Pagka ang Isang Asawa ay Di-tapat
Pagka ang Isang Asawa ay Di-tapat
ANG kabiglaanang iyon ay totoong masakit. Ang mag-asawa ay may isa lamang anak na maliit, at ang asawang babae na nasa kabataan pa ay manganganak noon ng kanilang pangalawa. Ngayon ay natuklasan niya na ang asawang lalaki ay nagtaksil sa kaniya. Ito’y nagkasala ng pangangalunya! Ang asawang babae’y totoong nasaktan at litung-lito ang isip, at wala siyang maalamang gawin.
Nakalulungkot sabihin, ito ay karaniwan. Ipinakikita ng mga ulat sa iba’t-ibang bansa na maraming mag-a-mag-asawa ngayon ang nagtataksil sa kani-kanilang asawa at lumilikha ng malalaking problema sa kanilang pagsasamahang mag-asawa. Papaano ba ang dapat ikilos ng isang Kristiyano pagkatapos na matuklasan niyang pinagtaksilan pala siya ng kaniyang asawa?
Sa ganiyang katayuan, ang mga sinabi ni Jesus tungkol diyan ang dapat pag-isipan: “Sinasabi ko sa inyo na sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.” (Mateo 19:9) Ano ba ang ibig sabihin nito? Na ang pakikiapid (na sa pangangahulugang ibinibigay ng Bibliya’y kasali ang pangangalunya at ang napakasamang imoralidad sa sekso na gaya baga ng homoseksuwalidad) ay maaaring sumira sa pagsasama ng mag-asawa. Sang-ayon sa Kasulatan, ang pinagtaksilang asawa ay may karapatan na humiwalay sa asawang nagkasala sa kaniya at makapag-asawa uli, at yao’y hindi kasalanan sa harap ng Diyos. a
Subali’t kailangan bang ganito ang gawin ng isang asawang pinagtaksilan?
Ang Sariling Halimbawa ng Diyos
Isang halimbawa noong kaarawan ng sinaunang Israel ang tumutulong sa atin na sagutin ito. Isang propeta ng Diyos, si Oseas, ang nag-asawa sa isang babae na nagngangalang Gomer at siya’y nagkaanak ng lalaki sa babaing ito. Pagkatapos, si Gomer ay nangalunya at nagkaanak ng dalawa pa sa ibang mga lalaki. At sa wakas ay tuluyang iniwan niya si Oseas at sumama sa mga iba. Gayunman, si Oseas ay nagpakita ng malaking pagkahabag. Nang malaunan ay tinanggap niya uli si
Gomer, bagaman kinailangang magbayad siya ng salapi para sa babaing ito. (Marahil ay iniwanan na siya ng kaniyang mga mangingibig at nasa karalitaan at pagkaalipin.) Kaya naman imbis na mahigpit na katarungan ang sundin sa pakikitungo sa asawa, si Oseas ay nagpakita ng kaawaan.Ang awang ito na ipinakita ni Oseas ay ginamit sa Bibliya bilang isang halimbawa ng pagpapakita ng isang lalong malaking kaawaan sa nagkasalang asawa. Ang kaniyang sariling kaugnayan sa Israel ay inihalintulad ng Diyos na Jehova sa ugnayan ng mag-asawa. “Ako ay naging pinaka-asawang may-ari sa kanila,” sinabi niya minsan. (Jeremias 31:32) Subali’t, tulad ng asawa ni Oseas, ang mga Israelita ay di-tapat. Malimit na sila’y sumasamba sa mga huwad na diyos, at sa gayo’y nagkakasala ng espirituwal na pangangalunya. (Oseas 6:10; 7:4) Batay sa kaniyang sariling batas, disin sana’y ‘diniborsiyo’ sila noon ng Diyos, at itinakuwil sila. Ano ang kaniyang ginawa?
Tulad ni Oseas, ipinakita niyang handa siyang tanggapin uli ang kaniyang nagkasalang “asawa” kung iiwan niya ang imoralidad na iyon. Kaniyang hinihintay ang panahon na “ang mga anak ni Israel ay manunumbalik at tiyak na hahanapin si Jehova na kanilang Diyos, at si David na kanilang hari; at sila nga ay magsisiparitong may takot kay Jehova at sa kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga araw.”—Oseas 3:5.
Ang isa bang Kristiyano ay makapagpapakita kailanman ng ganiyang pagpapatawad sa asawang nagkasala sa kaniya?
Bakit Dapat na Maging Maawain?
Oo, at, ang totoo, marami ang naging maawain. Para sa mga asawang nagkasala ng pangangalunya, ang kanilang kinabukasan ay nakasalalay sa kamay ng kanilang pinagtaksilang asawa. Subali’t kalimitan ang kanilang pinagtaksilang ito ay inudyukan ng kanilang puso na magpatawad. Bakit nila ginawa iyon?
Unang-una, kanilang naalaala na ang pag-aasawa ay isang regalo ng Diyos at hindi dapat sirain hangga’t maaari. Kanila ring pinag-iisipan ang dakilang kaawaan na ipinakita ng Diyos sa lahat sa atin at naaalaala nila na nakalulugod sa kaniya kung tayo ay maawain sa isa’t-isa. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga maawain, sapagka’t sila’y pagpapakitaan ng awa.”—Mateo 5:7.
Maaaring ipakita ang awa, lalo na kung ang nagkasala ay may matinding pagkadama ng pagkakasala at kaniyang taimtim na pinagsisisihan ang kaniyang nagawang kasalanan. Kung gayon, maaaring maisip ng pinagtaksilang asawa na marapat batahin ang kapaitan at kapinsalaan na nilikha niyaon at maibiging tulungan ang nagkasala upang magbago. Ang ganiyang kapatawaran buhat sa isang mapagmahal na asawa ay makatutulong sa nagsising nagkasala na matalos higit kailanman na isang malaking kayamanan ang kaniyang pagkapag-asawa at siya’y magiging disidido na huwag na uling isapanganib iyon.
