Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Hasmoneano at ang Kanilang Pamana

Ang mga Hasmoneano at ang Kanilang Pamana

Ang mga Hasmoneano at ang Kanilang Pamana

NANG si Jesus ay nasa lupa, ang Judaismo ay nababahagi sa iba’t ibang paksiyon, na lahat ay nagpapaligsahang makaimpluwensiya sa mga tao. Iyan ang kalagayang inilarawan sa mga ulat ng Ebanghelyo at gayundin sa mga akda ni Josephus na Judiong istoryador noong unang siglo.

Ang mga Pariseo at mga Saduceo ay lumitaw sa tagpong ito bilang mga taong makapangyarihan, na may kakayahang mapagbago ang opinyon ng publiko maging hanggang sa punto ng pagtatakwil kay Jesus bilang Mesiyas. (Mateo 15:1, 2; 16:1; Juan 11:47, 48; 12:42, 43) Gayunman, hindi binanggit ang dalawang maimpluwensiyang grupong ito saanman sa Hebreong Kasulatan.

Unang binanggit ni Josephus ang mga Saduceo at mga Pariseo kaugnay ng mga pangyayari noong ikalawang siglo B.C.E. Nang kapanahunang iyon, napadala ang maraming Judio sa pang-akit ng Hellenismo, samakatuwid nga, ng Griegong kultura at pilosopiya. Umabot sa kasukdulan ang igtingan sa pagitan ng Hellenismo at Judaismo nang dungisan ng mga tagapamahalang Seleucido ang templo sa Jerusalem, anupat inialay ito kay Zeus. Isang dinamikong lider na Judio, si Juda Macabeo, na nagmula sa isang pamilyang kilala bilang mga Hasmoneano, ang nanguna sa isang rebeldeng hukbo na nagpalaya sa templo mula sa kamay ng mga Griego. a

Ang kasunod na mga taon pagkatapos na maghimagsik at magtagumpay ang mga Macabeo ay kinakitaan ng hilig na bumuo ng mga sekta salig sa nagpapaligsahang mga ideolohiya, na bawat isa’y nakikipagkompetensiya sa iba sa panghihikayat sa kalakhang bahagi ng komunidad ng mga Judio. Ngunit bakit nagkaroon ng ganitong hilig? Bakit lubhang nagkabaha-bahagi ang Judaismo? Upang masagot iyan, suriin natin ang kasaysayan ng mga Hasmoneano.

Lumalawak na Kasarinlan at Pagkakabaha-bahagi

Pagkatapos na matamo ang kaniyang relihiyosong tunguhin na maisauli ang pagsamba sa templo ni Jehova, naging makapulitika si Juda Macabeo. Dahil dito, maraming Judio ang huminto sa pagsunod sa kaniya. Gayunman, ipinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang pakikipaglaban sa mga tagapamahalang Seleucido, bumuo ng isang pakikipagkasundo sa Roma, at nagsikap na magtatag ng isang may-kasarinlang Estadong Judio. Pagkamatay ni Juda sa labanan, ipinagpatuloy ng kaniyang mga kapatid na sina Jonatan at Simon ang pakikipagbaka. Noong una ay puspusang nilabanan ng mga tagapamahalang Seleucido ang mga Macabeo. Ngunit nang maglaon, sumang-ayon ang mga tagapamahala sa mga pakikipagkompromiso sa pulitika, anupat pinahintulutan ang magkapatid na Hasmoneano na magkaroon ng isang antas ng awtonomiya.

Bagaman mula sa angkan ng mga saserdote, walang Hasmoneano ang nakapaglingkod kailanman sa katungkulan ng mataas na saserdote. Inaakala ng maraming Judio na ang katungkulang ito ay dapat gampanan ng mga saserdote mula sa angkan ni Zadok, na inatasan ni Solomon bilang mataas na saserdote. (1 Hari 2:35; Ezekiel 43:19) Gumamit si Jonatan ng pakikidigma at diplomasya upang hikayatin ang mga Seleucido na atasan siya bilang mataas na saserdote. Ngunit pagkamatay ni Jonatan, higit pa ang nakamit ng kapatid niyang si Simon. Noong Setyembre 140 B.C.E., nagpalabas sa Jerusalem ng isang mahalagang dekreto, na iniukit sa mga tapyas na bronse sa istilong Griego: “Si Haring Demetrius [ang Griegong tagapamahalang Seleucido] ay nagtalaga sa kaniya [kay Simon] sa mataas na pagkasaserdote, ginawa siyang isa sa kaniyang mga Kaibigan, at pinag-ukulan siya ng matataas na karangalan. . . . Ang mga Judio at ang kanilang mga saserdote ay nagpasiya na si Simon ang dapat nilang maging lider at mataas na saserdote magpakailanman, hanggang sa may lumitaw na isang mapagkakatiwalaang propeta.”​—1 Macabeo 14:38-41 (isang makasaysayang aklat na nasa Apokripa).

