Likas na mga Kasakunaan at ang Papel ng Tao
Likas na mga Kasakunaan at ang Papel ng Tao
KAPAG naaalagaan nang husto ang isang sasakyan, makapaglalaan ito ng ligtas na transportasyon. Subalit ang sasakyang iyon ay mapanganib kapag inabuso at pinabayaan. Sa ilang paraan, ganito rin ang masasabi hinggil sa planetang Lupa.
Sa opinyon ng maraming siyentipiko, dahil sa mga pagbabago sa atmospera at karagatan ng lupa na maisisisi sa gawain ng tao, naging mapanganib na dako ang ating planeta yamang mas pinadadalas at mas pinatitindi ng mga pagbabagong ito ang likas na mga kasakunaan. At mukhang hindi tiyak ang kinabukasan. “Nasa kalagitnaan tayo ng isang malaki at di-makontrol na eksperimento sa ibabaw ng tanging planetang pinamumuhayan natin,” ang sabi ng isang editoryal sa magasing Science na tumatalakay sa pagbabago ng klima.
Upang higit nating maunawaan kung paano nakaaapekto ang gawain ng tao sa dalas at tindi ng likas na mga kasakunaan, kailangang maunawaan natin nang kaunti ang saligang likas na mga penomeno. Halimbawa, ano ang nagiging sanhi ng malalakas na bagyong gaya ng buhawi?
Nagkakálat ng Init sa Planeta
Ang sistema ng klima sa lupa ay inihahambing sa isang makina na nagkukumberte at nagkakálat sa enerhiyang nagmumula sa araw. Yamang sa a Dahil sa araw-araw na pag-ikot ng lupa sa axis nito, ang kimpal na ito ng humihihip at maumidong hangin ay nagiging ipuipo, at ang ilan naman ay nagiging samâ ng panahon (mga depression), o mga lugar na may mababang atmosperikong presyon. Ang namumuong samâ ng panahon naman ay may posibilidad na maging bagyo.
Tropiko tumatama ang kalakhang bahagi ng init ng araw, ang di-timbang na temperaturang nililikha nito ang nagpapahihip ng hangin.Kung oobserbahan mo ang karaniwang dinaraanan ng tropikal na mga bagyo, mapapansin mong madalas na palayo ang direksiyon nito mula sa ekwador—alinman sa pahilaga o patimog—patungo sa mas malalamig na rehiyon. Sa ganitong paraan, ang mga bagyo ay nagmimistulang pagkalalaking makina na nagkakálat ng init, at tumutulong upang maging katamtaman ang klima. Subalit kapag lumampas na sa mga 27 digri Celsius ang temperatura sa itaas na bahagi ng karagatan—ang nagsisilbing “boiler room” ng sistema ng klima—maaaring lumakas nang husto ang tropikal na mga bagyo at maging siklon, buhawi, o karaniwang bagyo—iba’t ibang katawagan depende sa lugar at pangunahin nang tumutukoy sa iisang penomeno.
Kung dami ng mga namatay ang pag-uusapan, ang pinakamalalang likas na kasakunaan sa kasaysayan ng Estados Unidos ay resulta ng buhawi na humampas sa pulong lunsod ng Galveston, Texas, noong Setyembre 8, 1900. Ang mga alon na sanhi ng bagyo ay kumitil ng 6,000 hanggang 8,000 katao sa lunsod, bukod pa sa 4,000 katao sa kalapit na mga lugar, at nagwasak ng mga 3,600 kabahayan. Sa katunayan, nasirang lahat ang istrakturang gawa ng tao sa Galveston.
Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, nagkaroon ng ilang pagkalalakas na bagyo nitong kamakailang mga taon. Pinag-aaralan ng mga siyentipiko kung may kinalaman ito sa pag-init ng globo, na posibleng higit pang nagpapalakas sa mga sistema ng bagyo. Gayunman, ang mga pagbabago sa lagay ng panahon ay maaaring isa lamang tanda ng pag-init ng globo. Ang isa pang posibleng mapaminsalang epekto ay maaaring nakikita na ngayon.
Pagtaas ng Tubig sa Dagat at Pagkalbo sa Kagubatan
Ayon sa isang editoryal sa babasahing Science, “ang kapantayan ng dagat ay tumaas nang 10 hanggang 20 sentimetro noong nakalipas na siglo, at maaasahan nating tataas pa ito.” Paano ito nauugnay sa pag-init ng globo? Binabanggit ng mga mananaliksik ang dalawang prosesong maaaring nasasangkot. Ang isa ay ang posibleng pagkatunaw ng yelo at glacier na nasa ibabaw ng lupa sa polo, na makadaragdag sa dami ng tubig sa karagatan. Ang isa pang salik ay ang thermal expansion—habang mas umiinit ang karagatan, lalo namang dumarami ang tubig dito.
