May Nagdisenyo ba Nito?
Pang-isprey ng Beetle na Ginagamitan ng Presyon
Wala pang dalawang sentimetro ang haba ng bombardier beetle, pero kilala ito sa kakaibang mekanismong pandepensa nito. Kapag may nagbabantang panganib, ang insektong ito ay nag-iisprey ng kumukulo at mabahong likido at singaw mula sa likurang bahagi nito para itaboy ang mga gagamba, ibon, at maging mga palaka.
Pag-isipan: “Sa gawing dulo ng tiyan ng beetle [na ito] ay may isang pares ng mga glandula na bumubuka.” Ang bawat glandulang ito ay may isang maliit na tangke na nag-iimbak ng maasidong mga kemikal at agua oksihenada at isang reaction chamber na puno ng mga enzyme na natunaw sa tubig. Para ipagsanggalang ang kaniyang sarili, pinipiga nito ang maliit na tangke para mapunta ang mga kemikal sa reaction chamber kung saan magaganap ang kemikal na reaksiyon. Ang resulta? Maiispreyhan ang kalaban ng mabahong mga kemikal, tubig, at singaw—mga 100 digri Celsius ang init. Wala pang isang milimetro ang haba ng mga reaction chamber, pero kayang baguhin ng beetle ang bilis, direksiyon, at lapot ng isprey nito.
Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang bombardier beetle para makagawa ng mekanismong pang-isprey na mas mabisa at hindi nakasisira sa kalikasan. Nadiskubre nila na bukod sa balbulang dinadaluyan ng mga kemikal sa iisang direksiyon papasok sa reaction chamber, ang mga beetle ay mayroon ding balbulang nilalabasan ng presyon para sa pagbubuga ng mga kemikal. Umaasa ang mga inhinyero na magagaya nila ang mekanismong ito ng bombardier beetle sa mga makina ng sasakyan at fire extinguisher, pati na sa mga kagamitan sa paggamot, gaya ng inhaler. Sinabi ni Propesor Andy McIntosh ng University of Leeds, Inglatera: “Wala nang iba pang nakapag-aral sa beetle batay sa prinsipyo ng pisika at inhinyeriya na gaya ng ginawa namin—at hindi namin sukat akalaing napakarami pala naming matututuhan dito.”
Ano sa palagay mo? Nagkataon lamang ba ang masalimuot na sistema ng mga balbula, kemikal na reaksiyon na lumilikha ng init, at mekanismo sa pag-isprey ng bombardier beetle? O may nagdisenyo nito?
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Oxford Scientific/photolibrary