Kung Bakit Tayo Naririto
Kung Bakit Tayo Naririto
IPINAKIKITA ng Bibliya na ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay hindi kumikilos nang walang layunin. Halimbawa, isaalang-alang ang paglikha niya sa siklo ng tubig, na mahalaga para mabuhay ang mga nasa lupa. Inilalarawan ito ng Bibliya sa ganitong matulain pero tumpak na paraan: “Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit di ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan.”—Ang Mangangaral [o, Eclesiastes] 1:7, Magandang Balita Biblia.
Inihahambing ng Bibliya ang pagkamaaasahan ng mga pangako ng Diyos sa siklo na inilarawan sa itaas. Gaya ng nalalaman natin sa ngayon, ang init ng araw ay nagpapasingaw sa tubig sa karagatan at mga lawa, pero sa kalaunan ay bumabalik Isaias 55:10, 11.
din ito sa lupa bilang ulan. Itinawag-pansin ni Jehova ang siklong ito at ipinaliwanag: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”—Bumabalik sa lupa ang malinis na tubig mula sa ulap para mabuhay ang mga nasa lupa. Sa katulad na paraan, ang “salita na lumalabas sa . . . bibig [ng Diyos]” ay tumutulong para manatiling buháy ang ating espirituwalidad. Ganiyan ang paliwanag ni Jesu-Kristo mismo: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
Ang pag-aaral tungkol sa Diyos ay tutulong para maiayon natin ang ating buhay sa kaniyang layunin. Gayunman, para magawa iyan, kailangan nating maunawaan kung ano ang layunin ng Diyos. Halimbawa, bakit nilalang ng Diyos ang lupa? At paano nakaaapekto sa atin ang kaniyang layunin may kinalaman sa lupa? Tingnan natin.
Ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa
Gusto ng Diyos ang pinakamabuti para sa sangkatauhan kaya inilagay niya ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, sa Eden, isang paraisong hardin. Saka niya sila inutusang mag-anák, na sinasabi: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 1:26-28; 2:8, 9, 15.
Ano ang matututuhan natin sa mga tagubiling ito? Hindi ba’t maliwanag na gusto ng Diyos na ang buong lupa ay maging paraisong tahanan ng sangkatauhan? Sinasabi ng kaniyang Salita: “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”—Awit 115:16.
Gayunman, para makinabang ang mga tao sa layunin ng Diyos na mabuhay sila sa lupa magpakailanman, kailangan nilang parangalan si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya. Pero ganiyan ba ang ginawa ni Adan? Hindi, nagkasala siya nang suwayin niya ang Diyos. Ano ang naging resulta? Lahat ng inapo ni Adan, kasali na tayong lahat sa ngayon, ay nagmana ng kasalanan at kamatayan, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Kaya ang lahat ng tao ay namamatay at ang lupa ay hindi pa nagiging pangglobong paraiso. Nagbago na kaya ang layunin ng Diyos para sa lupa?
Hindi, sapagkat tandaan na sinabi ng Diyos: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig [ay] hindi . . . babalik sa akin nang walang resulta,” kundi “tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” Bukod diyan, ipinangako ng Diyos: “Ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko.” (Isaias 45:18; 46:10; 55:11) At ang kinalulugdan ng Diyos—ang kaniyang layunin—ay maging paraiso ang buong lupa na paninirahan ng mga taong maligayang naglilingkod sa kaniya magpakailanman, gaya ng orihinal na layunin niya.—Awit 37:29; Isaias 35:5, 6; 65:21-24; Apocalipsis 21:3, 4.
Matutupad ang Layunin ng Diyos—Paano?
Ipinakita ni Jehova ang kaniyang walang-kapantay na karunungan at pag-ibig nang isaayos niyang mapalaya ang tao mula sa minanang kasalanan at sa naging mga resulta nito—di-kasakdalan at kamatayan. Para mangyari ito, gumawa siya ng paraan upang maisilang ang isang anak na walang bahid ng kasalanang minana ng lahat ng iba pang tao mula sa unang taong si Adan. Ang paglalaang ito ay tinatawag na pantubos, na isinaayos ng Diyos para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga taong karapat-dapat. (Mateo 20:28; Efeso 1:7; 1 Timoteo 2:5, 6) Paano inilaan ang pantubos?
Sinabi ng anghel ni Jehova na si Gabriel sa birheng nagngangalang Maria na makahimala siyang magsisilang at ipinaliwanag sa kaniya kung paano mangyayari ito gayong “wala [siyang] pakikipagtalik sa lalaki.” Makahimalang inilipat ng Diyos ang buhay ng kaniyang panganay na Anak mula sa kaniyang posisyon sa langit tungo sa sinapupunan ni Maria. Kaya nagdalang-tao siya sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos.—Lucas 1:26-35.