Malamang na nararanasan na ng maliliit na pulo ng Tuvalu sa Pasipiko ang mga epekto ng pagtaas ng kapantayan ng dagat. Binanggit ng magasing Smithsonian na ang mga impormasyong nakalap sa isla ng Funafuti ay nagpapakitang tumaas ang kapantayan ng dagat doon sa “aberids na 5.6 milimetro taun-taon noong nakalipas na dekada.”
Sa maraming bahagi ng daigdig, ang paglaki ng populasyon ay nangangahulugan ng higit na paglawak ng lunsod, higit na pagdami ng mga pook ng mga barung-barong, at mas malalang pagkasira ng
kapaligiran. Posibleng magpalala sa likas na mga kasakunaan ang mga ito. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.Ang Haiti ay isang islang bansa na may malaking populasyon, at pangkaraniwan noon dito ang pagkalbo sa kagubatan. Binanggit sa isang balita kamakailan na bagaman malubha ang mga problema ng Haiti sa ekonomiya, pulitika, at lipunan, walang ibang mas matinding banta sa pag-iral ng bansa kaysa sa pagkalbo sa kagubatan. Nakita ang kapaha-pahamak na bantang ito noong 2004, nang humugos ang malakas na ulan at gumuho ang lupa at putik na kumitil ng libu-libo katao.
Tinukoy ng Time ng Asia ang “pag-init ng globo, mga dam, pagkalbo sa kagubatan at pagkakaingin” bilang mga salik na nagpapalala sa likas na mga kasakunaang sumasalanta sa Timog Asia. Sa kabilang banda, napalulubha ng pagkalbo sa kagubatan ang tagtuyot sapagkat mas madali nang matuyo ang lupa. Nitong kamakailang mga taon, ang mga tagtuyot sa Indonesia at Brazil ay humantong sa pinakamalalang naiulat na sunog sa kagubatan na karaniwan ay basang-basâ naman para masunog. Gayunman, hindi lamang masamang lagay ng panahon ang tanging sanhi ng likas na mga kasakunaan. Maraming lupain ang sinasalanta ng mga kasakunaang nagsisimula sa kailaliman ng lupa.
Kapag Yumanig ang Lupa
Ang pinakabalat ng lupa ay binubuo ng mga plato na iba’t iba ang laki at kumikilos kaugnay ng isa’t isa. Sa katunayan, napakalimit gumalaw ng pinakabalat ng lupa anupat milyun-milyong lindol ang maaaring maganap taun-taon. Sabihin pa, hindi nararamdaman ang karamihan sa mga ito.
Sinasabing mga 90 porsiyento ng lahat ng mga lindol ay nagaganap sa mga bitak (fault) sa hangganan ng mga plato. Bagaman may madalang din na mga pagyanig sa loob ng mga plato, napakamapangwasak nito kung minsan. Ayon sa mga pagtaya, ang pinakanakamamatay na lindol sa naiulat na kasaysayan ay yaong tumama sa tatlong probinsiya ng Tsina noong taóng 1556. Posibleng umabot sa 830,000 katao ang namatay rito!
Ang mga lindol ay may iba pang nakamamatay na mga epekto. Halimbawa, noong Nobyembre 1, 1755, gumuho dahil sa lindol ang lunsod ng Lisbon, Portugal, na may populasyong 275,000.
Subalit hindi nagtapos diyan ang kakila-kilabot na pangyayari. Ang lindol ay naging sanhi ng sunog at gayundin ng tsunami na tinatayang 15 metro ang taas at rumagasa mula sa kalapit na Karagatang Atlantiko. Sa kabuuan, lampas sa 60,000 katao ang nasawi sa lunsod.Gayunman, ang tindi ng gayong mga kasakunaan ay nakasalalay sa paanuman sa ginagawa ng mga tao. Ang isang salik ay ang dami ng populasyon sa napakapanganib na mga lugar. “Halos kalahati ng malalaking lunsod sa daigdig sa ngayon ay nasa mga dakong nanganganib tamaan ng lindol,” ang sabi ng awtor na si Andrew Robinson. Ang isa pang salik ay ang mga gusali—ang mga materyales na ginamit at ang kalidad ng istraktura nito. Nakalulungkot, napakadalas mapatunayang totoo ang kasabihan, “Hindi mga lindol ang nakamamatay; kundi ang mga gusali.” Subalit ano pa nga ba ang magagawa ng tao kung napakahirap naman nila para magtayo ng mga bahay na hindi kayang wasakin ng lindol?
