Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Si Jehova ang Aking Lakas”

“Si Jehova ang Aking Lakas”

“Si Jehova ang Aking Lakas”

Ayon sa salaysay ni Joan Coville

Ipinanganak ako noong Hulyo 1925 sa Huddersfield, Inglatera. Ako ay nag-iisang anak at mahina ang aking kalusugan. Sa katunayan, sinasabi noon ng tatay ko, “Mahipan ka lang ng hangin, nagkakasakit ka na.” At waring totoo nga ito!

NOONG bata pa ako, ang mga klerigo ay marubdob na nananalangin para sa kapayapaan, pero nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, nananalangin sila para sa tagumpay. Hindi ko ito maintindihan. Sa panahong iyon, pumunta sa aming tahanan si Annie Ratcliffe, ang nag-iisang Saksi sa lugar namin.

Nalaman Ko ang Katotohanan

Nag-iwan si Annie sa amin ng aklat na Salvation at inanyayahan niya si Nanay na dumalo sa isang talakayan sa Bibliya na idaraos sa tahanan ni Annie. * Niyaya ako ni Nanay na sumama. Tandang-tanda ko pa ang unang talakayang iyon na tungkol sa pantubos. At nagulat ako na hindi ako inantok sa talakayan. Sinagot nito ang karamihan sa aking mga tanong. Nang sumunod na linggo, dumalo kami ulit. Ipinaliwanag naman noon ang hula ni Jesus tungkol sa tanda ng mga huling araw. Kitang-kita namin na natutupad ang hulang ito yamang napakasama na ng kalagayan ng daigdig. At dahil dito, natanto namin ni Nanay na ito ang katotohanan. Nang araw ding iyon, inanyayahan kaming dumalo sa Kingdom Hall.

Sa loob ng Kingdom Hall, nakilala ko ang ilang kabataang payunir. Isa sa mga ito ay si Joyce Barber (ngayon ay Ellis), na patuloy na naglilingkod kasama ang kaniyang asawang si Peter, sa Bethel sa London. Inakala ko noon na kailangan kong magpayunir gaya nila. Kaya nagsimula agad akong mangaral nang 60 oras kada buwan, kahit na pumapasok pa ako sa paaralan.

Makalipas ang limang buwan, noong Pebrero 11, 1940, nagpabautismo kami ni Nanay sa isang asambleang pansona (tinatawag ngayon na pansirkitong asamblea) sa Bradford. Bagaman hindi tumutol si Tatay sa aming bagong relihiyon, hindi rin siya nanindigan sa katotohanan. Noong panahong nabautismuhan ako, nagsimula ang pagpapatotoo sa lansangan. Nakibahagi ako rito, bitbit ang mga plakard at isang bag ng magasin. Isang Sabado, inatasan akong tumayo sa pinakamataong lugar sa isang pamilihan. May takot pa rin ako sa tao, at tamang-tama namang parang lahat ng kaklase ko ay dumaan sa lansangan kung saan ako nakatayo!

Noong 1940, kailangan nang hatiin ang company (tawag noon sa kongregasyon) kung saan kami nakaugnay. Halos lahat ng kaedad ko ay napunta sa kabilang company. Nagreklamo ako sa aming company servant (ngayon ay tinatawag na punong tagapangasiwa). Sinabi niya, “Bakit hindi ka mangaral sa mga kaedad mo kung gusto mong magkaroon ng mga kasamang kabataang kagaya mo?” At ganiyang-ganiyan ang ginawa ko! Nang maglaon, nakilala ko si Elsie Noble. Tinanggap niya ang katotohanan at naging kaibigan ko siya habang-buhay.

Pagpapayunir at ang mga Pagpapala Nito

Nang makatapos ako sa pag-aaral, nagtrabaho ako sa isang accountant. Subalit nang makita ko ang kagalakang nadarama ng mga naglilingkod nang buong panahon, sumidhi ang pagnanais kong maglingkod kay Jehova bilang isang payunir. Kaya noong Mayo 1945, nagsimula akong maglingkod bilang isang special pioneer. Sa unang araw ng pagpapayunir ko, maghapong bumuhos ang ulan. Gayunman, tuwang-tuwa akong mangaral at hindi ko inalintana ang ulan. Sa katunayan, nakabuti sa aking kalusugan ang paglabas at pagbibisikleta sa larangan araw-araw. Bagaman hanggang 42 kilo lamang ang naging timbang ko, hindi ako huminto sa aking pagpapayunir. Sa loob ng maraming taon, naranasan ko sa literal na paraan na “si Jehova ang aking lakas.”​—Awit 28:7.

