Nasaksihan Ko ang Malalaking Pagbabago sa Korea
Nasaksihan Ko ang Malalaking Pagbabago sa Korea
Ayon sa salaysay ni Chong-il Park
“Duwag! Takot kang mamatay sa digmaan. Idinadahilan mo pa ang relihiyon mo para lang makaiwas sa pagsusundalo.” Iyan ang paratang ng kapitan ng Counter Intelligence Corps (CIC) nang ipatawag niya ako noong Hunyo 1953, mahigit 55 taon na ang nakalilipas.
NANGYARI ito noong Digmaan sa Korea. Binunot ng kapitan ang kaniyang baril at inilapag ito sa kaniyang mesa. “Kung ayaw mong mamatay sa digmaan, puwes, dito ka na mamamatay,” ang sabi niya. “Hindi na ba magbabago ang isip mo?”
“Hindi po,” ang mariin kong sagot. Nang oras ding iyon, sinabihan niya ang isang opisyal na ihanda ang pagbitay sa akin.
Nalagay ako sa ganitong situwasyon dahil ipinatawag ako para magsundalo, pero tumanggi ako. Habang naghihintay kami, sinabi ko sa kapitan na naialay ko na ang buhay ko sa Diyos, kaya naniniwala akong mali na ibuwis ang aking buhay sa anumang dahilan maliban sa paglilingkod sa Diyos. Lumipas ang ilang minutong katahimikan. Di-nagtagal, bumalik ang opisyal upang sabihing handa na ang lahat para sa pagbitay sa akin.
Nang panahong iyon, karamihan sa mga taga-Timog Korea ay walang gaanong alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova, lalo na tungkol sa paninindigan na hindi makisangkot sa pakikidigma ng anumang gobyerno dahil sa budhi. Bago ko ikuwento ang sumunod na nangyari, hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit gayon ang naging paninindigan ko sa harap ng kapitan ng militar.
Ang Aking Kabataan
Ipinanganak ako noong Oktubre 1930. Ako ang panganay na anak at nakatira kami sa isang bayan malapit sa Seoul, ang kabisera noon ng Korea. Debotong tagasunod ni Confucius ang lolo ko, at sinanay niya ako na maging tagasunod din ni Confucius. Ayaw niya akong papag-aralin, kaya nakapag-aral lang ako pagkamatay niya, nang sampung taóng gulang na ako. Pagkatapos, noong 1941, naging magkalaban ang Hapon at Estados Unidos sa Digmaang Pandaigdig II.
Sakop noon ng Hapon ang Korea, kaya tuwing umaga, obligado kaming mga estudyante na sumali sa seremonya na nagpaparangal sa emperador ng Hapon. Naging mga Saksi ni Jehova ang tiyahin at tiyuhin ko at nabilanggo sila sa Korea noong Digmaang Pandaigdig II dahil ayaw nilang sumuporta sa digmaan, palibhasa’y labag ito sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Napakalupit ng mga Hapones sa mga Saksi kaya namatay ang ilan sa kanila, kasali na ang tiyuhin ko. Nang maglaon, sa pamilya namin pumisan ang aking tiyahin.
Noong 1945, nakalaya ang Korea mula sa pananakop ng Hapon. Sa tulong ng aking tiyahin at ng iba pang Saksi na nakaranas mabilanggo, sinimulan ko ang seryosong pag-aaral ng Bibliya at
nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova noong 1947. Noong Agosto 1949, dumating sa Seoul sina Don at Earlene Steele, unang mga misyonerong ipinadala sa Korea na nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead. Makalipas ang ilang buwan, may dumating na iba pang mga misyonero.Noong Enero 1, 1950, apat kaming Koreano na nagsimulang maglingkod bilang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Kami ang kauna-unahang nagpayunir sa Korea matapos ang Digmaang Pandaigdig II.
Buhay sa Panahon ng Digmaan sa Korea
Di-nagtagal pagkatapos nito, sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Hilagang Korea at Timog Korea noong araw ng Linggo, Hunyo 25, 1950. Nang panahong iyon, nasa Seoul ang kaisa-isang kongregasyon sa buong Korea na binubuo ng 61 miyembro kasali na ako. Ipinag-utos ng Embahada ng Estados Unidos na umalis ng bansa ang lahat ng mga misyonero para na rin sa kanilang kaligtasan. Marami ring Saksing Koreano ang umalis sa Seoul at nangalat sa timugang bahagi ng bansa.
