Determinado sa Kabila ng mga Kapansanan

Determinado sa Kabila ng mga Kapansanan

Determinado sa Kabila ng mga Kapansanan

Ayon sa salaysay ni Kouamé NʹGuessan

Hirap na hirap kami ng kasama ko na itulak ang aming bisikleta paakyat sa isa pang burol. Nobyembre 2002 noon, at kasagsagan ng digmaang sibil sa Ivory Coast, Aprika. Kaya maraming panganib sa tiwangwang na lansangang dinaraanan namin. Kailangan pa naming dumaan sa susunod na “checkpoint” ng militar. Bakit ginawa ko ang gayong mapanganib na paglalakbay sa yugtong ito ng labanan?

IPINANGANAK ako noong 1978 na may lumalalang sakit. Nagsimula ito nang magkaroon ako ng kapansanan sa pandinig at dumanas ng nakapanghihinang kirot sa aking mga binti. Nang lumaki na ako, minaliit ako ng aking pamilya, anupat sinasabing ‘walang silbi ang mga binti ko at nababarahan ng basura ang aking tainga.’ Hinahamak ako ng mga nakatatanda, at isinisigaw ng mga bata na pilay ako at may inutil na mga paa.

Nagsimula akong pumasok sa paaralan sa edad na walo at agad akong naging biktima ng pananakot ng mga kaeskuwela pati na ng mga guro. Kadalasan, gusto kong bumuka na lamang ang lupa at lamunin ako. Kapag nakita ng mga tao na takot na takot ako, ginagawa nila akong katatawanan. Lumalabas lamang ako ng bahay tuwing papasok sa paaralan.

‘Bakit kaya ako may ganitong sakit?’ Iyan ang tanong ko sa sarili ko. Sinabi ni Inay na may kumulam daw sa akin. Kung minsan, kapag nakakakita ako ng mga taong may ganito ring mga kapansanan, naiisip ko, ‘Kinulam din kaya sila?’

Noong 1992, nakaramdam ako ng napakatinding kirot sa aking mga siko. Nang maibsan ang kirot, hindi ko na maiunat ang aking mga bisig. Makalipas ang dalawang taon, nabulag ang kaliwang mata ko. Dinala ako ng aking mga magulang sa tinatawag na mga tagapagpagaling subalit walang nangyari. Napilitan akong tumigil sa pag-aaral dahil sa paghina ng aking kalusugan.

Paghahanap ng mga Kasagutan

Inanyayahan akong magsimba ng isang kaeskuwela kong relihiyoso. Pinalaki ako bilang animista; gayunman, isang taon din akong nagsimba. a Kaunti lamang ang natutuhan ko sa Bibliya sa simbahan, kaya nag-isip ako kung may naidudulot nga kayang mabuti ang organisadong relihiyon.

Natakot ako sa ilang doktrina ng simbahan, lalo na sa apoy ng impiyerno. Inisip kong hindi naman ako gayon kasama para pahirapan nang walang hanggan. Pero hindi rin naman ako napakabait para tumanggap ng walang-hanggang kaligayahan sa langit. Yamang hindi nasagot ang aking mga tanong, nawalan ako ng interes sa relihiyon.

Nang sumunod na taon, naanyayahan akong sumama sa sesyon ng pagpapagaling sa Abidjan, ang kabisera ng Ivory Coast, mga 150 kilometro mula sa aming maliit na bayan ng Vavoua. Bago kami umalis, sinabi ko sa mga may katungkulan sa simbahan na wala akong sapat na salapi para makapasok o makabili ng pagkain. Ipinahiwatig nila na hindi ako pababayaan sa Abidjan, pero kabaligtaran nito ang nangyari. Bagaman napalilibutan ako ng napakalaking pulutong ng mga tao na may bilang na 40,000 hanggang 50,000, pakiramdam ko’y nag-iisa ako at nalulumbay. Wala man lamang pumansin sa akin.

May sakit pa rin ako pagbalik ko sa Vavoua, pero ngayon, nadagdagan pa ito ng pagkasiphayo. Sinabi sa akin ng mga lider ng simbahan doon na hindi ako pinagaling ng Diyos dahil kulang ang aking pananampalataya. Magmula noon, hindi na ako nakisama sa anumang relihiyon.

