Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinatatag ng mga Pagsubok ang Aming Tiwala kay Jehova

Pinatatag ng mga Pagsubok ang Aming Tiwala kay Jehova

Pinatatag ng mga Pagsubok ang Aming Tiwala kay Jehova

Ayon sa salaysay ni Ada Dello Stritto

Katatapos ko lang kopyahin sa notbuk ko ang pang-araw-araw na teksto. Treinta’y seis anyos na ako, pero inabot ako ng dalawang oras bago ko ito natapos. Bakit ganoon katagal? Ipaliliwanag ito ng nanay ko.​—Joel

KAMI ng asawa kong si Luigi ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong 1968. Matapos magsilang ng dalawang malulusog na anak, sina David at Marc, nagkaroon pa ako ng ikatlo, si Joel. Kulang siya sa buwan nang isilang ko siya noong 1973 sa isang ospital sa bayan ng Binche sa Belgium, mga 60 kilometro sa gawing timog ng Brussels. Mahigit isa’t kalahating kilo lang ang timbang niya. Nang lumabas ako sa ospital, naiwan pa si Joel para pataba-tabain muna.

Makalipas ang ilang linggo na wala pa ring pagbabago, dinala na namin siya sa isang pedyatrisyan. Matapos tingnan si Joel, sinabi ng doktor: “Ikinalulungkot kong sabihin na marami akong nakitang diperensiya kay Joel na wala sa dalawa niyang kapatid.” Hindi kami nakakibo. Kinutuban ako na may malubhang sakit ang aming bunso. Kinausap ng doktor si Luigi nang sarilinan at sinabi sa kaniya: “May trisomy 21 ang anak mo,” na tinatawag ding Down syndrome. *

Lungkot na lungkot kami sa natuklasan ng pedyatrisyan, kaya nagpasiya kaming patingnan si Joel sa iba pang espesyalista. Halos isang oras nitong sinuri si Joel nang hindi man lang umiimik. Parang wala nang katapusan ang paghihintay naming mag-asawa. Sa wakas, kinausap kami ng doktor, “Hindi mabubuhay ang anak n’yo nang wala kayo.” At sa mabait na tinig, sinabi pa niya, “Pero magiging masaya pa rin si Joel dahil mahal na mahal n’yo siya!” Awang-awa ako sa anak ko at buong-pagmamahal ko siyang kinarga pauwi. Dalawang buwan siya noon.

Pinalakas Kami ng mga Pulong at ng Ministeryo

Sa patuloy na pagpapasuri, natuklasang may malubhang diperensiya sa puso si Joel at ang mga buto niya ay malalambot at dispormado. Dahil napakalaki ng puso niya, naiipit nito ang kaniyang baga kung kaya madali siyang magkaroon ng impeksiyon. Di-nagtagal, nang apat na buwan na si Joel, nagkaroon siya ng pulmonya at kinailangang ikuwarentenas sa ospital. Parang nadudurog ang aming puso habang nakikita siyang naghihirap. Gustung-gusto sana namin siyang yakapin at haplusin, pero sa loob ng dalawa’t kalahating buwan, ni ayaw man lang siyang pahawakan sa amin. Wala kaming nagawa ni Luigi kundi ang pagmasdan siya, magyakap, at manalangin.

Sa kabila ng malaking problemang iyon, patuloy pa rin kami sa pagdalo sa mga pulong kasama sina David at Marc, na edad 6 at 3 noon. Kapag nasa Kingdom Hall, pakiramdam namin ay hinahaplos kami ni Jehova. Sa mga oras na iyon na kasama ang mga kapatid, para na rin naming ipinapápasán kay Jehova ang aming problema, at nagiging payapa ang aming isip. (Awit 55:22) Maging ang mga nars na nag-aalaga kay Joel ay nakapansing nakakatulong sa amin ang pagdalo sa mga pulong.

Nang panahong iyon, nakiusap din ako kay Jehova na bigyan sana ako ng lakas na makalabas sa larangan. Sa halip na magmukmok sa bahay, gusto kong makipag-usap sa iba at sabihin sa kanila kung bakit ako napapalakas ng pangako ng Diyos tungkol sa isang daigdig na wala nang magkakasakit. Sa tuwing nasa larangan ako, pakiramdam ko’y sinasagot ni Jehova ang aking mga panalangin.

“Himala!”

Tuwang-tuwa kami nang sa wakas ay maiuuwi na rin namin si Joel mula sa ospital! Pero kinabukasan lang, napalitan agad ng lungkot ang aming kagalakan. Biglang lumala ang kalagayan ni Joel, at ibinalik namin siya sa ospital. Matapos siyang suriin, sinabi sa amin ng mga doktor: “Hindi na lalampas ng anim na buwan ang buhay ni Joel.” Makalipas ang dalawang buwan, nang mga walong buwan na siya, parang magkakatotoo ang sinabi ng mga doktor dahil palala nga nang palala ang kalagayan ni Joel. Sinabi sa amin ng isang doktor: “Ikinalulungkot ko. Ginawa na namin ang lahat.” Saka niya idinagdag: “Si Jehova na lang ang makakatulong sa kaniya.”