Ang katungkulan ni Simon bilang tagapamahala at mataas na saserdote​—para sa kaniya at sa kaniyang mga inapo​—ay sinang-ayunan sa gayong paraan hindi lamang ng banyagang awtoridad na Seleucido kundi gayundin ng “Dakilang Kapulungan” ng kaniyang sariling bayan. Naghudyat ito ng isang mahalagang pagbabago. Gaya ng sinabi ng istoryador na si Emil Schürer, nang makapagtatag na ng isang pulitikal na dinastiya ang mga Hasmoneano, “ang kanilang pangunahing pinagkaabalahan ay hindi na ang pagtupad sa Torah [Kautusang Judio] kundi ang pagpapanatili at pagpapalawak ng kanilang pulitikal na kapangyarihan.” Gayunman, dahil iniingatang huwag mapagalit ang damdamin ng mga Judio, ginamit ni Simon ang titulong “ethnarch,” o “lider ng bayan,” sa halip na “hari.”

Hindi lahat ay nalugod sa pang-aagaw ng mga Hasmoneano ng kapuwa relihiyoso at pulitikal na pamamahala. Ayon sa maraming iskolar, nang kapanahunang ito nabuo ang komunidad ng Qumran. Isang saserdote mula sa angkan ni Zadok, na pinaniniwalaang ang isa na tinutukoy sa mga akdang Qumran bilang “ang Guro ng Katuwiran,” ang umalis sa Jerusalem at nanguna sa isang grupong oposisyon patungo sa Disyerto ng Judea sa tabi ng Dagat na Patay. Hinahatulan ng isa sa Dead Sea Scrolls, na isang komentaryo sa aklat ng Habakuk, ang “Balakyot na Saserdote na tinatawag ayon sa pangalan ng katotohanan sa pasimula, ngunit nang mamahala siya sa Israel ay nagpalalo ang kaniyang puso.” Naniniwala ang maraming iskolar na maaaring umakma ang paglalarawan ng sekta sa namamahalang “Balakyot na Saserdote” alinman kay Jonatan o kay Simon.

Ipinagpatuloy ni Simon ang mga kampanyang pangmilitar upang mapalawak ang teritoryong nasasakupan niya. Gayunman, ang kaniyang pamamahala ay biglang nagwakas nang siya at ang dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki ay patayin ng kaniyang manugang na si Ptolemy habang nagpipiging sila malapit sa Jerico. Nabigo ang pagtatangkang ito na agawin ang pamamahala. Si John Hyrcanus, na natitirang anak ni Simon, ay binabalaan hinggil sa pagtatangka sa kaniyang buhay. Dinakip niya ang mga posibleng papatay sa kaniya at hinawakan ang pamamahala at ang mataas na pagkasaserdote kahalili ng kaniyang ama.

Higit Pang Pagpapalawak at Paniniil

Noong una, napaharap si John Hyrcanus sa mga seryosong pagbabanta mula sa mga hukbong Siryano, ngunit noong 129 B.C.E., natalo ang dinastiyang Seleucido sa isang mahalagang pakikipagbaka sa mga Parto. May kinalaman sa epekto ng digmaang ito sa mga Seleucido, sumulat ang Judiong iskolar na si Menahem Stern: “Ang buong kayarian ng kaharian ay halos gumuho na.” Sa gayon ay “lubos na nabawi [ni Hyrcanus] ang pulitikal na kasarinlan ng Judea at nakapagsimulang magpalawak sa iba’t ibang direksiyon.” At talagang nagpalawak siya.

Ngayong hindi na nahahadlangan ng anumang banta mula sa Sirya, pinasimulang salakayin ni Hyrcanus ang mga teritoryo sa labas ng Judea, anupat sinasakop ang mga ito. Kinailangang magpakumberte sa Judaismo ang mga mamamayan dahil kung hindi ay wawasakin ang kanilang mga lunsod. Ang isa sa gayong kampanya ay laban sa mga Idumeano (mga Edomita). Tungkol dito, sinabi ni Stern: “Ang pagkakumberte ng mga Idumeano ang kauna-unahan sa ganitong pangungumberte, sapagkat ito’y sa buong lahi sa halip na sa iilang indibiduwal.” Kabilang sa iba pang mga lugar na nilupig ay ang Samaria, kung saan winasak ni Hyrcanus ang templong Samaritano na nasa Bundok Gerazim. Nang ipinaliliwanag ang kabalintunaan ng patakarang ito ng sapilitang pangungumberte ng dinastiyang Hasmoneano, sumulat ang istoryador na si Solomon Grayzel: “Narito ang isang apo ni Matatias [ama ni Juda Macabeo] na lumalabag sa mismong simulain​—kalayaan sa relihiyon​—na may-kabayanihang ipinagtanggol ng nakaraang salinlahi.”

