Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ipinakilala Ko ang Iyong Pangalan’

‘Ipinakilala Ko ang Iyong Pangalan’

“Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. . . . Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito.”​—JUAN 17:6, 26.

Ang Kahulugan Nito: Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit nito sa kaniyang ministeryo. Kapag binabasa ni Jesus ang Kasulatan, na madalas niyang gawin, binibigkas niya ang personal na pangalan ng Diyos. (Lucas 4:16-21) Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”​—Lucas 11:2.

Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Sinabi ni apostol Pedro sa matatandang lalaki sa Jerusalem na ang Diyos ay kumuha mula sa mga bansa ng “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Ipinangaral ng mga apostol at ng iba pa na “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Gawa 2:21; Roma 10:13) Ginamit din nila ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga isinulat. Ang The Tosefta, isang koleksiyon ng mga kautusang Judio na nakumpleto noong mga 300 C.E., ay nagsasabi tungkol sa pagsunog ng mga mananalansang sa mga akdang Kristiyano: “Ang mga aklat ng mga Ebanghelista at ang mga aklat ng minim [sinasabing mga Judiong Kristiyano] ay hindi nila iniligtas sa apoy. Sa halip, hinayaan lamang nilang masunog ang mga ito . . . pati na ang Pangalan ng Diyos na nasusulat dito.”

Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Ang Revised Standard Version ng Bibliya, na awtorisado ng National Council of the Churches of Christ sa Estados Unidos, ay nagsasabi sa paunang salita nito: “Ang paggamit ng anumang pangalang pantangi para sa iisa at tanging Diyos, na waring may iba pang mga diyos na mula sa mga ito’y kailangang maitangi ang tunay na Diyos, ay sinimulang ihinto sa Judaismo bago pa ang panahong Kristiyano at hindi . . . angkop sa pangkalahatang pananampalataya ng Simbahang Kristiyano.” Kaya pinalitan nito ang pangalan ng Diyos ng titulong “PANGINOON.” Nitong kamakailan, iniutos ng Vatican sa mga obispo nito: “Sa mga awit at panalangin, ang pangalan ng Diyos sa anyong tetragrammaton na YHWH * ay hindi dapat gamitin o banggitin.”

Sino sa ngayon ang gumagamit at nagpapakilala sa personal na pangalan ng Diyos? Noong tin-edyer pa lang si Sergey na taga-Kyrgyzstan, napanood niya ang isang pelikula na nagsabing Jehova ang pangalan ng Diyos. Sa loob ng mga sampung taon, hindi na niya narinig ulit ang pangalan ng Diyos. Nang lumipat si Sergey sa Estados Unidos, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniyang bahay at ipinakita sa kaniya ang pangalan ng Diyos mula sa Bibliya. Tuwang-tuwa si Sergey na matagpuan ang isang grupong gumagamit ng pangalang Jehova. Kapansin-pansin, ganito ang kahulugang ibinigay ng Webster’s Third New International Dictionary para sa “Jehovah God”: “Isang kataas-taasang bathala na kinikilala at ang tanging bathalang sinasamba ng mga Saksi ni Jehova.”

[Talababa]

^ par. 5 Sa wikang Tagalog, ang pangalan ng Diyos ay karaniwang tinutumbasan ng transliterasyong “Jehova.”