Ipinanganak si Jesus makalipas ang mga siyam na buwan bilang isang sakdal na tao, gaya ng unang taong si Adan. Nang maglaon, isinakripisyo niya ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao. Sa paggawa nito, si Jesus ay nagsilbing ‘ikalawang Adan’ at sa gayo’y naglaan ng saligan para matubos sa kasalanan at kamatayan ang lahat ng tapat sa Diyos.—1 Corinto 15:45, 47.
Talagang maaantig tayo sa dakilang pag-ibig na ito na ipinakita ng Diyos sa atin! Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ang tanong ay, Paano tayo tutugon sa pag-ibig ng Diyos? Hindi ba dapat na pahalagahan natin ang kaniyang regalo? Isaalang-alang ang halimbawa ng ilan na nagpakita ng gayong pagpapahalaga.
Pagkakaroon ng Makabuluhang Buhay
Si Denise, na binanggit sa naunang artikulo, ay nagsabi na sa pagpaparangal niya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga batas at tagubilin, naging makabuluhan at nagkaroon ng direksiyon ang kaniyang buhay. Sinabi niya: “Natutuhan ko sa Bibliya na bukod sa may layunin ang Diyos para sa sangkatauhan na ganap na matutupad sa hinaharap, mayroon din siyang iniatas na gawain para sa mga sumasamba sa kaniya. Para sa akin, wala nang iba pang makapagdudulot ng higit na kasiyahan kundi ang gamitin ang kalayaang magpasiya na ibinigay niya sa akin para purihin siya sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa kaniyang layunin.”
Magagawa rin natin iyan kung aalamin natin at tutuparin ang kalooban ng Diyos. Oo, sa hinaharap pa tayo lubusang makikinabang sa haing pantubos, na magbibigay-daan para matamasa natin ang kasakdalan sa matuwid na bagong sanlibutan. Pero habang hinihintay natin ito, mahalagang masapatan natin ang espirituwal na pangangailangang inilagay ng Diyos sa puso ng bawat isa sa atin.
Nasapatan ni Dave, na tinukoy sa unang artikulo ng seryeng ito, ang kaniyang espirituwal na pagkagutom. Nalaman niya ang sagot sa kaniyang mga tanong tungkol sa kahulugan ng buhay. “Noon,” ang sabi niya, “bago ako matuto tungkol sa layunin ng Diyos, walang saysay ang mga pagsisikap ko. Kaya naman pala ganoon, hindi ko nasasapatan ang espirituwal na pangangailangan ko. Hindi ko na iyon nadarama ngayon. Alam ko na kung bakit ako naririto at kung ano ang dapat kong gawin sa aking buhay.”
Oo, hindi gaya ng kaisipan ng di-sakdal na mga tao, ang pangmalas ng Diyos tungkol sa kahulugan ng buhay gaya ng isinisiwalat ng Bibliya ay talagang kasiya-siya. Naririto tayo dahil may layunin si Jehova sa paglalang sa atin—para purihin ang kaniyang pangalan, magkaroon ng mabuting kaugnayan sa kaniya, at sa gayo’y masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan. Ngayon at magpakailanman, maaari nating maranasan ang katuparan ng kapahayagang ito mula sa Bibliya: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
KALITUHANG DULOT NG PAGDURUSA
Ang pagdurusa ay sinasabing isa sa pinakamalaking hamon kung kaya hindi maunawaan ng mga tao kung bakit tayo naririto. Ganito ang sabi ni Viktor Frankl: “Kung may layunin ang buhay, mayroon ding dahilan kung bakit tayo nagdurusa. Bahagi na ng buhay ang pagdurusa, gaya ng kapalaran at kamatayan.”
Ipinaliwanag ng Bibliya ang dahilan kung bakit nagdurusa at namamatay ang mga tao. Hindi ito kagagawan ng Diyos. Sa halip, resulta ito ng kapaha-pahamak na desisyon ng unang tao na magpasiya nang salungat sa kalooban ng kanilang Maylalang. Ang tendensiyang ito na gumawa ng kasalanan ay namana ng lahat ng kanilang inapo at siyang pangunahing sanhi ng pagdurusa ng tao.
Bagaman hindi malulutas ang lahat ng ating problema kahit maunawaan natin kung bakit tayo naririto, tinutulungan tayo nito na makayanan ang ating mga suliranin. Nagbibigay rin ito sa atin ng pag-asa sa hinaharap, kung kailan aalisin na ng Diyos magpakailanman ang pagdurusa at kamatayan.
[Dayagram/Larawan sa pahina 7]
Inihahambing ng Bibliya ang pagkamaaasahan ng mga pangako ng Diyos sa kahanga-hangang siklo ng tubig
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ulan
Ebaporasyon
Ebaporasyon
Lawa, ilog
Karagatan
[Larawan sa pahina 8, 9]
Bakit tayo makatitiyak na balang-araw, ang lupa ay magiging paraiso na paninirahan ng maliligaya at malulusog na tao?
[Larawan sa pahina 9]
‘Para sa akin, wala nang iba pang makapagdudulot ng higit na kasiyahan kundi ang gamitin ang aking kalayaang magpasiya para paglingkuran ang Diyos.’—Denise