Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Sa Alemanya, 8 porsiyento lamang ng populasyon ang nag-iisip na sagrado ang pinakaimportanteng bahagi ng Bisperas ng Pasko. Noong 1980, ito ay 47 porsiyento.—TV NEWS CHANNEL N24, ALEMANYA.
◼ “Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan [ng Estados Unidos], mahigit isa sa 100 adultong Amerikano ang nakabilanggo . . . Sa buong bansa, halos 1.6 milyon ang mga bilanggo.”—THE NEW YORK TIMES, E.U.A.
◼ Natuklasan sa isang pag-aaral na “100% ng mga Kastilang sinuri” ay may di-kukulangin sa isang uri ng pestisidyo sa loob ng katawan o “mga substansiyang inuri ng iba’t ibang bansa na posibleng makapinsala sa kalusugan.”—UNIVERSITY OF GRANADA, ESPANYA.
◼ “Sa mga bansang may makukuhang impormasyon, ang buwis na kinikita sa tabako ay mahigit 500 ulit na mas mataas kaysa sa halagang ginagastos sa pagkontrol sa tabako.”—WORLD HEALTH ORGANIZATION, SWITZERLAND.
◼ Mas marami na ang mga miyembro ng Islam kaysa sa mga miyembro ng Romanong Katolisismo. Noong 2006, sinasabing 19.2 porsiyento ng populasyon sa daigdig ang Muslim at 17.4 porsiyento naman ang Romano Katoliko.—REUTERS NEWS SERVICE, BRITANYA.
Saranggolang Humihila ng Barko
Sa mga panahong ito na pataas nang pataas ang presyo ng gasolina at palala nang palala ang mga problema sa kapaligiran, naghahanap ng paraan ang mga may-ari ng barko para mabawasan ang konsumo ng gasolina at buga ng usok. At ginagamit nila ang matagal na nilang kakampi—ang hangin. Isang paraan na nasubukan na nila ay ang paggamit ng saranggola sa paghila ng barko, ayon sa ulat ng pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung. Hinihila ng saranggolang ito, na pumapailanlang nang 300 metro, ang barko kaya puwede nang hindi sagarin ng kapitan ang andar ng makina nito. Kamakailan, isang saranggolang may sukat na 160 metro kuwadrado ang nakatulong sa pagtawid ng isang barkong pangkargamento sa Atlantiko.
Nakatatagal sa Tagtuyot
“Para makatagal sa matinding tagtuyot, binabago ng larva ng isang uri ng langaw sa Aprika ang kaniyang anyo para maging kasintigas siya ng kendi,” ang sabi ng Science News. Kapag halos wala nang tubig sa katawan ang langaw na Polypedilum vanderplanki, ang tubig sa kaniyang katawan ay pinapalitan niya ng malakristal na substansiya, na kahawig ng tinunaw na asukal kapag tumigas. Dahil dito, lubusang tumitigil ang metabolismo ng larva. Nakatatagal ito nang 17 taon sa ganitong “di-aktibong kalagayan” hanggang sa magising siya sa susunod na pagbuhos ng ulan.
Pinakamagandang Lugar Para sa Astronomiya
Isang internasyonal na grupo ang nagtayo ng astronomikal na obserbatoryo, na kinokontrol ng mga robot, sa Dome Argus, na 4,000 metro ang taas mula sa kapantayan ng dagat at ang pinakamataas na lugar sa talampas ng Silangang Antartiko. Napakalamig at kung minsan ay napakadilim sa lugar na ito na mga 1,000 kilometro lamang ang layo sa Polong Timog. Tumatagal nang apat na buwan ang gabi rito, at halos walang halumigmig at hindi mahangin. Sinasabing ang Dome Argus ang pinakamagandang lugar sa daigdig para pag-aralan ang kalawakan. Dahil sa teleskopyo rito, ang sabi ni Lifan Wang, direktor ng Chinese Center for Antarctic Astronomy, “posible nang makakuha ng mga larawang halos sinlinaw ng mga kuha mula sa kalawakan na mas matipid kaysa kung maglulunsad ng teleskopyo sa kalawakan.”