Sa layuning makapagpasimula ng bagong mga kongregasyon, naglingkod ako bilang isang special pioneer sa mga bayan kung saan walang mga Saksi. Naglingkod muna ako nang tatlong taon sa Inglatera at pagkatapos ay tatlong taon sa Ireland. Habang nagpapayunir sa Lisburn, Ireland, isang katulong na pastor sa simbahan ng Protestante ang naaralan ko ng Bibliya. Nang matutuhan niya ang katotohanan tungkol sa mga saligang doktrina sa Bibliya, itinuro niya ito sa kaniyang kongregasyon. Ang ilang miyembro ng kongregasyon ay nagreklamo sa mga pinuno ng simbahan. Siyempre pa, hinilingan siya ng mga pinuno na magpaliwanag. Sinabi niya na tungkulin niya bilang Kristiyano na sabihin sa kawan na nagturo siya ng maraming kabulaanan. Bagaman inusig siya nang husto ng kaniyang pamilya, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at naglingkod nang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan.

Ang sumunod kong atas ay sa Larne, Ireland. Mag-isa akong naglingkod doon sa loob ng anim na linggo yamang ang kasama kong payunir ay dumalo sa Paglago ng Teokrasya na Asamblea sa New York noong 1950. Napakahirap na panahon ito para sa akin dahil gustung-gusto kong makadalo sa asamblea. Gayunman sa loob ng mga linggong iyon, nakapagpatibay sa akin ang mga karanasan ko sa paglilingkod sa larangan. Natagpuan ko ang isang matandang lalaki na tumanggap ng isa sa ating mga publikasyon mahigit 20 taon na ang nakalilipas. Sa loob ng maraming taon, nabasa na niya ang mga ito nang paulit-ulit anupat halos kabisado na niya ito. Tinanggap niya, ng kaniyang anak na lalaki, at anak na babae ang katotohanan.

Tumanggap ng Pagsasanay sa Paaralang Gilead

Noong 1951, inanyayahan ako, kasama ang sampung iba pang payunir mula sa Inglatera, na mag-aral sa ika-17 klase ng Paaralang Gilead sa South Lansing, New York. Talagang nasiyahan ako sa instruksiyon sa Bibliya na tinanggap namin sa mga buwang iyon! Noong panahong iyon, hindi pa binibigyan ng mga bahagi ang mga sister sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa mga lokal na kongregasyon. Subalit sa Gilead, nabibigyan kaming mga sister ng mga bahagi para magbigay ng mga ulat at mga pahayag bilang mga estudyante. Kabadung-kabado kami! Sa unang bahagi ko, nanginginig nang husto ang kamay ko habang hawak ang mga nota. Ang instruktor, si Brother Maxwell Friend, ay pabirong nagpayo: “Hindi ka lamang kinakabahan sa umpisa, gaya ng lahat ng mahuhusay na tagapagsalita, kundi kinakabahan ka rin hanggang sa matapos ang bahagi mo.” Sa panahon ng aming pagsasanay, naging mahusay kami sa paghaharap ng aming bahagi sa klase. Parang napakabilis ng aming pagsasanay at kaming mga nagsipagtapos ay inatasang maglingkod sa iba’t ibang banyagang lupain. Naatasan ako sa Thailand!

“Lupain ng mga Palangiti”

Itinuring kong isang kaloob mula kay Jehova si Astrid Anderson, ang naging kasama kong misyonera sa Thailand. Naglakbay kami nang pitong linggo sakay ng isang barkong pangkargamento papunta sa Bangkok, ang kabisera ng Thailand. Nang dumating kami roon, nakita namin ang mga abalang palengke at dugtung-dugtong na mga kanal na nagsilbing mga pangunahing daan sa lunsod. Noong 1952, wala pang 150 mamamahayag ng Kaharian sa Thailand.