Lumitaw ang mga Pariseo at mga Saduceo

Unang inilahad ni Josephus ang lumalaking impluwensiya ng mga Pariseo at mga Saduceo nang sumulat siya tungkol sa paghahari ni Hyrcanus. (Binanggit ni Josephus ang mga Pariseo na nabuhay noong naghahari si Jonatan.) Hindi niya sinabi kung saan sila nagmula. Minamalas sila ng ilang iskolar bilang isang grupo na nanggaling sa Hasidim, isang debotong sekta na sumuporta kay Juda Macabeo sa kaniyang relihiyosong mga tunguhin ngunit tumalikod sa kaniya nang maging makapulitika ang kaniyang mga ambisyon.

Ang pangalang Pariseo ay karaniwan nang iniuugnay sa Hebreong salitang-ugat na nangangahulugang “mga nakabukod,” bagaman minamalas iyon ng ilan bilang kaugnay ng salitang “mga tagapagpakahulugan.” Ang mga Pariseo ay mga iskolar mula sa karaniwang mga tao, na walang pantanging angkan na pinanggalingan. Ibinukod nila ang kanilang sarili mula sa ritwal na karumihan sa pamamagitan ng pilosopiya ng pantanging kabanalan, anupat ikinakapit ang mga kautusan sa templo ukol sa makasaserdoteng kabanalan sa pangkaraniwang mga situwasyon sa pang-araw-araw na buhay. Bumuo ang mga Pariseo ng isang bagong paraan ng pagpapakahulugan sa Kasulatan at ng isang konsepto na nang maglaon ay nakilala bilang ang bibigang kautusan. Noong naghahari si Simon, lalong lumaki ang kanilang impluwensiya nang ang ilan ay mahirang sa Gerousia (konseho ng matatandang lalaki), na nang maglaon ay nakilala bilang ang Sanedrin.

Sinabi ni Josephus na si John Hyrcanus noong una ay isang mag-aaral at tagapagtaguyod ng mga Pariseo. Gayunman, sa isang pagkakataon, itinuwid siya ng mga Pariseo dahil hindi niya binitiwan ang mataas na pagkasaserdote. Humantong ito sa isang malubhang hidwaan. Ipinagbawal ni Hyrcanus ang mga relihiyosong ordinansa ng mga Pariseo. Bilang karagdagang parusa, pumanig siya sa mga kalaban ng mga Pariseo sa relihiyon, ang mga Saduceo.

Ang pangalang Saduceo ay malamang na may kaugnayan sa mataas na saserdoteng si Zadok, na ang mga inapo ang humahawak sa katungkulan ng saserdote mula pa noong panahon ni Solomon. Subalit hindi lahat ng Saduceo ay nagmula sa angkang ito. Ayon kay Josephus, ang mga Saduceo ang mga aristokrata at mayayamang tao ng bansa, at wala silang suporta ng taong-bayan. Nagkomento si Propesor Schiffman: “Ang karamihan sa kanila . . . ay lumilitaw na mga saserdote o yaong mga nakapag-asawa sa mga pamilya ng matataas na saserdote.” Sa gayon ay matagal na silang may malapit na kaugnayan sa mga nasa kapangyarihan. Samakatuwid, ang lumalaking papel ng mga Pariseo sa buhay-publiko at ang konsepto ng Pariseo na paggagawad ng malasaserdoteng kabanalan sa lahat ng tao ay minalas bilang isang banta na maaaring bumuwag sa likas na awtoridad ng mga Saduceo. Ngayon, sa huling mga taon ng paghahari ni Hyrcanus, muling nangibabaw ang mga Saduceo.

Nadagdagan ang Pamumulitika, Nabawasan ang Debosyon sa Diyos

Ang panganay na anak na lalaki ni Hyrcanus, si Aristobulus, ay naghari lamang nang isang taon bago namatay. Ipinagpatuloy niya ang patakaran ng sapilitang pagkumberte sa mga Itureano at isinailalim sa kontrol ng mga Hasmoneano ang dakong itaas ng Galilea. Ngunit umabot ang dinastiyang Hasmoneano sa tugatog ng kapangyarihan nito noong naghahari ang kaniyang kapatid na si Alexander Jannaeus, na namahala mula 103-76 B.C.E.

