Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Tayo Naririto?

Bakit Tayo Naririto?

Bakit Tayo Naririto?

Ano ang kahulugan ng buhay?

BUKOD sa mga tanong sa itaas na madalas sumagi sa isip ng mga tao, may isa pang bagay na gustong malaman ang marami: Mayroon pa kaya tayong ibang maaasahan maliban sa maikling 70 o 80 taon ng buhay at pagkatapos ay mamamatay?​—Awit 90:9, 10.

Marahil gustung-gusto nating masagot ang mga tanong na ito lalo na kapag nakikita natin kung gaano talaga kaikli ang ating buhay. Mangyari pa, hindi kailangang dumanas muna tayo ng krisis na nagsasapanganib ng buhay para maudyukan tayong magtanong kung bakit tayo naririto. Ang kabiguan ay puwede ring magtulak sa atin na magtanong. Pumapasok naman sa isip ng iba ang tanong na ito kapag binubulay-bulay nila ang naging direksiyon ng kanilang buhay.

Si Dave ay kumikita nang malaki, may magandang apartment, at nasisiyahang lumabas kasama ng marami niyang kaibigan. Sinabi niya: “Isang gabi, naglalakad ako pauwi galing sa isang parti nang biglang pumasok sa isip ko ang tanong na ‘Ganito na lamang ba ang buhay?​—Mabubuhay lang ba ako nang maikling panahon at pagkatapos ay mamamatay? O may iba pa akong maaasahan?’ Para kasing walang saysay ang buhay ko noon.”

Sa kaniyang aklat na Man’s Search for Meaning, binanggit ni Viktor Frankl na ang gayong tanong ay napaharap sa ilan sa mga tulad niyang nakaligtas sa Holocaust matapos silang makalaya sa mga kampong piitan. Pag-uwi sa kanilang tahanan, nalaman ng ilan sa kanila na namatay na ang kanilang mga mahal sa buhay. Ganito ang isinulat ni Frankl: “Kahabag-habag ang tao na matapos makamit ang kalayaang inaasam ay natuklasan niyang ibang-iba ang buhay kaysa sa inaasahan niya!”

Mga Taong Nagtatanong

Matagal nang tanong ng mga tao kung bakit tayo naririto. May binabanggit ang Bibliya tungkol sa mga taong nagtanong tungkol sa layunin ng kanilang buhay. Matapos mawalan ng kayamanan at mamatayan ng mga anak, at habang tinitiis ang napakakirot na karamdaman, nagtanong si Job: “Bakit mula sa bahay-bata ay hindi pa ako namatay? Bakit hindi ako lumabas mula sa tiyan at pagkatapos ay pumanaw?”​—Job 3:11.

Ganiyan din ang nadama ng propetang si Elias. Inakala niyang siya na lamang ang nag-iisang mananamba ng Diyos, kaya naghinagpis siya: “Sapat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa.” (1 Hari 19:4) Marami ang nakadarama ng ganiyan. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na si Elias ay “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.”​—Santiago 5:17.

Matagumpay na Paglalakbay sa Buhay

Ang buhay ay kadalasang inihahambing sa paglalakbay. Kung paanong puwede kang maglakbay nang walang tiyak na pupuntahan, puwede kang mabuhay kahit hindi mo alam ang tunay na layunin nito. Kung ganiyan ka, baka sikapin mong magpakaabala para lang masabing may layunin ang iyong buhay, gaya ng sinabi ng kilalang manunulat na si Stephen R. Covey. Sumulat siya tungkol sa mga taong “nagkamit ng tagumpay na wala namang kabuluhan, kapalit ng mga bagay na bigla nilang napag-isip-isip na higit palang mahalaga.”

Hindi ka ba sasang-ayon na wala ring saysay na bilisan ang ating paglalakbay kung mali rin naman ang tinatahak nating direksiyon? Sa katulad na paraan, ang basta pagiging abala para lang masabing may kabuluhan ang ating buhay ay magdudulot lamang ng kalungkutan at hindi ng tunay na kasiyahan.

Anuman ang ating edad at kulturang pinagmulan, gusto nating malaman kung bakit tayo naririto. Tayong lahat ay may isang mahalagang espirituwal na pangangailangang hindi masasapatan ng materyal na mga bagay. Isaalang-alang kung paano sinisikap ng ilan na sapatan ang pangangailangang ito sa kanilang paghahanap sa layunin ng buhay.

[Blurb sa pahina 4]

Ang basta pagiging abala para lang masabing may kabuluhan ang ating buhay ay magdudulot lamang ng kalungkutan at hindi ng tunay na kasiyahan

[Larawan sa pahina 3]

Nagtanong si Job kung bakit pa siya ipinanganak

[Larawan sa pahina 4]

Si Elias ay “may damdaming tulad ng sa atin”