Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Hindi Na Alipin ng Inuming De-alkohol (Mayo 2007) Paminsan-minsan, nakababasa ako ng mga magasin ninyo kapag may mga Saksing nagdala nito sa akin. Nakapagpapagaan ng pakiramdam ang mga artikulo roon, di-tulad ng mga balita sa diyaryo at TV na nakapagpapalungkot lang. Hindi ko naging problema ang alkoholismo, pero may mga kamag-anak at kaibigan akong ganito ang problema. Sa artikulo, sinabi ng lalaki na napagtagumpayan niya ang alkoholismo pagkatapos ng tatlong-buwang pakikipagpunyagi. Sa kabila ito ng miserableng buhay niya sa loob ng maraming taon dahil sa pagiging alkoholiko. Hanga ako sa kaniya, pero tila hindi realistiko ang kaniyang kuwento at, sa palagay ko, puwede itong makapagpahina ng loob ng iba na may ganitong problema. Karaniwan na, madalas pa ring natutuksong uminom ang isang alkoholiko kahit na pinipilit niyang paglabanan ito.

G. A., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Hindi namin gustong palitawin na madali lang mapagtagumpayan ang alkoholismo. Sang-ayon kami na marami sa mga nakikipagpunyagi sa alkoholismo ang nadadala pa rin paminsan-minsan at pinanghihinaan ng loob. Kahit nga ang mga huminto agad at hindi na alkoholiko ay kailangan pa ring mag-ingat para hindi sila muling madala. Kaya gaya ng sinabi sa artikulo, pagkatapos ng sampung taóng hindi pag-inom, ang dating “alipin ng inuming de-alkohol” ay umamin: “Hindi alam ng marami kung gaano kahirap ang aking pagpupunyagi at na sa isang tagay lamang ng alak ay maaari akong masadlak sa dati kong buhay. Naroon pa rin ang pagnanais kong uminom. Kailangan kong manalangin nang marubdob at determinadong tumanggi.” Sa pamamagitan ng pagtitiwala at pananalangin sa Diyos, napagtagumpayan ng marami ang pagiging alipin ng inuming de-alkohol.​—Awit 55:22.

Makapagtitiwala Ka ba sa Bibliya? (Nobyembre 2007) Ako po ay 12 taóng gulang at gusto ko po kayong pasalamatan sa napakagandang espesyal na isyu ng Gumising! na punung-puno ng impormasyon. Gustung-gusto ko po ang seksiyon sa pahina 7 tungkol sa pagkakasuwato ng mga nilalaman ng Bibliya. Marami akong bagong natutuhan dito. Inaabangan ko na po ang susunod na espesyal na isyu!

D. F., Estados Unidos

Pag-isipan Gusto ko kayong pasalamatan sa bagong format ng Gumising! Malaking tulong sa akin ang mga tanong sa dulo ng ilang artikulo. Nakatulong ang mga iyon para hindi ko malimutan ang mga nabasa ko at mabulay-bulay iyon. Napakaabala ng buhay sa ngayon kaya kapag nagbabasa, hindi na natin gaanong nabibigyang-pansin ang ilang mahalaga at nakapagpapatibay na mga punto.

M.A.S., Brazil

Kamatayan ba ang Katapusan ng Lahat ng Bagay? (Disyembre 2007) Anim na buwan na ang nakalilipas, namatay ang aking ina sa isang masaklap na aksidente. Gumaan ang loob ko nang mabasa ko ang artikulong ito at napatibay ang pag-asa kong makikita ko siya sa pagkabuhay-muli. Maraming salamat po.

L.L.R., Brazil

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya? (Nobyembre 2007) Akala ko noon, walang masama sa pakikipag-date basta hindi ako gumagawa ng imoralidad. Pero nang bandang huli, hindi na ako kontento na basta makasama lang ang boyfriend ko. Nagkaroon ako ng maling mga pagnanasa. Maraming salamat sa paghaharap ninyo ng mga turong ito ng Bibliya sa paraang madaling maunawaan ng mga kabataan na kulang pa sa karanasan.

E. F., Hapon