Itinakwil ni Alexander Jannaeus ang dating patakaran at tahasang idineklara ang kaniyang sarili bilang kapuwa mataas na saserdote at hari. Tumindi ang mga alitan sa pagitan ng mga Hasmoneano at ng mga Pariseo, anupat humantong pa nga sa isang gera sibil kung saan 50,000 Judio ang namatay. Pagkatapos na masugpo ang rebelyon, sa isang pagkilos na kahawig ng sa mga haring pagano, ipinabayubay ni Jannaeus ang 800 rebelde. Sa kanilang mga huling sandali, pinagpapatay ang kanilang mga asawa at mga anak sa kanilang harap mismo, habang lantarang nakikipagpiging si Jannaeus sa kaniyang mga babae. b

Sa kabila ng kaniyang pakikipag-alitan sa mga Pariseo, si Jannaeus ay isang praktikal na pulitiko. Nakita niya na lumalaki ang suporta ng mga tao sa mga Pariseo. Nang mamamatay na siya, ang huling habilin niya sa kaniyang asawa, si Salome Alexandra, ay bigyan sila ng kapangyarihan. Siya ang pinili ni Jannaeus sa halip na ang kaniyang mga anak bilang kahalili sa kaniyang kaharian. Pinatunayan ni Salome na siya’y isang may-kakayahang tagapamahala, anupat dinulutan ang bansa ng isa sa mas mapayapang mga panahon sa ilalim ng pamamahala ng mga Hasmoneano (76-67 B.C.E.). Isinauli ang mga Pariseo sa mga posisyong may awtoridad, at pinawalang-bisa ang mga batas laban sa kanilang mga relihiyosong ordinansa.

Nang mamatay si Salome, ang kaniyang mga anak na sina Hyrcanus II, na naglingkod bilang mataas na saserdote, at Aristobulus II ay nag-agawan sa kapangyarihan. Kapuwa nila hindi taglay ang pampulitika at pangmilitar na kabatiran ng kanilang mga ninuno, at waring walang sinuman sa kanilang dalawa ang nakauunawa sa tunay na kahulugan ng lumalawak na presensiya ng Roma sa lugar na iyon pagkatapos ng lubos na pagguho ng kahariang Seleucido. Noong 63 B.C.E., ang magkapatid ay lumapit sa tagapamahalang Romano na si Pompey habang siya’y nasa Damasco at humiling na mamagitan siya sa kanilang di-pagkakasundo. Nang taon ding iyon, si Pompey at ang kaniyang mga hukbo ay nagmartsang papasok sa Jerusalem at nanakop. Doon nagsimula ang wakas ng kaharian ng mga Hasmoneano. Noong 37 B.C.E., ang Jerusalem ay sinakop ng Idumeanong si Haring Herodes na Dakila, na sinang-ayunan ng Senado ng Roma bilang “Hari ng Judea,” “kaalyado at kaibigan ng bayang Romano.” Wala na ang kaharian ng mga Hasmoneano.

Ang Pamana ng mga Hasmoneano

Ang kapanahunan ng mga Hasmoneano, mula kay Juda Macabeo hanggang kay Aristobulus II, ang naglatag ng pundasyon para sa pagkakabaha-bahagi ng relihiyon na umiiral noong si Jesus ay nasa lupa. Nagsimula ang mga Hasmoneano taglay ang sigasig sa pagsamba sa Diyos, ngunit iyon ay nauwi sa mapang-abusong kaimbutan. Ang kanilang mga saserdote, na nagkaroon sana ng pagkakataong buklurin ang bayan sa pagsunod sa Kautusan ng Diyos, ay umakay sa bansa tungo sa lusak ng pulitikal na paglalaban-laban. Sa ganitong kapaligiran, lumago ang bumabahaging mga relihiyosong pangmalas. Wala na ang mga Hasmoneano, ngunit ang pag-aagawan sa kontrol sa relihiyon sa pagitan ng mga Saduceo, mga Pariseo, at iba pa ay naging pagkakakilanlan ng bansa na ngayon ay nasa ilalim ni Herodes at ng Roma.

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Sino ang mga Macabeo?” sa Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1998.

b Ang “Komentaryo sa Nahum” ng Dead Sea Scrolls ay may binanggit na “Leon ng Pagkapoot” na “nagbitin ng mga lalaki nang buháy,” na maaaring tumutukoy sa insidenteng binanggit sa itaas.

[Chart sa pahina 30]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Dinastiyang Hasmoneano

Juda Macabeo

Jonatan Macabeo

Simon Macabeo

John Hyrcanus

↓ ↓

Aristobulus

Salome Alexandra — naging asawa ni — Alexander Jannaeus

↓ ↓

Hyrcanus II

Aristobulus II

[Larawan sa pahina 27]

Hinangad ni Juda Macabeo ang kasarinlan ng mga Judio

[Credit Line]

The Doré Bible Illustrations/Dover Publications, Inc.