Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Munting Paraiso

Munting Paraiso

Munting Paraiso

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Côte d’Ivoire

GUSTO mo bang bumalik sa kahapon at pumasyal sa sinaunang kagubatan sa lupa, na may mayabong na pananim at namumutiktik sa mga hayop-gubat? May ganiyan pa bang mga lugar? Ang isang waring di-pa-nagagalaw na munting paraiso ay ang Taï National Park, sa timog-kanlurang sulok ng Côte d’Ivoire, malapit sa hangganan ng Liberia.

Ang Taï National Park ang pinakamalaking natitirang bahagi ng basal at tropikal na maulang gubat na dating bumabagtas sa makabagong-panahong Côte d’Ivoire, Ghana, Liberia, at Sierra Leone. Saklaw ng parke ang mahigit sa kalahati ng umiiral na maulang gubat sa Kanlurang Aprika. Dahil sa makabagong nagsasanggalang na mga hakbang na ginawa mula noong 1926, naingatan ang biyolohikal na hiyas na ito. Sumama ka sa amin at tingnan ang saganang pagkakasari-sari ng buhay sa parkeng ito.

Ang Pagkasari-sari ng Buhay sa Maulang Gubat

Habang naglalakad-lakad tayo sa gubat, at inaawitan ng koro ng huni ng mga ibon at hiyaw ng mga unggoy, manghang-mangha tayo sa nakikita nating matatanda nang mga punungkahoy na may pagkalalaking katawan na umaabot nang 60 metro ang taas. Sinabi sa atin ng giya natin na ang mahigit sa kalahati ng 1,300 uri ng halaman sa parkeng ito na may sukat na 3,500 kilometro kuwadrado ay matatagpuan lamang sa rehiyong ito ng Kanlurang Aprika.

Mayabong ang pananim dito at lubhang sari-sari. Maraming uri ng mga punungkahoy ang tumutubo sa makapal na gubat, partikular na ang kamagong, ebano, dabéma, at makore. Kinailangan nating humakbang nang malaki sa ibabaw ng mga ugat ng puno, yamang ang ilan sa mga ito ay nakausli nang isang metro mula sa sahig ng gubat at gumagapang nang hanggang 15 metro. Nanganganlong kung minsan ang mga hayop sa mga sistema ng ugat na ito upang makatakas sa mga maninila o maipagsanggalang mula sa mga bagyong maulan.

Ang mga sanga sa ibabaw ng puno ay nagsisilbing kulandong sa buong araw, anupat hindi masinagan ng araw ang sahig ng gubat at hindi makatubo ang maliliit na halaman. Gayunman, tumutubo rito ang mga nakabiting mga liana​—makahoy na mga baging​—​at mga epiphyte. Ang ilang baging ay gumagapang sa mga puno bilang pansuporta, pumupulupot sa mga ito, at pumapatay pa nga sa mga ito kung minsan. Itinuro sa atin ng ating giya ang isang uri ng balete na mahigpit na nakapulupot sa pagkalaki-laking katawan ng puno. Sa kalaunan, ang punong kinakapitan ay susuko sa balete at mamamatay.

Saganang mapagkukunan ng gamot at pagkain ang Taï Park. Sinabi sa atin ng ating giya na ginagamit ng tribong Kru ang balat ng fever tree bilang gamot sa malarya. Ang bunga ng isa pang puno ay may protina na libu-libong ulit na mas matamis kaysa sa asukal.

Namumutiktik sa Hayop-Gubat

Bigla na lamang nating narinig ang pagaspas ng mga dahon sa itaas. Ang tunog ay nagmumula sa malaking pangkat ng maiingay na unggoy na Diana at mona. Nagtititili ang mga ito upang magbabala at naglulundagan sa sanga at lumilipat sa kabilang sanga. Pinanonood tayong maigi ng isang unggoy na mona, na ang mukha ay katawa-tawa at may puting mga guhit, habang pinanonood din natin ito! Nabubuhay ang mga unggoy, mga chimpanzee, at mga ibon sa maraming prutas at nuwes na nasa mga sanga sa itaas ng mga puno. Madalas na makikita ang mga unggoy at ibon na maingay na nanginginaing magkakasama sa iisang namumungang punungkahoy.

May 50 uri ng mamalya sa Taï Park, at marami sa mga ito ay pangkaraniwan lamang sa rehiyong ito. Nakatira rito ang mga buffalo at mga forest elephant, gayundin ang mga bongo, mga bush pig, mga duiker, mga giant forest hog, mga leopardo, at mga pygmy hippopotamus. Kabilang sa maliliit na hayop na nakatira rito ang musang, golden cat, forest genet, mongoose, pangolin, at ang galago na aktibo sa gabi.

Itinuro ng ating giya ang maraming bakas ng yapak ng mga hayop, gaya ng sa duiker, isang maliit na antilope. May pitong uri ng duiker sa gubat, kasama na ang bibihirang Jentink’s, zebra, at mga Ogilby’s duiker. Nakikita natin ang mga bakas kung saan nanginain sa mga ugat ang mga giant forest hog, at sinuri natin ang tirahan ng makaliskis na giant pangolin, isang hayop na kumakain ng langgam at anay. Isang mag-asawang giant pangolin ang naghukay ng malaking butas na may dalawang silid sa sahig ng gubat. Ang mga silid na ito sa ilalim ng lupa ay may habang 40 metro at may lalim na 5 metro. Sa gabi nanginginain ang pangolin, gumagala nang kilu-kilometro at saka umuuwi bago magbukang-liwayway. Binubuwag nito ang mga bahay ng anay sa pamamagitan ng tulad-kalaykay na mga kuko nito at ginagamit ang madikit nitong dila para makuha ang mga insekto.

