nag-organisa ang tanggapang pansangay ng relief work.

Sa Chile, ginawan ng mga relief worker ng bagong bahay ang isang pamilya dahil nawasak na ang bahay nila

Epekto sa mga Kapatid

  •   222 kapatid ang lumikas

  •   20 bahay ang nawasak

Kung Paano Ginamit ang mga Donasyon

 Mahigit $200,000 ang ginamit sa relief work, at kasama diyan ang:

  •   Pagkain at tubig

  •   Gas, mga panlinis, at mga gamot

  •   Muling pagtatayo ng mga nasirang bahay

 Hindi makapaniwala ang isang pamilya nang malaman nilang wala na ang lahat ng pag-aari nila, pati na ang bahay at negosyo nila. Nawalan sila ng kabuhayan. Noong una, napakasakit para sa kanila na makitang wala na ang bahay nila sa dating puwesto nito. Pero nang magsimula na ang muling pagtatayo, unti-unti nang nawala ang kalungkutan nila. Napakalaking tulong ng pag-ibig at pagmamalasakit ng mga boluntaryo para makayanan nila ang mahirap na panahong iyon. Dahil dito, nagboluntaryo din ang pamilya para tumulong sa pagtatayo ng bahay ng isa pang kapatid.

 Marami sa mga kapatid natin ang humanga sa relief work. Sinabi ng isang brother: “Napakaganda ng kaayusan ni Jehova ng pagkakaroon ng mga Disaster Relief Committee. Isang araw pa lang pagkatapos ng trahedya, nandoon na sila sa mismong lugar para ibigay ang pangangailangan ng mga kapatid. Napapatibay na tayo kapag nababasa natin ang tungkol sa relief work sa ibang lugar. Pero iba pala kapag ikaw na mismo ang nakaranas na matulungan n’on. Mas mapapahalagahan mo ang organisasyon. Makikita mo rin na tinutularan ng mga kapatid ang mga katangian ni Jehova at na talagang nagmamalasakit sila sa pangangailangan mo sa materyal, espirituwal, at emosyonal. Naranasan namin mismo ang pag-ibig ni Jehova.”

 Habang papalapit ang wakas ng sistemang ito, lalo pang darami ang mga trahedya. (Lucas 21:10, 11) Pero mahal na mahal tayo ng ating Hari na si Kristo Jesus, at ginagamit niya ang kongregasyong Kristiyano para ipakita sa atin na kasama natin siya “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mateo 28:20) Alam naming sinusuportahan ninyo ang Hari at ang Kaharian dahil sa mga donasyon ninyo sa worldwide work, gamit ang donate.jw.org at iba pang paraan. Malaking tulong din ang ibinibigay ninyong panahon at lakas. Maraming salamat sa pagkabukas-palad ninyo.

a Nagsimula ang 2023 taon ng paglilingkod noong Setyembre 1, 2022, at natapos noong Agosto 31, 2023.

b Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.