Binalikan ko si Joel sa kuwarto niya sa ospital. Wala na akong iluha at lupaypay na ang aking katawan, pero hinding-hindi ko siya iiwan. Nagsasalitan ang mga sister para samahan ako dahil kailangan namang asikasuhin ni Luigi ang dalawa pa naming anak. Lumipas ang isang linggo. Biglang inatake sa puso si Joel. Nagsuguran sa kuwarto ang mga nars pero wala na silang magawa. Pagkaraan ng ilang minuto, isa sa kanila ang bumulong, “Wala na . . . ” Napahagulhol ako at lumabas ng kuwarto. Sinikap kong manalangin kay Jehova, pero wala akong masabi sa tindi ng sakit na nararamdaman ko. Lumipas pa ang mga 15 minuto, at isinigaw sa akin ng isang nars, “Nakakabawi po si Joel!” Inakay niya ako at sinabi, “Halika, tingnan n’yo siya.” Nang balikan ko si Joel, tumitibok na ulit ang puso niya! Napabalita agad sa buong ospital ang nangyari kay Joel. Nagdatingan ang mga nars at doktor at nang makita siya, marami ang nagsabi, “Himala!”

Isang Malaking Sorpresa Pagtuntong ng Apat na Taon

Sa unang mga taon ng buhay ni Joel, laging sinasabi sa amin ng pedyatrisyan, “Kailangan n’yong busugin si Joel sa pagmamahal.” Damang-dama namin ni Luigi ang pagmamahal ni Jehova nang isilang ko si Joel, kaya gusto rin naming ipadama ito sa aming bunso. Tamang-tama naman dahil talagang kailangan niya ang tulong namin sa lahat ng bagay.

Taun-taon, sa unang pitong taon ng buhay ni Joel, paulit-ulit lang ang nangyayari. Tuwing Oktubre hanggang Marso, lagi siyang nagkakasakit, kaya labas-masok kami sa ospital. Kasabay nito, sinisikap ko rin namang mabigyan ng panahon sina David at Marc, kaya nakakatulong ko rin sila kay Joel​—at nagbunga ito ng malaking sorpresa. Halimbawa, ilang doktor ang nagsabi sa amin noon na hindi kailanman makakalakad si Joel. Pero isang araw, nang apat na taon na siya, sinabi ni Marc, “Sige Joel, ipakita mo sa Mommy na kaya mo!” Gulat na gulat ako nang makailang hakbang si Joel! Sa laki ng tuwa namin, sama-sama kaming nanalangin kay Jehova para taimtim na magpasalamat. Sa ibang pagkakataon naman, tuwing may nagagawang pagsulong si Joel, kahit maliit lang, lagi namin siyang pinupuri.

Nagbunga ang Makadiyos na Pagsasanay Mula Pagkabata

Hangga’t maaari, isinasama namin si Joel sa mga pulong sa Kingdom Hall. Para hindi siya makasagap ng mikrobyo, inilalagay namin siya sa isang espesyal na stroller na natatakluban ng malinaw na plastik. Pero kahit nandoon lang siya, masaya na rin siya dahil kasama niya ang mga kapatid sa kongregasyon.

Ang aming mga kapatid na Kristiyano ay pinagmumulan din ng aming lakas. Tinutulungan nila kami at damang-dama namin ang kanilang pagmamahal. Madalas ipaalaala sa amin ng isang brother ang Isaias 59:1: “Narito! Ang kamay ni Jehova ay hindi naging napakaikli anupat hindi ito makapagligtas, ni naging napakabigat man ng kaniyang pandinig anupat hindi ito makarinig.” Nakatulong sa amin ang tekstong ito para magtiwala kay Jehova.

Habang lumalaki si Joel, sinikap naming maging malaking bahagi ng buhay niya ang paglilingkod kay Jehova. Sa bawat pagkakataon, kinukuwentuhan namin siya tungkol kay Jehova para mapamahal sa kaniya ang kaniyang makalangit na Ama. Nakiusap kami kay Jehova na pagpalain sana ang aming pagsisikap.