Pero hindi pinahintulutan ng gobyerno ng Timog Korea na umalis sa Seoul ang mga kabataang tulad ko na nasa edad na para magsundalo. Nilusob ng mga sundalong Komunista ang lunsod at ang Seoul ay napasailalim ng kontrol ng Komunistang militar. Kahit na sa mga panahong iyon na kailangan kong magtago sa isang maliit na silid sa loob ng tatlong buwan, nakapagpatotoo pa rin ako sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. Halimbawa, may nakilala akong isang lalaking guro na nagtatago rin sa mga Komunista. Bandang huli, magkasama na kami sa silid na tinutuluyan ko, at araw-araw ko siyang inaaralan ng Bibliya. Nang maglaon, nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova.
Isang araw, natunton ng mga opisyal na Komunista mula sa Hilagang Korea ang aming pinagtataguan. Sinabi namin sa kanila na mga estudyante kami ng Bibliya at ipinaliwanag namin ang turo ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Nagulat kami dahil hindi nila kami inaresto kundi nagpakita pa nga sila ng interes sa mensahe ng Bibliya. Sa katunayan, ilang ulit pa ngang bumalik ang ilan sa kanila dahil gusto nilang matuto nang higit pa tungkol sa Kaharian ng Diyos. Napatibay ng karanasang ito ang aming pananampalataya sa proteksiyon ni Jehova.
Nang muling makontrol ng mga sundalo ng UN ang Seoul, nabigyan ako ng permiso na maglakbay sa lunsod ng Taegu noong Marso 1951. Ilang buwan akong nangaral doon kasama ng mga kapuwa ko Saksi. Pagkatapos, noong Nobyembre 1951, bago magwakas ang digmaan, nagbalik sa Korea si Don Steele.
Tinulungan ko siya sa muling pag-oorganisa ng aming gawaing pangangaral. Ang Bantayan, pati na ang Informant—na nagbibigay ng tagubilin sa mga Saksi may kinalaman sa gawaing pangangaral—ay kailangang isalin sa Koreano, imakinilya, at imimyograp. Ipinadadala ang mga literaturang ito sa mga kongregasyon sa iba’t ibang lunsod. Paminsan-minsan, magkasama kaming naglalakbay ni Don para dalawin at patibayin ang mga kongregasyon.
Noong Enero 1953, tuwang-tuwa akong makatanggap ng imbitasyon para magsanay bilang misyonero sa Paaralang Gilead sa New York. Pero nang makapagpareserba na ako ng tiket, dumating naman ang isang liham mula sa tanggapan ng gobyerno ng Korea, na nagsasabing kailangan kong magreport para sa paglilingkod militar.
Nalagay sa Bingit ng Kamatayan
Sa opisina ng pangangalap, ipinaliwanag ko sa isang opisyal ang aking neutral na paninindigan at kung bakit ayaw kong magsundalo. Ipinadala
niya ako sa CIC para alamin kung isa akong Komunista. Noon ako nalagay sa bingit ng kamatayan gaya ng nabanggit sa pasimula. Pero sa halip na barilin ako, biglang tumayo ang kapitan, iniabot sa opisyal ang isang makapal na tabla at iniutos na paghahambalusin ako. Bagaman namimilipit ako sa sakit, masaya naman ako dahil natiis ko iyon.Pinabalik ako ng CIC sa opisina ng pangangalap, pero binale-wala ng mga opisyal doon ang aking paniniwala, basta binigyan ako ng ID number ng militar, at dinala ako sa isla ng Cheju malapit sa pinakakontinente ng Korea, kung saan sinasanay ang mga sundalo. Kinaumagahan, kaming mga bagong datíng ay iniskedyul na manumpa para maging sundalo. Tumanggi ako. Kaya nilitis ako sa hukumang militar at sinentensiyahang mabilanggo nang tatlong taon.
Libu-libo ang Nanatiling Tapat
Nang araw na dapat sana’y aalis ako para magsanay bilang misyonero, may nakita akong dumaraang eroplano sa himpapawid. Iyon sana ang eroplanong sasakyan ko. Pero sa halip na masiraan ng loob dahil hindi ako makapag-aaral sa Gilead, masayang-masaya ako dahil napananatili ko ang aking katapatan kay Jehova. At hindi lamang ako ang nag-iisang Saksing Koreano na tumangging magsundalo. Sa katunayan, mahigit 13,000 iba pang Saksi ang gumawa ng gayunding paninindigan nang sumunod na mga taon. Gumugol sila ng kabuuang mahigit 26,000 taon sa mga bilangguan sa Korea.
Nakakadalawang taon pa lang ako sa aking tatlong-taóng sentensiya, pinalaya na ako noong 1955 dahil sa aking mabuting paggawi. Ipinagpatuloy ko ang aking buong-panahong ministeryo. Nang maglaon, noong Oktubre 1956, nakatanggap ako ng atas na maglingkod sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Korea. Noong 1958, muli akong inanyayahang mag-aral sa Gilead. Sa aming gradwasyon, inatasan akong bumalik sa Korea.
