MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Kyrgyzstan
ANG Kyrgyzstan ay napalilibutan ng matataas na bundok na nababalot ng niyebe ang mga tuktok. Nasa Central Asia ito. Ang mga hangganan nito ay Kazakhstan, Uzbekistan, Tajikistan, at China. Halos 90 porsiyento ng bansa ay kabundukan. Ipinagmamalaki ng Kyrgyzstan ang pinakamataas na kabundukan ng Tian Shan, na 7,439 na metro ang taas sa kapantayan ng dagat. Mga 4 na porsiyento ng bansa ay kagubatan. Kaya kapansin-pansin na nasa Kyrgyzstan ang isa sa pinakamalawak na kagubatan ng walnut sa buong mundo.
Kilalang-kilala ang mga taga-Kyrgyzstan sa pagiging mapagpatuloy at magalang. Sa Kyrgyzstan, ginagamit nila ang magalang na salitang “kayo” kapag kausap ang isang nakatatanda at binibigyan ito ng upuan sa pampublikong transportasyon, gayundin sa pinakamarangal na upuan sa mesa.
Karaniwan nang may tatlo o higit pang anak ang mga pamilya. Ang bunsong anak na lalaki ay kadalasang naiiwan sa kaniyang mga magulang, kahit pa mag-asawa ito.
Siya ang mag-aalaga sa kaniyang mga magulang sa kanilang pagtanda.Ang mga batang babae ay tinuturuan ng mga gawaing-bahay para maging mahusay na maybahay. Kapag tin-edyer na sila, magaling na silang magpatakbo ng pamilya. Kadalasang may inihahandang dote para sa nobyang ikakasal. Maaaring kasama rito ang lahat ng uri ng kagamitan sa kama, iba’t ibang kasuotan, at gawang-kamay na karpet. Ang nobyo ay nagbabayad ng pera at mga alagang hayop bilang dote.
Sa mga selebrasyon at libing, nagkakatay ng isang tupa o kabayo. Pinaparte-parte ito, at ang bawat bahagi ay espesyal na inilalaan para sa isang espesipikong tao. Depende sa edad at posisyon ng mga bisita, binibigyan ang bawat isa ng kaniyang parte; muli, paggalang ang mahalagang aspekto sa tradisyong ito. Pagkatapos, inihahain naman ang pambansang pagkain na beshbarmak, na kinakamay.