Tandaan din na kung minsan—nguni’t hindi lagi—ang pangangalunya ay resulta ng isang di-maligayang kalagayan sa tahanan. Iyan ba ay isang dahilan upang ang sinuman ay mangalunya? Hindi! Nguni’t pagka natalos na umiral ang gayon sa tahanan ay baka matulungan ang pinagtaksilang asawa na makita kung ano kaya ang dapat gawin upang matulungan ang nagkasalang asawa niya na huwag nang magkasalang muli.
Halimbawa, baka ang asawang lalaki ay gumugugol ng mahahabang oras sa kaniyang trabaho o sa iba pang gawain. Baka siya’y lubusang maligaya at nasisiyahan, nguni’t komusta naman ang asawang babae na iniwan niya sa tahanan at nangungulila sa kaniya?
O nariyan din ang asawang lalaki na umuuwi sa tahanan, pagod sa trabaho nguni’t pagdating sa bahay ay walang tao,
walang handang pagkain o isang tambak ang maruruming damit sa sahig. Ang asawang babae ay abala sa mga proyekto sa labas ng bahay na tiyak naman na mabuti at mahalaga, nguni’t ang resulta ay na inakala ng asawang lalaki na siya’y pinabayaan at hindi na kailangan. Kaya, ang kaniyang pansin ay ibinaling niya sa ibang babae. Nang mahayag ang kaniyang ginagawa, siya’y humingi ng kapatawaran at nangakong hindi na uulit. Datapuwa’t, isinaplano ng babae na ipagpatuloy ang paghiwalay, na doo’y may karapatan naman siya, sapagka’t nagkasala nang mabigat ang kaniyang asawa. Subali’t masasabi ba ng babae na hindi siya maaaring bagsakan ng ano mang sisi sa ano mang masamang kalagayan na nagbigay-daan sa gayong imoralidad?Kung gayon, sa ano mang kadahilanan, matutularan ng isang Kristiyano ang Diyos at mapatatawad ang nagkasalang asawa. At, ang resulta’y maraming pagpapala. Anong mga pagpapala?
Mga Pagpapala sa Maawain
Una, para sa maraming nagpatawad sa kanilang nagsising asawa, ang kanilang relasyong mag-asawa ay naipanumbalik nila sa mabuting kalagayan. Muli na namang nagsauli ang isang maligayang tahanan para sa asawang lalaki, asawang babae at mga anak. Oo, isang tunguhin ito na karapat-dapat pagsikapan.
Kadalasan, para sa isang pinatawad ay lalo niyang nakikita ang halaga ng kaniyang pinagkasalahan at maawaing asawa. Baka makilala niya ang mga katangian ng pagpapakumbaba at pag-ibig na marahil hindi niya dating napapansin, lalo na pagka naunawa niyang isang kakilakilabot na karanasan ang dinanas ng kaniyang asawa dahil sa kaniya.
Ito ang nangyari sa pamilyang binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Siempre pa, ang babae’y nasaktang mabuti nang matuklasan niyang pinagtaksilan siya ng kaniyang asawa. Siya’y may maka-Kasulatang karapatan na humiwalay at tapusin na ang kanilang relasyon. Datapuwa’t, ang magiging resulta nito ay isang pamilyang walang ama at ang pangungulila ng isang diborsiyadang babae.
Sa halip, kaniyang isinaalang-alang ang kaniyang munting anak at yaong isisilang pa niya. Kaniya ring isinaalang-alang ang matinding pagsisisi ng asawang lalaki at nagunita niya ang kanilang dating matimyas na pag-iibigan. Sa gayon, ang tinularan niya ay ang Diyos na Jehova at kaniyang pinatawad ang nagsising asawa. Ganiyan na lamang ang paghanga ng lalaki. Sa mapagmahal na tulong ng asawang babae ay muling natamo niya ang dating kalagayan at ang respeto ng kaniyang pamilya at mga kasama. Ang karanasang iyan ay naparam na. Ang maligayang pamilyang ito ay nagkakaisa na at gumagawang sama-sama patungo sa isang magandang kinabukasan.
Isang Pagpapasiya na May Kalakip na Panalangin
Hindi biru-biro ang paglabag sa batas ng Diyos. Ang mga di-tapat sa kani-kanilang asawa ay nagkakasala sa Diyos na Jehova, ang Maytatag ng pag-aasawa ng tao. Kung magkawatak-watak ang kanilang pamilya, ito’y tuwirang resulta ng kanilang sariling pagkakasala. Kung ibig nilang maipanumbalik ang kanilang kaugnayan sa Diyos at makapagtiwalang kakamtin nila ang mga ipinangako niya sa atin, sila’y kailangang magsisi at lubusang magbago ng kanilang kaisipan at ng kanilang imoral na pamumuhay patawarin man sila o hindi ng kanilang asawa.
Gayunman, huwag isipin na kusang nagaganap ang paghihiwalay. Pinatawad ni Oseas si Gomer, at pinatawad ni Jehova nang paulit-ulit ang mga Israelitang nagkasala ng espirituwal na pangangalunya, kaya naman para sa pinagtaksilang mga asawa, kanilang dapat isaalang-alang, at isaalang-alang na may kalakip na panalangin, ang posibilidad na maingatan ang
buklod ng pag-aasawa. Isang pagpapakita ito ng paggalang sa Maytatag ng pag-aasawa, at marahil magbubukas ng daan upang ang mag-asawa’y minsan pang magtamo ng kaligayahan sa kanilang pagsasama.[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1983, pahina 20, 21.