Di-nagtagal pagbalik ko sa Korea, nakilala ko si In-hyun Sung, isang tapat na Saksi, at ikinasal kami noong Mayo 1962. Lumaki siya sa isang pamilyang Budista at nakilala niya ang mga Saksi dahil sa isang kaklase. Sa unang tatlong taon ng aming pagsasama, linggu-linggo kaming dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon sa Korea para patibayin ang pananampalataya ng mga miyembro nito. Mula noong 1965 naman, naglingkod kami sa tanggapang pansangay ng mga Saksi, na matatagpuan ngayon mga 60 kilometro ang layo mula sa Seoul.
Pagbabalik-Tanaw sa Naging mga Pagbabago
Kapag iniisip ko ang nakaraan, namamangha ako sa laki ng ipinagbago ng bansang ito. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig at ng pakikipagdigma sa Hilagang Korea, halos hindi na mapanirahan ang Timog Korea. Wasak ang mga lunsod at lansangan. Laging walang kuryente at heater. Bagsak din ang ekonomiya. Pero makalipas ang 50 taon, nakabawi nang husto ang Timog Korea.
Sa ngayon, ika-11 ang Timog Korea sa pinakamauunlad na bansa sa buong daigdig. Naging kilala ito dahil sa makabagong mga lunsod, matutuling tren, elektroniks, at husay sa paggawa ng mga sasakyan. Ikalima ngayon ang Timog Korea sa mga bansang nangunguna sa paggawa ng mga sasakyan. Pero ang pinakaimportante para sa akin ay ang magandang pagbabagong ginawa sa Timog Korea tungkol sa pagkilala sa karapatang pantao ng mga mamamayan ng Timog Korea.
Nang litisin ako sa hukumang militar noong 1953, hindi maunawaan ng gobyerno ng Korea kung bakit may mga taong tumatangging magsundalo. Ang ilan sa amin ay pinaratangang mga Komunista, at ang ilan naman sa mga kapuwa namin Saksi ay pinagbubugbog hanggang sa mamatay. Marami sa mga nabilanggo dahil tumanggi silang magsundalo noong kanilang kabataan ang may mga anak, at maging mga apo, na nabibilanggo ngayon sa gayunding dahilan.
Nitong nakalipas na mga taon, karaniwang paborable
sa mga Saksi ni Jehova ang mga ulat ng media hinggil sa pagtanggi nilang magsundalo saanmang bansa. Isang abogado na umusig noon sa isang Saksi dahil tumanggi itong magsundalo ang gumawa pa nga ng liham ng paumanhin sa kaniyang mga ginawa, at inilathala ito sa isang kilalang magasin.Umaasa ako na gaya sa maraming iba pang bansa, kikilalanin din sa Timog Korea ang ating karapatan na tumangging magsundalo dahil sa budhi. Ipinananalangin ko na igalang sana ng mga awtoridad sa Korea ang paninindigan ng mga taong tulad ko at itigil na ang pagbibilanggo sa mga kabataang tumatangging magsundalo, “upang makapagpatuloy [kaming] mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay.”—1 Timoteo 2:1, 2.
Bilang mga lingkod ng Diyos na Jehova, labis naming pinahahalagahan ang pagkakataong maitaguyod ang kaniyang karapatan bilang Tagapamahala. (Gawa 5:29) Buong-puso naming inaasam na mapasaya ang kaniyang puso sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa kaniya. (Kawikaan 27:11) Masaya ako na mapabilang sa milyun-milyon na nagpasiyang ‘magtiwala kay Jehova nang buong puso at huwag manalig sa sariling pagkaunawa.’—Kawikaan 3:5, 6.
[Blurb sa pahina 13]
“Nagulat kami dahil hindi nila kami inaresto kundi nagpakita pa nga sila ng interes sa mensahe ng Bibliya”
[Blurb sa pahina 14]
Gumugol ang mga Saksi sa Korea ng 26,000 taon sa bilangguan dahil sa pagtangging magsundalo
[Larawan sa pahina 12]
Sa bilangguang militar, 1953
[Larawan sa pahina 15]
Pagdalaw sa mga kongregasyon kasama ni Don Steele noong panahon ng digmaan, 1952
[Larawan sa pahina 15]
Bago kami ikasal, 1961
[Larawan sa pahina 15]
Tumulong ako sa naglalakbay na tagapangasiwa bilang kaniyang interprete, 1956
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si In-hyun Sung ngayon