Mga Bulkan—Tagapagbuo at Tagapagwasak
“Di-kukulangin sa 20 bulkan ang malamang na sumasabog habang binabasa mo ang mga salitang ito,” ang sabi ng isang report ng Smithsonian Institute sa Estados Unidos. Sa pangkalahatan, isinasaad sa teoriya ng platong tektoniko na magkakaroon ng mga lindol at bulkan sa magkakatulad na rehiyon—sa mga bitak, lalo na sa mga bitak sa pinakasahig ng dagat; sa pinakabalat ng lupa, kung saan umaahon ang magma mula sa mantel sa pamamagitan ng mga bitak; at sa mga subduction zone, kung saan ang isang plato ay pumapailalim sa isa pang plato.
Ang pagsabog ng bulkan sa mga lugar kung saan nagbabanggaan ang mga plato (subduction volcanism) ang pinakamalaking banta sa mga tao sapagkat madalas mangyari ang ganitong pagsabog at kalimitan nang malapit sa mga lugar na pinaninirahan ng maraming tao. Nagkalat ang daan-daang gayong bulkan sa Pacific Rim, na tinatawag ding Ring of Fire. Maliit na bilang nito ang matatagpuan din sa mga hot spot (mainit na bahagi ng mantel) na malayo sa hangganan ng mga plato. Ang Hawaiian Islands, Azores, Galápagos Islands, at Society Islands ay lumilitaw na produkto ng pagsabog ng mga bulkan sa mga hot spot.
Ang totoo, ang mga bulkan ay may mahaba at kapaki-pakinabang na papel sa kasaysayan ng lupa. Ayon sa Web site ng isang unibersidad, hanggang “90% ng lahat ng mga kontinente at sahig ng karagatan ay produkto ng pagsabog ng bulkan.” Subalit ano ang sanhi ng ilang pagkalalakas na pagsabog?
Nagsisimula ang pagsabog kapag umapaw ang magma mula sa mainit na interyor ng lupa. Ang ilang bulkan ay dahan-dahan lamang naglalabas ng lava, na karaniwan nang mabagal umagos at hindi ikinagugulat ng mga tao. Subalit ang iba naman ay sumasabog nang mas malakas pa kaysa bomba nuklear! Kasali sa pangunahing mga salik ang kayarian at lapot ng tunaw na materyales na nagiging dahilan ng pagsabog ng bulkan at ang dami ng gas at napakainit na tubig na humahalo sa materyales. Habang papaahon ang magma sa balat ng lupa, dumarami ang nakakulong na tubig at gas. Kapag tama ang kayarian ng magma, ang epekto ay kagayang-kagaya ng pagbulwak ng bula kapag binuksan ang naalog na bote ng softdrink.
Mabuti na lamang, ang mga bulkan ay kadalasan nang nagbibigay muna ng patiunang babala ng pagsabog. Ganiyan ang nangyari sa Bundok Pelée sa isla ng Martinique sa Caribbean noong 1902. Gayunpaman, napipinto na ang eleksiyon sa kalapit na St. Pierre, at hinimok ng mga pulitiko na manatili ang mga tao, bagaman umuulan na ng abo at sinasalot na ng sakit at takot ang lunsod. Sa katunayan, ang karamihan ng mga tindahan ay ilang araw nang sarado!
Mayo 8 ang pagdiriwang ng Asensiyon, at maraming tao ang nagpunta sa katedral ng mga Katoliko upang manalangin na iligtas sila sa pagsabog ng bulkan. Nang umagang iyon, ilang minuto na lamang bago sumapit ang 8:00 n.u., sumabog ang Bundok Pelée, anupat nagbuga ng nakapapasong kimpal ng abo, baga, obsidian, pomes, at napakainit na mga gas, na ang temperatura ay mula 200 hanggang 500 digri Celsius. Ang nakamamatay at maitim na usok na nagmula sa pagsabog ay gumapang sa lupa at humugos mula sa bundok, lumambong sa lunsod, pumatay ng halos 30,000 katao, tumunaw sa kampana ng simbahan, at sumunog sa mga barko sa daungan. Ito ang pinakanakamamatay na pagsabog ng bulkan noong ika-20 siglo. Gayunman, hindi naman sana gayon karami ang namatay kung binigyang-pansin lamang ng mga tao ang babalang mga tanda.
Darami Pa Kaya ang Likas na mga Kasakunaan?
Sa kanilang World Disasters Report 2004, binanggit ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies na noong nakalipas na dekada, ang mga kasakunaang nauugnay sa heopisika at lagay ng panahon ay dumami nang mahigit 60 porsiyento. “Ipinakikita nito ang mga kalagayang iiral sa mas mahabang panahon,” ang sabi ng report, na inilathala bago ang kapaha-pahamak na tsunami noong Disyembre 26 sa Indian Ocean. Walang alinlangan, kung patuloy na darami ang populasyon sa napakapanganib na mga lugar at patuloy na uunti ang kagubatan, halos wala tayong dahilan para umasa.
