Ang Pangmalas ng Bibliya
Kailan Ipinanganak si Jesus?
“WALANG nakaaalam sa eksaktong petsa ng kapanganakan ni Kristo,” ang sabi ng Encyclopedia of Early Christianity. Sa kabila nito, milyun-milyong nag-aangking Kristiyano sa buong daigdig ang nagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus tuwing Disyembre 25. Pero wala sa Bibliya ang petsang ito. Talaga bang Disyembre ipinanganak si Jesus?
Bagaman walang mababasa sa Bibliya na espesipikong petsa hinggil sa kapanganakan ni Jesus, nagbibigay naman ito ng katibayan na hindi siya Disyembre ipinanganak. Bukod diyan, makikita natin sa sekular na mga reperensiya kung bakit Disyembre 25 ang napiling petsa ng pagdiriwang ng kaniyang kapanganakan.
Bakit Hindi Disyembre?
Ipinanganak si Jesus sa Judeanong lunsod ng Betlehem. Ganito ang ulat ng Ebanghelyo ni Lucas: “Mayroon ding mga pastol sa mismong lupaing iyon na naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan.” (Lucas 2:4-8) Hindi ito kataka-taka. “Sa parang pinapastulan ang mga kawan sa kalakhang bahagi ng santaon,” ang sabi ng aklat na Daily Life in the Time of Jesus. Pero sa labas kaya babantayan ng mga pastol ang kanilang kawan sa isang malamig na gabi ng Disyembre? Ganito ang sabi ng aklat: “Pinalilipas nila ang taglamig nang nakasilong; at mula rito pa lamang ay makikita na malamang na mali ang nakaugaliang petsa ng Pasko, sa taglamig, yamang ang Ebanghelyo ay nagsasabi na ang mga pastol ay nasa parang.”
Ang konklusyong ito ay sinusuportahan ng isa pang detalye sa ulat ng Ebanghelyo ni Lucas: “Nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang batas mula kay Cesar Augusto na ang buong tinatahanang lupa ay magparehistro; (naganap ang unang pagpaparehistrong ito noong si Quirinio ay gobernador ng Sirya;) at ang lahat ng mga tao ay naglakbay upang magparehistro, bawat isa sa kaniyang sariling lunsod.”—Lucas 2:1-3.
Malamang na ipinag-utos ni Augusto ang pagpaparehistrong ito bilang sensus para makakuha ng impormasyong magagamit sa pagbubuwis at pangangalap ng sundalo. Bilang pagsunod sa utos na ito, si Maria, na malapit na noong manganak, ay sumama sa kaniyang asawang si Jose sa paglalakbay nang mga 150 kilometro mula sa Nazaret papuntang Betlehem. Pag-isipan ito: Ipag-uutos
kaya ni Augusto—isang pinuno na bihirang makialam sa lokal na pamahalaan—na maglakbay nang gayon kalayo sa panahon ng taglamig ang isang bayan na marami nang reklamo sa mga tagapamahalang Romano?Kapansin-pansin, karamihan sa mga istoryador at iskolar ng Bibliya ay hindi sang-ayon na Disyembre 25 ang kapanganakan ni Jesus. Malamang na makikita mo ang gayong mga impormasyon sa mga ensayklopidiya. Ganito ang sinasabi ng Our Sunday Visitor’s Catholic Encyclopedia: “Sang-ayon ang karamihan na hindi Disyembre 25 ipinanganak si Jesus.”
Ang Bibliya ay nagbibigay ng katibayan na hindi Disyembre ipinanganak si Jesus
Kung Bakit Pinili ang Disyembre 25
Daan-daang taon pagkamatay ni Jesus, pinili ang Disyembre 25 bilang petsa ng kaniyang kapanganakan. Bakit? Maraming istoryador ang naniniwala na ang panahon ng santaon na naging panahon ng Kapaskuhan ay sa katunayan, panahon ng pagdiriwang ng mga paganong kapistahan.
Halimbawa, ganito ang sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Ayon sa isang karaniwang paliwanag tungkol sa pinagmulan ng petsang ito, Disyembre 25 nang tanggapin sa Kristiyanismo ang dies solis invicti nati (‘araw ng kapanganakan ng di-malulupig na araw’), isang popular na kapistahan ng Imperyo ng Roma na nagdiriwang sa winter solstice bilang simbolo ng pagbabalik ng araw, pagtataboy sa taglamig at paghahayag ng muling pagsilang ng tagsibol at tag-araw.”
Ganito ang sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Hindi malinaw kung bakit ginawang Disyembre 25 ang Pasko, pero marami ang naniniwalang pinili ang araw na iyon para tumapat sa mga kapistahang pagano na ginaganap sa panahon ng winter solstice, kung kailan nagsisimulang humaba ang araw, para ipagdiwang ang ‘muling kapanganakan ng araw.’ . . . Sa panahon ding ito ginaganap ang Romanong Saturnalia (isang kapistahang iniaalay kay Saturn, ang diyos ng agrikultura, at sa nagpanibagong lakas ng araw).” Sa gayong mga kapistahan, ang mga nagdiriwang ay karaniwan nang gumagawi nang imoral at nakikibahagi sa walang-taros at magulong kasayahan. Kapansin-pansin, ganiyan din ang makikita sa maraming pagdiriwang ng Pasko sa ngayon.
Kung Paano Pararangalan si Kristo
Para sa ilan, anuman ang aktuwal na petsa ng kapanganakan ni Jesus, dapat pa rin itong alalahanin ng mga Kristiyano. Iniisip nila na ang gayong selebrasyon, kapag ipinagdiwang sa marangal na paraan, ay masasabing pagbibigay-dangal kay Kristo.
Ang kapanganakan ni Jesus ay talagang mahalagang pangyayari sa ulat ng Bibliya. Sinasabi ng Bibliya na noong isilang si Jesus, maraming anghel ang biglang lumitaw at maligayang pumuri sa Diyos, na nagsasabi: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” (Lucas 2:13, 14) Pero kapansin-pansin na walang anumang ipinahihiwatig sa Bibliya na dapat ipagdiwang ang araw ng kapanganakan ni Jesus. Sa halip, may isang espesipikong utos na alalahanin ang kaniyang kamatayan, na siyang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova minsan sa isang taon. (Lucas 22:19) Isang paraan iyan para parangalan si Jesus.
Sa huling gabi ng kaniyang buhay bilang tao, sinabi ni Jesus: “Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:14) Sinabi rin niya: “Kung ako ay iniibig ninyo, tutuparin ninyo ang aking mga utos.” (Juan 14:15) Oo, ang pinakamainam na paraan para parangalan si Jesu-Kristo ay ang pag-aralan at sundin ang kaniyang mga turo.