Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Kapaligiran Ang seryeng “Maililigtas Kaya Natin ang Ating Kapaligiran?” ay espesyal para sa akin. (Nobyembre 22, 2003) Pinananabikan ko ang panahong lilinisin na ni Jehova ang kaniyang magandang lupa at ibabalik ito sa orihinal na kalagayan nito. Ikinalulungkot kong makita ang pagsira ng tao sa ating lupa!

D. L., Britanya

Ako po’y 15 taóng gulang, at dati po’y hindi ko binabasa ang ilang isyu ng Gumising! Subalit pagkatapos kong basahin ang seryeng ito, gusto ko na ngayong basahin ito nang regular! Tinuruan po ako ng mga artikulo ng maraming kawili-wiling bagay tungkol sa ating planeta. Nang maglaon, ginamit ko po ang impormasyon sa paaralan at tumanggap ako ng mataas na marka.

S. V., Ukraine

Multiple Sclerosis Pakisuyong tanggapin ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat para sa artikulong “Pamumuhay Nang May Multiple Sclerosis.” (Nobyembre 22, 2003) Mag-iisang taon na mula nang masuri na may ganito akong sakit. Hindi ko na maigalaw ang aking mga bisig, binti, at kaliwang mata. Noon, madalas akong mag-isip nang negatibo. Pero gaya ng iminungkahi ng inyong artikulo, sinisikap kong panatilihin ang aking ugaling mapagpatawa at magtuon ng pansin sa positibong mga bagay. Salamat sa nakapagpapatibay na artikulo.

M. A., Hapon

Pinahihirapan ako ng karamdamang ito sa loob ng 14 na taon na. Subalit ang karamdamang ito ay hindi kilala sa Hapon. Kaya nang malaman ko na lalabas ang artikulong ito, sinabi ko ito sa aking mister at mga kaibigan sa kongregasyon. Ang mga kaibigan ko ngayon ay nagpapakita ng higit na malasakit at tumutulong sa akin.

N. S., Hapon

Tumpak na inilalarawan ng artikulong ito ang karamdaman at ang paglalâ nito at ang mga resulta! Ang mga tanong sa isip ko sa loob ng maraming taon ay nasagot na sa wakas. Sinabi sa akin ng marami sa matatalik kong kaibigan na hindi nila natanto kung ano talaga ang nasasangkot sa pagkakaroon ng MS.

M. W., Alemanya

Ako’y nagsosolong ina na may tatlong anak. Binasa ko ang artikulong ito habang nasa ospital ako dahil sa ikaapat na pag-atake ng MS ko. Lubhang nakaantig sa akin ang artikulo. Bagaman tila kakatwa, ang pagkakaroon ng walang lunas na karamdamang ito ay lubhang nagpatibay ng kaugnayan ko kay Jehova at ng pagtitiwala ko sa kaniya.

M. H., Alemanya

Makatutulong ang artikulong ito sa amin na apektado ng MS. Bagaman ako ngayon ay nasa silyang de-gulong, nakikibahagi ako sa buong-panahong gawaing pangangaral, pangunahin nang sa pamamagitan ng telepono sa aming bahay. Dahil sa aking paralisis, isang Kristiyanong sister ang sumulat ng liham na ito para sa akin.

M. G., Pransiya

Nasuri akong may MS mga 21 taon na ang nakalilipas. Naglilingkod ako bilang isang Kristiyanong matanda, subalit maibiging pinagaan ng mga kapatid ang aking gawain upang hindi lumalâ ang aking karamdaman. Anong kamangha-manghang panahon nga iyon kapag, gaya ng sinasabi sa Isaias 33:24, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit’ ”!

E. C., Estados Unidos

Kasakunaan sa Mississippi Nagulat ako sa artikulong “Nang Umatras ang Agos ng Ilog.” (Nobyembre 22, 2003) Sinasabi nito sa akin kung gaano kalakas ang kalikasan at kung gaano kahina ang tao sa harap ng kalamidad. Pinatibay ng inyong artikulo ang aking pasiya na magtiwala sa Bibliya.

M. J., Mauritania

Bagaman ang mga pangyayaring inilarawan ay naganap mga 200 taon na ang nakalilipas, pakiwari ko ay inilalarawan ito ng isang nakasaksi. Habang binabasa ko ang artikulo, nadama ko na para bang naroon ako, tinatangay ng nagngangalit na tubig. Buong-pananabik kong binasa ang bawat parapo.

V. R., Russia