Espirituwal na Kaginhawahan sa Wakas

Noong 1996, dinalaw ng isang Saksi ni Jehova ang aming pamilya. Wala pa akong nakakausap noon na Saksi, subalit nakinig ako sa masiglang pag-uusap ng aking kuya at ng panauhing iyon. Nagkainteres ako di-gaya ng aking kuya. Bawat salitang binigkas ng Saksi ay tumagos sa aking puso.

Ipinaliwanag ng Saksi na pumasok ang kasalanan sa pamilya ng tao dahil sa pagsuway ng unang tao. Ang paghihimagsik na iyon ay nagdulot ng di-kasakdalan at kamatayan sa buong sangkatauhan. Gayunman, ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay bilang pantubos upang mapatawad ang ating mga kasalanan at magkaroon tayo ng walang-hanggang buhay. (Roma 3:23; 5:12, 17-19) Bukod diyan, ipinakita ng Saksi mula sa Bibliya na sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos na Jehova, malapit na niyang gawing paraiso ang lupa at pawiin ang kasalanan at ang lahat ng nakapipighating bunga nito.​—Isaias 33:24; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3, 4.

Malalim ang naging epekto sa akin ng makatuwirang mga turo ng Bibliya. Isinaayos ng Saksi, na Robert pala ang pangalan, na pagdausan ako ng pag-aaral sa Bibliya nang dalawang beses sa isang linggo. Sa loob lamang ng ilang buwan, nagkaroon ako ng bagong kaalaman sa Bibliya at naging kuwalipikado na sumama sa mga Saksi sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay. Hindi ito madali para sa akin dahil kailangan kong daigin ang aking takot na makihalubilo sa mga tao.

Bumangon ang mga Hadlang

Hindi natuwa ang aking pamilya na nag-aaral ako ng Bibliya. Upang yamutin ako, maninigarilyo ang kuya ko sa aking silid-tulugan sa gabi. Sa umaga, masakit ang ulo ko at masama ang pakiramdam. Isa pang pagsubok ang pagkain namin. Napakahilig mangaso ni Itay, at ang iniuuwi niyang karne ang kadalasang kinakain namin. Ipinaliwanag ko sa kaniya na ipinagbabawal ng Bibliya ang pagkain ng karne ng hayop na hindi pinatulo ang dugo. (Gawa 15:28, 29) Pero ayaw pa rin niyang patuluin ang dugo ng mga hayop. Paminsan-minsang nagtatabi si Inay ng kanin para sa akin, pero madalas na kulang ang kinakain ko.

Bagaman napakalayo mula sa amin ng Kingdom Hall sa Vavoua, hindi ko hinahayaang makahadlang sa aking pagdalo sa mga pulong ang layo nito at ang masamang lagay ng panahon. Nabautismuhan ako noong Setyembre 1997 sa “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon sa Ivory Coast. Nang maglaon, pinag-ibayo ko ang aking pakikibahagi sa Kristiyanong ministeryo hanggang sa maging kuwalipikado ako bilang payunir, na siyang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang buong-panahong mga ministro.

Karagdagang mga Pagsubok

Ang kaguluhan sa pulitika ay humantong sa digmaang sibil noong Setyembre 2002. Sa loob lamang ng ilang linggo, papalapit na ang pambansang hukbo sa Vavoua. Dahil sa takot na mapatay, lumikas ang ilang tao, kasali na ang karamihan sa mga Saksi ni Jehova. Makalipas ang limang araw, kontrolado na ng mga sundalo ang nayon at kaagad ipinagbawal ang lahat ng pagtitipon. Dahil dito, nangalat ang karamihan ng mga naninirahan sa Vavoua, kasali na ang natitira pang mga Saksi.

Yamang walang pampublikong transportasyon doon, kinailangang maglakad ang mga tao nang kilu-kilometro upang makarating sa kalapit na mga bayan. Hindi ko kayang maglakad nang gayon kalayo, kaya ako na lamang ang Saksing naiwan sa Vavoua. Patuloy akong nangaral at nagdaos ng mga pulong ng kongregasyon, na dinaluhan naman ng ilang tagaroon.