Bukod diyan, maraming industriyalisadong mga bansa ang patuloy na naglalabas ng mas marami pang gas sa atmospera na nagpapainit sa globo. Ayon sa isang editoryal sa babasahing Science, ang di-agarang pagbibigay-pansin sa pagbawas sa inilalabas na gas sa atmospera “ay gaya ng pagtangging gamutin ang isang lumalalang impeksiyon: Tinitiyak nito na mas malaking gastos ang pagbabayaran sa dakong huli.” Bilang pagtukoy sa mga gastos na iyon, ganito ang sinabi ng isang report sa Canada hinggil sa pagpapahupa ng mga kasakunaan: “Walang-alinlangang ang pagbabago ng klima ang masasabing pinakalaganap at pinakamalaking problemang pangkapaligiran na napaharap kailanman sa internasyonal na komunidad.”
Gayunman, sa kasalukuyan, hindi man lamang magkasundo ang internasyonal na komunidad kung nakadaragdag nga ba sa pag-init ng globo ang mga gawain ng tao, at lalo nang hindi sila magkasundo kung paano ito haharapin. Ipinaaalaala ng kalagayang ito ang katotohanan sa Bibliya: ‘Hindi sa tao ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.’ (Jeremias 10:23) Gayunman, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, may pag-asa pa naman ang kalagayang ito. Sa katunayan, ang kasalukuyang mga kaabahan, kasali na ang maunos na mga kalagayan sa lipunan ng tao, ay nakadaragdag sa katibayan na malapit na ang kaginhawahan.
[Talababa]
a Ang di-pantay na pagkalat ng init ng araw ay nagiging sanhi rin ng mga agos sa karagatan at paglipat ng enerhiya sa mas malalamig na rehiyon.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
NANG HINDI LAMANG MAIS ANG TUMUBO SA BUKID
NOONG 1943, napansin ng isang nagtatanim ng mais sa Mexico na may iba pang tumutubo sa kaniyang sakahan bukod sa mais. Samantalang nasa bukid, nakakita siya ng mga biyak, o mga bitak, na bumubuka sa lupa. Kinabukasan, naging maliit na bulkan na ang mga bitak. Nang sumunod na linggo, tumaas ito nang 150 metro at makalipas ang isang taon, naging 360 metro ang taas nito. Nang maglaon, ang bulkan na 2,775 metro ang taas sa kapantayan ng dagat ay permanente nang naging 430 metro ang taas. Ang bulkang ito, na tinawag na Paricutín, ay biglang huminto sa pagsabog noong 1952 at nananahimik na mula noon.
[Credit Line]
U. S. Geological Survey/Photo by R. E. Wilcox
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
NANG ILIGTAS NG DIYOS SA KASAKUNAAN ANG MGA BANSA
ANG taggutom ay isang anyo ng likas na kasakunaan. Ang isa sa pinakamaagang rekord ng taggutom ay naganap sa sinaunang Ehipto noong panahon ni Jose, anak ni Jacob, o Israel. Tumagal ang taggutom nang pitong taon at nakaapekto sa Ehipto, Canaan, at iba pang mga lupain. Pero hindi ito humantong sa lansakang pagkagutom sapagkat pitong taon bago nito, inihula na ni Jehova ang taggutom. Isiniwalat din niya na ang pitong taóng iyon bago ang taggutom ay magiging mga taon ng kasaganaan sa Ehipto. Sa ilalim ng pangangasiwa ng may takot sa Diyos na si Jose, na naging punong ministro at administrador ng pagkain dahil sa pagmamaniobra ng Diyos, nakapagtipon ang mga Ehipsiyo ng pagkarami-raming butil anupat “tinigilan na nila ang pagbibilang niyaon.” Kaya hindi lamang mga mamamayan ng Ehipto ang napakain kundi “ang mga tao [rin] sa buong lupa,” kasali na ang pamilya ni Jose.—Genesis 41:49, 57; 47:11, 12.
[Mga larawan sa pahina 7]
HAITI 2004—May bitbit na maiinom na tubig ang mga batang lalaki sa mga lansangang lubog sa baha. Ang walang-habas na pagkalbo sa kagubatan ay isa sa naging sanhi ng malawak na pagguho ng lupa at putik
[Credit Lines]
Background: Sophia Pris/EPA/Sipa Press; inset: Carl Juste/Miami Herald/Sipa Press
[Larawan sa pahina 9]
Maraming bansa ang patuloy na naglalabas ng mga gas sa atmospera na nagpapainit sa globo
[Credit Line]
© Mark Henley/Panos Pictures