MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Nicaragua
LUPAIN ng mga lawa at mga bulkan ang karaniwang tawag sa Nicaragua. Makikita rito ang pinakamalaking lawa sa Sentral Amerika—ang Lake Nicaragua. Cocibolca ang tawag dito ng mga katutubong tribo, na ang ibig sabihin ay “Matamis na Dagat.” Mayroon itong daan-daang isla at ito ang nag-iisang tubig-tabang na may mga isdang-dagat na gaya ng mga pating, espada, at buan-buan (tarpon).
Makikita rin sa Nicaragua ang isa sa pinakaliblib na rehiyon sa Sentral Amerika—ang Mosquito Coast. Ito ay may habang 65 kilometro at nasa kahabaan ng kalakhan ng silangang baybayin at umaabot hanggang sa kalapít na Honduras. Ang mga Miskito (isa pang baybay ng Mosquito) ay isa sa mga katutubong grupo sa Nicaragua na nakatira rito bago pa dumating ang mga Europeo noong ika-16 na siglo.
Ang mga Miskito ay may malalapít na ugnayan at kakaibang mga kaugalian. Halimbawa, ang wikang Miskito ay walang pormal na katawagang gaya ng “Mister” o “Miss.” Sa mga lalawigan, ang tawag ng mga kabataan sa mga nakatatanda ay “Tiyo” o “Tiya,” kamag-anak
man ang mga ito o hindi. May matagal nang kaugalian ang mga Miskito sa pagbati sa malalapít na kaibigan o kamag-anak. Idinidikit ng babae ang kaniyang pisngi sa pisngi ng taong binabati niya, at nilalanghap niya ito.Literatura sa Bibliya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Mayangna at Miskito