Pagsisikap na Makadalo sa Asamblea

May nakaiskedyul na araw ng pantanging asamblea ang mga Saksi ni Jehova sa bayan ng Daloa sa Nobyembre. Nanalangin ako kay Jehova at sinabi ko sa kaniya na gusto kong makadalo. Di-inaasahang nagbalik ang isang Saksi na umalis noon sa Vavoua. Tinanong ko siya kung maaari niya akong iangkas sa kaniyang bisikleta hanggang sa lugar ng asamblea, na mga 50 kilometro ang layo. Agad siyang pumayag, bagaman may malubhang kapansanan din siya.

Maigting ang situwasyon noon, kaya hindi angkop na panahon ito para maglakbay. Ipinagbawal ang pagbibiyahe mula Vavoua hanggang sa Daloa. Ang isang di-kilalang manlalakbay ay maaaring pagsuspetsahan at paputukan ng machine gun ng isang sundalo ng alinman sa magkabilang grupong naglalabanan. Sa kabila nito, noong Sabado ng umaga, Nobyembre 9, 2002, umalis kami sa Vavoua sakay ng bisikleta at naglakbay patungong Daloa, gaya ng inilarawan sa pasimula.

Di-nagtagal, nakarating kami sa kauna-unahan sa maraming checkpoint ng militar. Kinapkapan kami nang husto saka pinahintulutang magpatuloy sa biyahe. Napakalayo at nakahahapo ang aming paglalakbay. Inaakyat namin ang burol, at kapag nakarating na kami sa tuktok, pareho kaming sasakay sa bisikleta at magpapadausdos.

Nang maglaon, isa pang siklista ang nag-alok sa amin ng tulong. Sumakay ako sa maliit na parilya sa likod ng kaniyang bisikleta. Habang nagpepedal ang mabait na estrangherong ito, sinamantala ko ang pagkakataong iyon upang ipakipag-usap sa kaniya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ipinaliwanag ko na ang pamahalaan ng Diyos ay makalangit at na malapit na nitong pairalin ang walang-hanggang kapayapaan sa lupa. Manghang-mangha siya sa sinabi ko at pinaulanan niya ako ng mga tanong. Nang makarating kami sa Daloa, ibinili niya kami ng makakain at nangakong dadalo siya sa araw ng pantanging asamblea kinabukasan.

Maghahating-gabi na nang dumating kami sa Daloa, pagod subalit maligaya sapagkat nakarating kami sa aming destinasyon. Hindi madali ang aming siyam-na-oras na paglalakbay. Malugod kaming tinanggap ng isang pamilyang Saksi na tagaroon at iminungkahi nilang manatili kami roon hanggang sa maging panatag na ang pangkalahatang kalagayan sa pulitika. Nakalulungkot, kailangang kanselahin ang asamblea dahil sa kaguluhan sa pulitika. Gayunman, hindi nasayang ang aming paglalakbay. Dahil dito, nakatanggap ako ng karagdagang mga pribilehiyo na paglingkuran ang mga kapuwa Kristiyano sa Daloa.

Pinagpala Dahil sa Determinasyon

Abala ako ngayon bilang ministeryal na lingkod at regular pioneer sa isang kongregasyon sa Daloa. Tumutulong din ako sa pagmamantini ng Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Daloa. Upang matustusan ang aking mga pangangailangan, gumagawa at nagbebenta ako ng mga palamuting paruparo na yari sa kahoy at nagpipinta rin ako ng mga karatula.

Sa loob ng maraming taon, lumalabas lamang ako ng bahay tuwing papasok sa paaralan, pero maraming kilometro na ang nalakbay ko ngayon sa paghahanap ng mga taong nauuhaw sa katotohanan hinggil sa dahilan ng sakit at pagdurusa. Habang hinihintay kong pawiin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kapansanan, patuloy kong ibinabahagi sa mga taga-Ivory Coast ang nakaaaliw na mabuting balita hinggil sa mga layunin ng Diyos.

[Talababa]

a Ayon sa animismo, nakapag-iisip ang mga hayop, halaman, at iba pang bagay sa kalikasan.

[Larawan sa pahina 13]

Patungong Daloa upang dumalo sa asamblea

[Larawan sa pahina 13]

Tumutulong ako sa pagmamantini ng aming Assembly Hall sa Daloa

[Larawan sa pahina 13]

Gumagawa ako at nagbebenta ng mga palamuting paruparo na yari sa kahoy upang matustusan ang aking mga pangangailangan