Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Obra Maestrang “Pinintahan” ng Bato

Obra Maestrang “Pinintahan” ng Bato

Obra Maestrang “Pinintahan” ng Bato

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

SA MGA pamamaraang ginagamit ng mga dalubsining para gumawa ng larawan ng iba’t ibang tanawin, ang pamamaraan na karaniwang tinatawag na Florentine mosaic, o commesso, ang isa sa pinakamahirap gawin. Ang ibang anyo ng moseyk ay ginagamitan ng mga piraso ng bato, baldosa, o kristal, na regular ang hugis. Subalit sa moseyk na ito na karaniwan sa Florence, Italya, maninipis na piraso ng bato na iregular ang hugis ang ginagamit ng mga dalubsining. Kadalasan nang eksaktung-eksakto ang pagkakatabas sa mga ito anupat halos hindi mahahalata ang mga dugtungan nito.

Hahanga ka sa dami ng kulay na mapagpipilian ng mga dalubsining sa “pagpipinta” gamit ang mga bato. Ang lapis lazuli ay isang batong matingkad na asul na may mga puting bahid at kumikinang na ginintuang kristal na pyrite. Ang malachite naman ay may mga linya ng mapusyaw at matingkad na berde. Ang pagkagagandang guhit-guhit na mga marmol ay may iba’t ibang tingkad ng dilaw, kayumanggi, berde, at pula. Ang agata, jaspe, onix, porfido, at iba pang bato ay may matitingkad na kulay at batik, at ang iba’t ibang tingkad nito ay ginagamit ng mga dalubsining para makabuo ng mga obra maestra. Ginagamit nila ang mga kulay at mga guhit sa mga batong ito para ilarawan ang mabatong mga tanawin, pananim, malalaking alon, o maging ang maulap na kalangitan.

Matagal nang ginagawa ang ganitong moseyk. Malamang na naimbento ito sa Gitnang Silangan, nakarating sa Roma noong unang siglo B.C.E., at nausong pandekorasyon sa sahig at dingding. Marami ring gumawa ng moseyk noong Edad Medya at panahong Bizantino, pero ang lunsod ng Florence sa Tuscany ang nagpasikat nito mula noong ika-16 na siglo. Hanggang ngayon, makikita pa rin ang pagkagagandang obra maestra ng Florentine mosaic sa mga palasyo at museo sa buong Europa.

Matrabaho ang “pagpipinta” gamit ang mga bato. Sinasabi ng isang magasin na ang oras na kailangang gugulin sa paggawa “maging ng isang simpleng moseyk ay ikagugulat maging ng mga . . . time-analyst sa ngayon.” Kaya gaya noon, napakamahal pa rin ng mga moseyk na ito anupat bihira ang nakabibili nito.

Paano Ito Ginagawa?

Una, kailangan ng padron, karaniwan na ay isang ipinintang larawan. Ang binakat na kopya ng larawang ito ay pinipira-piraso, at ang bawat piraso ay kumakatawan sa isang seksiyon ng obra maestra. Sa maingat na pagpili ng dalubsining ng angkop na bato, hindi naman talaga niya kinokopya ang padron, kundi gumagawa siya ng sarili niyang bersiyon. Bawat seksiyon ng binakat na kopya ay idinidikit sa napiling piraso ng bato.

Iniipit ng dalubsining sa gato ang bawat piraso, na dalawa hanggang tatlong milimetro lamang ang kapal. Pagkatapos, gamit ang lagari​—isang binanat na alambre na nakakabit sa busog na yari sa kahoy ng punong kastanyas​—maingat niyang tinatabas ang mga pirasong kailangan niya (makikita sa itaas). Sa prosesong ito, pinapahiran niya ng pampagaspang ang alambre. Pagkatapos, pakikinisin niya nang husto ang pinakagilid ng mga piraso ng bato para kapag pinaglapat ang mga ito, walang makatatagos na liwanag sa pagitan ng mga dugtungan. Isip-isipin na lamang kung gaano kahirap gawin ang mga seksiyong kumakatawan sa maninipis na pangkuyapit ng baging!

Pagkatapos mabuo ang mga piraso at permanenteng maidikit sa manipis na tisa, pinapatag at pinakikinis ang bato sa huling pagkakataon para kumintab​—kintab na hindi kayang pantayan ng anumang litrato. Talagang hahanga ka sa dalubsining sa pagpili ng kulay ng batong gagamitin para maging buháy na buháy ang maririkit na talulot ng bulaklak. Ang mga moseyk ng prutas, plorera, paruparo, ibon, at mga tanawin ay ilan lamang sa mga nagawa na ng malikhaing mga dalubsining.

Talagang pambihira ang Florentine mosaic, kasi sa sining na ito, hindi natitiyak ng dalubsining ang magiging eksaktong detalye ng kaniyang disenyo. Sa halip, kailangan niyang mamilì mula sa sari-saring kulay, anyo, at uri ng batong nilikha ng Diyos. Ganito ang sabi ng isang aklat tungkol sa paksang ito: “Masasalamin sa magagandang batong ito ang karilagan at walang-kapantay na kapangyarihan ng Diyos, na lumikha ng gayong munting mga bagay para maipaaninag ang kagandahan ng buong daigdig . . . , at sa gayo’y laging maipaalaala sa iyo ang kaluwalhatian ng Maylalang.”

[Picture Credit Line sa pahina 16]

All photos pages 16 & 17: Su concessione del Ministero per i Beni e le Attività Culturali-Opificio delle Pietre Dure di Firenze, Archivio Fotografico