Natunton ng ating giya ang isang pangkat ng mga chimpanzee na gumagala salugar na ito na may sukat na 20 kilometro kuwadrado. May mahigit na 2,000 chimpanzee sa parke. Nalaman natin na ang mga ito ay nagdadala ng mga bato o sanga para biyakin ang mga nuwes. Tuwang-tuwa tayo nang makita natin ang isang chimpanzee na nakaupo sa sahig ng gubat mga limang metro ang layo mula sa atin, habang pinupukpok ng sanga ang balat ng nuwes.

Paraiso Para sa Tagapagmasid ng Ibon

Kinabukasan, namangka tayo sa Ilog Hana. Habang tahimik na nagsasagwan ang ating mga giya, binabanggit nila ang maraming uri ng ibon na nadaraanan natin. Naririnig natin ang black-casqued hornbill, na kilala sa matinis na huni nito at sa ingay ng mga pakpak nito habang lumilipad. Nakatira sa Taï Park ang pito sa maraming uri ng hornbill. Lahat-lahat, may mahigit na 200 uri ng ibon dito. Kabilang na ang anim na uri ng kingfisher, kasama ang mga halkon, mga touraco, mga loro, malalaki at maliliit na kalapati, mga francolin, mga sunbird, at mga flycatcher. Nakita rin dito ang bibihira at may matitingkad na kulay na narina trogon. Ang mga lalaking ibon ay may makikislap na berdeng mga pakpak, pulang dibdib, at puting mga balahibo sa buntot. Marami rin tayong nakikitang napakagaganda at makukulay na ibon, gaya ng blue plantain eater, green fruit pigeon, gray parrot, blue-breasted kingfisher, at hadedah ibis, na may metalikong-berdeng mga balahibo. Isang paraiso talaga para sa tagapagmasid ng ibon ang Taï Park!

Marami pang bakas ng yapak ng mga hayop sa tabing-ilog, kabilang na yaong sa pygmy hippopotamus​—isang maliit na bersiyon ng karaniwang hipopotamus. Mga kasinlaki ng isang malaking baboy ang hayop na ito. Hindi gaanong nagbababad sa tubig ang pygmy hippopotamus, di-tulad ng dambuhalang pinsan nito, at hindi ito kailanman naglalakbay nang kawan-kawan. Matatagpuan lamang ito sa Kanlurang Aprika. May nakita rin tayong Nile monitor lizard, isang malaking batik-batik na bayawak na kahawig ng buwaya pero mas maliit. May 3 uri ng buwaya rito at 34 na uri ng ahas, maraming iba’t ibang klase ng bayawak, at buháy na buháy na mga insekto​—na nananaganang lahat sa kagubatan. Marami sa mga insekto ang hindi pa nakikilala.

Nakalulungkot, nakababahala ang bilis ng paglaho ng maulang kagubatan ng ating planeta. Ang pangunahing mga nagsasapanganib nito ay ang paglawak ng sinasakang mga lupain at ang industriya ng kahoy. Nakaaaliw malaman na ang kinabukasan ng ating lupa ay nasa mga kamay ng Maylalang mismo.​—Awit 96:12, 13.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Sierra Leone

Liberia

Côte d’Ivoire

Taï National Park

Ghana

[Larawan sa pahina 15]

Nakausling mga ugat ng puno

Kamagong

[Larawan sa pahina 15]

Batang elepante

[Larawan sa pahina 15]

“Golden cat” ng Aprika

[Larawan sa pahina 15]

“Bay duiker”

[Larawan sa pahina 15]

“Zebra duiker”

[Larawan sa pahina 15]

“Buffalo” ng Aprika

[Larawan sa pahina 16]

“Narina trogon”

[Larawan sa pahina 16]

“River eagle” ng Kanlurang Aprika

[Larawan sa pahina 16]

Mga “blue plantain eater”

[Larawan sa pahina 16]

“Hadedah ibis”

[Larawan sa pahina 16]

“Blue-breasted kingfisher”

[Larawan sa pahina 16]

“Long-tailed pangolin”

[Larawan sa pahina 16]

“Pygmy hippopotamus”

[Larawan sa pahina 16]

“Tree frog”

[Larawan sa pahina 16]

“Nile monitor lizard”

[Larawan sa pahina 16]

“Dark mongoose”

[Larawan sa pahina 17]

Unggoy na “mona”

[Larawan sa pahina 17]

“Western red colobus”

[Larawan sa pahina 17]

“Chimpanzee”

[Larawan sa pahina 17]

“Lesser white-nosed monkey”

[Larawan sa pahina 17]

Leopardo

[Larawan sa pahina 17]

“Bush pig”

[Larawan sa pahina 16, 17]

Musang ng Aprika

[Picture Credit Line sa pahina 14]

Parc National de Taï

[Picture Credit Lines sa pahina 15]

Golden cat: © Art Wolfe/Photo Researchers, Inc.; all other photos except elephant: Parc National de Taï

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Ibis: © Joe McDonald/Visuals Unlimited; kingfisher: Keith Warmington; hippo: © NHPA/Anthony Bannister; narina trogon: © P&H Harris; all other photos: Parc National de Taï

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Pig: © Ken Lucas/Visuals Unlimited; all other photos except chimp and leopard: Parc National de Taï