Nang una naming makita Ang Bantayan sa wikang Thai, napag-isip-isip namin, ‘Matututo kaya tayong magsalita ng wikang iyan?’ Isa talagang hamon na bigkasin ang mga salita sa tamang tono. Halimbawa, kapag ang salitang khaù ay binigkas mula sa mataas na tono pababa, nangangahulugan ito ng “kanin.” Pero ang parehong salita na binibigkas sa mababang tono ay nangangahulugan namang “balita.” Kaya kapag lumalabas kami sa paglilingkod sa larangan, hindi namin napapansin na ang sinasabi pala namin sa mga tao ay “may dala akong mabuting kanin” sa halip na “mabuting balita”! Subalit unti-unti​—at matapos ang maraming katatawanan​—natutuhan din namin ang wika.

Palakaibigan ang mga Thai. Kaya angkop lamang na tawagin ang Thailand na Lupain ng mga Palangiti. Ang unang atas namin ay ang lunsod ng Khorat (tinatawag ngayong Nakhon Ratchasima), kung saan naglingkod kami nang dalawang taon. Pagkatapos, naatasan kami sa lunsod ng Chiang Mai. Karamihan sa mga Thai ay Budista at hindi sila pamilyar sa Bibliya. Sa Khorat, nagdaos ako ng pag-aaral sa isang postmaster. Pinag-usapan namin ang patriyarkang si Abraham. Tumango ang lalaki na para bang kilalang-kilala niya si Abraham. Nalaman ko bandang huli na hindi pala iisang Abraham ang pinag-uusapan namin. Ang kilala ng postmaster ay si Abraham Lincoln, ang dating presidente ng Estados Unidos!

Nasiyahan kami sa pagtuturo ng Bibliya sa tapat-pusong mga Thai. Pero kasabay nito, natutuhan naman namin sa kanila kung paano mamuhay nang maligaya at simple. Mahalaga ito sapagkat walang kuryente at mga gripo ang kauna-unahang tahanan ng misyonero sa Khorat. Sa gayong mga atas, ‘natutuhan namin ang lihim kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.’ Tulad ni apostol Pablo, naranasan namin kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng “lakas . . . dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan.”​—Fil. 4:12, 13.

Isang Bagong Kasama at Isang Bagong Atas

Noong 1945, pumasyal ako sa London. Pumunta ako sa Britsh Museum kasama ang ilang payunir at Bethelite. Isa sa kanila ay si Allan Coville, na di-nagtagal ay nag-aral sa ika-11 klase ng Gilead. Naatasan siyang maglingkod sa Pransiya at pagkatapos ay sa Belgium. * Nang maglaon, habang naglilingkod ako sa Thailand bilang misyonera, inalok ako ni Allan na magpakasal sa kaniya, at tinanggap ko naman ito.

Nagpakasal kami sa Brussels, Belgium, noong Hulyo 9, 1955. Noon pa ma’y pangarap ko nang mag-honeymoon sa Paris. Kaya nagplano si Allan na makadalo kami ng asamblea roon sa sumunod na linggo. Gayunman, pagdating na pagdating namin doon, hinilingan agad si Allan na tumulong bilang isang interprete sa buong programa ng asamblea. Kailangan niyang umalis nang maaga araw-araw, at umuuwi kami sa aming tinutuluyan nang gabing-gabi na. Kaya nasa Paris nga kami sa panahon ng aming honeymoon, pero sa malayo ko lamang nakikita si Allan​—sa plataporma! Magkagayunman, nalulugod akong makitang naglilingkod sa mga kapatid ang asawa ko, at sigurado ako na kung uunahin namin si Jehova sa aming pag-aasawa, tunay na magiging maligaya kami.

Nang mag-asawa ako, nagkaroon ako ng bagong teritoryo​—ang Belgium. Ang alam ko lamang noon sa Belgium ay dito naganap ang ilang digmaan, subalit di-nagtagal, nalaman ko na karamihan pala sa taga-Belgium ay talagang maibigin sa kapayapaan. Kinailangan ko ring matutong magsalita ng wikang Pranses dahil ito ang wikang ginagamit sa timugang bahagi ng bansa.

