Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Mo Masusumpungan ang mga Sagot?

Saan Mo Masusumpungan ang mga Sagot?

Saan Mo Masusumpungan ang mga Sagot?

ANG isang tunguhin ng relihiyon ay ituro ang layunin ng buhay. Pero natuklasan ng marami na ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan ay hindi nasasapatan ng mga turo ng kanilang relihiyon. Ganito ang naalaala ni Denise, na pinalaking Katoliko: “Kasali sa Katesismong Baltimore ang tanong na, ‘Bakit tayo ginawa ng Diyos?’ at ang sagot na, ‘Ginawa tayo ng Diyos para ipakita ang Kaniyang kabutihan at ibahagi sa atin ang Kaniyang walang-hanggang kaligayahan sa langit.’

“Hindi ito nakatulong para maunawaan ko kung bakit ako naririto,” ang sabi pa ni Denise. “Kung pupunta rin lang pala ako sa langit, ano’ng dahilan at narito ako sa lupa?” Ganiyan din ang naiisip ng maraming iba pa. Ipinakikita sa isang surbey na dalawang katlo ng mga kinapanayam ang naniniwalang hindi nakatutulong ang karamihan sa mga simbahan at sinagoga para malaman ng mga tao ang kahulugan ng buhay.

Kaya naman para masumpungan ang mga sagot, marami ang bumabaling sa iba pang mga bagay​—sa siyensiya o sa iba pang anyo ng pilosopiya gaya ng tinatawag na humanismo, nihilismo, at eksistensiyalismo. Bakit kaya patuloy pa ring naghahanap ang mga tao samantalang kakaunti lamang ang waring nasisiyahan sa mga sagot?

Likas na Pangangailangan sa Espirituwal

Ayon kay Dr. Kevin S. Seybold, iyon ay udyok ng tinatawag na “likas na pagnanais na sumamba na waring karaniwan sa lahat ng tao.” Nitong kamakailang mga taon, naging konklusyon ng ilang siyentipiko na likas sa mga tao na hanapin ang mas malalim na kahulugan ng buhay. Naniniwala pa nga ang ilan na makikita sa gene at sa paggana ng katawan ng tao na may likas na pangangailangan ang tao na magkaroon ng kaugnayan sa isang nakatataas na kapangyarihan.

Bagaman pinagtatalunan ng mga iskolar at mga intelektuwal kung ang mga tao nga ba ay may likas na pangangailangang sumamba, karamihan ng mga tao ay hindi na kailangan pang kumbinsihin ng mga siyentipiko na mayroon silang espirituwal na pangangailangan. Dahil sa pangangailangang ito kung kaya sumasagi sa isip natin ang tinatawag ng ilan na pinakamahahalagang tanong: Bakit tayo naririto? Ano ang dapat na ginagawa natin sa ating buhay? Mananagot ba tayo sa isang Maylalang na pinakamakapangyarihan sa lahat?

Kung pag-aaralan mong mabuti ang kalikasan, malalaman mo ang ilang kasagutan sa mga tanong na ito. Halimbawa, isaalang-alang ang napakasalimuot na mga bagay sa kalikasan, mula sa mga organismong may iisang selula hanggang sa mga kumpol ng galaksi na milyun-milyong light year ang layo. Hindi ba’t katibayan ito na mayroong isang matalinong Disenyador, o Maylalang? Sinasabi ng Bibliya: “Sapagkat ang . . . di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang maidadahilan.”​—Roma 1:20.

Sapatan ang Iyong Espirituwal na mga Pangangailangan

Hinggil sa pagkakalalang ng Diyos sa mga tao, sinasabi ng Bibliya: “Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso.” (Eclesiastes 3:11) Natural lamang na gusto nating mabuhay, hindi mamatay. Likas lamang na naisin nating malaman ang kahulugan ng buhay at masagot ang ating mga tanong.

Kaya ang paghahanap ng kasagutan ay likas sa mga tao. Matapos banggitin ang mga nagawa ng tao sa larangan ng siyensiya at teknolohiya, isinulat ng isang editor ng The Wall Street Journal: “Hindi pa rin natin alam kung sino tayo, bakit tayo narito, at kung saan tayo patungo.” Isang katalinuhan na hanapin ang mga sagot mula sa pinakamainam na bukal ng kaalaman. Bilang pagtukoy sa Bukal na iyon, sinasabi ng Bibliya: “[Ang Diyos] ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili.”​—Awit 100:3.

Hindi ba’t makatuwirang hanapin natin ang sagot mula sa Isa na gumawa ng kamangha-manghang mga nilalang para masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan? Sinabi ni Jesu-Kristo na iyan nga ang dapat nating gawin. Kinilala niya na tanging ang Bukal ng buhay​—ang ating Maylalang​—ang makasasapat sa ating espirituwal na pangangailangan.​—Awit 36:5, 9; Mateo 5:3, 6.

Oo, napakahalagang malaman natin ang tamang sagot sa tanong na Bakit tayo naririto? upang masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan. Pakisuyong isaalang-alang ang nakapagpapaginhawang pangmalas ng ating Maylalang hinggil sa bagay na ito.