Nang maging tin-edyer na siya, tuwang-tuwa kami nang mapansin namin ang kagustuhan ni Joel na magpatotoo sa mga nakakausap niya. Habang nagpapagaling matapos ang isang maselang operasyon sa edad na 14, tuwang-tuwa ako nang magtanong si Joel, “Mommy, puwede ko bang bigyan ng aklat na Mabuhay Magpakailanman ang nag-opera sa ’kin?” Pagkaraan ng ilang taon, kailangang operahan ulit si Joel. Alam na alam naming mabibingit siya sa kamatayan. Bago ang operasyon, iniabot ni Joel sa mga doktor ang isang liham na ginawa naming mag-asawa kasama siya. Ipinaliliwanag nito ang kaniyang paninindigan tungkol sa dugo. Tinanong ng siruhano si Joel, “Payag ka ba naman dito?” Matatag siyang sumagot, “Opo, Doktor.” Hangang-hanga kami sa tiwala ng aming bunso sa kaniyang Maylalang at sa kagustuhan niyang mapasaya si Jehova. Buti na lang at nakipagtulungan naman nang husto ang mga nars at doktor.

Sumulong si Joel sa Espirituwal

Sa edad na 17, nagpabautismo si Joel bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos. Hinding-hindi namin malilimutan ang araw na iyon! Nag-uumapaw ang aming puso sa kagalakan sa nakikita naming pagsulong ni Joel. Mula noon, hindi man lang nabawasan ang pag-ibig niya kay Jehova at ang sigasig niya sa katotohanan. Sa katunayan, sa tuwing may nakakausap siya, lagi niyang sinasabi, “Mahal na mahal ko ang katotohanan!”

Nang magbebeinte anyos na siya, natutong bumasa at sumulat si Joel. Napakahirap nito para sa kaniya. Bawat maikling salitang maisulat niya ay napakalaking bagay na. Mula noon, tuwing umaga, nagbabasa na siya ng Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Pagkatapos, buong-tiyaga niyang kinokopya ang teksto sa isa sa kaniyang mga notbuk, na isa na ngayong malaking koleksiyon!

Kapag may pulong, tinitiyak ni Joel na maaga kami sa Kingdom Hall dahil gusto niyang salubungin at batiin ang mga dumarating. Sa panahon ng pulong, gustung-gusto niyang magkomento at makisali sa mga pagtatanghal. Tumutulong din siya sa pag-aayos ng mikropono at sa iba pang gawain. Linggu-linggo, kapag kaya niya, sumasama siya sa amin sa pangangaral. Noong 2007, ipinatalastas sa kongregasyon na si Joel ay nahirang bilang ministeryal na lingkod. Napaiyak kami sa labis na kagalakan. Napakabait talaga ni Jehova!

Nadarama Namin ang Tulong ni Jehova

Noong 1999, napaharap kami sa isa pang pagsubok. Binangga ng isang walang-ingat na drayber ang aming kotse, at malubhang napinsala si Luigi. Kinailangang putulin ang isa niyang binti, at sumailalim siya sa maseselang operasyon sa kaniyang gulugod. Dahil may tiwala kami kay Jehova, muli naming nadama ang lakas na ibinibigay niya sa kaniyang mga lingkod na nangangailangan. (Fil. 4:13) Bagaman nabalda si Luigi, sinikap pa rin naming maging positibo. Yamang hindi na siya makapagtrabaho, mas marami na siyang panahon ngayon kay Joel at mas marami naman akong panahon sa espirituwal. Mas natututukan na rin ngayon ni Luigi ang espirituwalidad ng aming pamilya at ng mga kapatid sa kongregasyon, kung saan siya pa rin ang koordineytor ng lupon ng matatanda.

Dahil sa aming kalagayan, lagi kaming magkakasama bilang pamilya. Sa paglipas ng panahon, natutuhan naming maging makatuwiran at huwag umasa sa mga bagay na imposibleng mangyari. Kapag pinanghihinaan kami ng loob, inilalapit namin ito kay Jehova sa panalangin. Nakalulungkot, nang magsarili na sina David at Marc, unti-unti na silang nakalimot kay Jehova. Sana’y maalaala nilang muli si Jehova.​—Luc. 15:17-24.

Sa paglipas ng mga taon, nadama namin ang tulong ni Jehova at natutuhan naming umasa sa kaniya sa bawat hamon ng buhay. Paborito namin ang Isaias 41:13: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’” Lumalakas ang aming loob dahil alam naming mahigpit na nakahawak si Jehova sa aming kamay. Oo, talagang masasabi naming pinatatag ng mga pagsubok ang aming tiwala kay Jehova, ang aming makalangit na Ama.

[Talababa]

^ par. 5 Ang trisomy 21 ay isang depekto na taglay na ng isang sanggol bago pa man isilang at apektado nito ang pag-iisip. Ang mga kromosom ay karaniwan nang pares-pares, pero sa mga sanggol na may trisomy, may ikatlong kromosom sa isa sa mga pares. Apektado ng trisomy 21 ang kromosom 21.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Si Joel at ang kaniyang nanay na si Ada

[Larawan sa pahina 18]

Sina Ada, Joel, at Luigi

[Larawan sa pahina 19]

Sinasalubong at binabati ni Joel ang mga kapatid sa Kingdom Hall