Noong 1955, may 4,500 mamamahayag sa Belgium. Sa halos 50 taon, naglingkod kami ni Allan sa Bethel at sinamahan ko siya sa kaniyang paglalakbay bilang tagapangasiwa. Sa unang dalawa’t kalahating taon, naglakbay kami sa pamamagitan ng bisikleta, akyat baba sa mga burol, umulan man o umaraw. Sa loob ng maraming taon, nanuluyan kami sa mahigit 2,000 iba’t ibang tahanan ng mga kapuwa Saksi! Madalas kong makausap ang mga kapatid na may mahinang kalusugan pero ginagamit ang kanilang buong lakas upang maglingkod kay Jehova. Ang kanilang halimbawa ay nakapagpatibay sa akin na huwag sumuko sa aking paglilingkod. Pagkatapos naming dumalaw bawat linggo sa isang kongregasyon, lagi kaming napapatibay. (Roma 1:11, 12) Isang tunay na kaibigan si Allan. Talagang totoo ang mga salita sa Eclesiastes 4:9, 10: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, . . . sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama”!

Mga Pagpapalang Natamo sa Paglilingkod sa Tulong ng ‘Lakas ni Jehova’

Sa nakalipas na mga taon, nagkaroon kami ni Allan ng maraming maliligayang karanasan sa pagtulong sa iba na maglingkod kay Jehova. Halimbawa, noong 1983, dumalaw kami sa kongregasyong Pranses sa Antwerp. Nanuluyan kami sa tahanan ng isang pamilya kung saan nanunuluyan din si Benjamin Bandiwila, isang kabataang brother mula sa Zaire (ngayon ay Democratic Republic of Congo). Lumipat si Benjamin sa Belgium para kumuha ng mataas na edukasyon. Sinabi niya sa amin, “Naiinggit talaga ako sa inyo dahil talagang iniukol ninyo ang inyong buhay sa paglilingkod kay Jehova.” Tumugon naman si Allan: “Sinasabi mong naiinggit ka sa amin; pero makasanlibutang karera naman ang itinataguyod mo. Hindi kaya salungat ang sinasabi mo sa ginagawa mo?” Pinag-isipan ni Benjamin ang prangkang komentong ito. Nang maglaon sa Zaire, nagpayunir siya, at sa kasalukuyan ay naglilingkod siya bilang miyembro ng Komite ng Sangay.

Noong 1999, nagpaopera ako para alisin ang ulser sa aking esophagus. Simula noon, 30 kilo na lamang ang timbang ko. Tunay ngang isa akong mahinang “sisidlang luwad.” Subalit, nagpapasalamat ako dahil binigyan ako ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” Pagkatapos ng operasyon, pinangyari niya na masamahan kong muli si Allan sa kaniyang paglalakbay bilang tagapangasiwa. (2 Cor. 4:7) At noong Marso 2004, namatay si Allan habang natutulog. Talagang hinahanap-hanap ko siya, pero naaaliw ako kasi alam ko na nasa alaala siya ni Jehova.

Ngayon, sa edad na 83, binabalik-balikan ko sa aking alaala ang mahigit 63 taóng ginugol ko sa buong-panahong paglilingkod. Lumalabas pa rin ako sa larangan, nagsasagawa ng pag-aaral sa Bibliya sa tahanan, at sinasamantala araw-araw ang pagkakataong ipakipag-usap sa iba ang kamangha-manghang layunin ni Jehova. Kung minsan, iniisip ko, ‘Ano kaya ang nangyari sa buhay ko kung hindi ako nagpayunir noong 1945?’ Noong panahong iyon, ang mahina kong kalusugan ay waring sapat na dahilan para hindi ako magpayunir. Laking pasasalamat ko at nagpayunir ako noong bata pa ako! Pribilehiyo kong maranasan nang personal na kung uunahin natin sa ating buhay si Jehova, siya ang magiging lakas natin.

[Mga talababa]

^ Inilathala ang aklat na Salvation noong 1939. Hindi na ito inililimbag ngayon.

^ Ang talambuhay ni Brother Coville ay mababasa sa The Watchtower ng Marso 15, 1961.

[Larawan sa pahina 18]

Ako at ang kasama kong misyonera na si Astrid Anderson (sa kanan)

[Larawan sa pahina 18]

Kasama ng aking asawa sa kaniyang paglalakbay bilang tagapangasiwa, noong 1956

[Larawan sa pahina 20]

Kasama si Allan noong 2000