Ang Katotohanan Hinggil sa Popular na mga Pagdiriwang

Ang Katotohanan Hinggil sa Popular na mga Pagdiriwang

Ang Katotohanan Hinggil sa Popular na mga Pagdiriwang

MGA mangkukulam at multo, mga kalabasa at sigâ, trick or treat (paghingi ng kendi ng mga batang nagbabanta ng pinsala kung hindi sila bibigyan ng kendi). Madaling makilala ang panlabas na mga pagkakakilanlan ng Halloween. Ngunit ano ba ang nasa likod nito at ng nakakatulad na mga pagdiriwang? Ang Halloween ay tinawag din sa Ingles na All Hallows’ Eve, ang gabi bago ng Todos los Santos. Gayunman, itinatago ng sinasabing Kristiyanong pangalan na ito ang mga pinagmulang malayo sa pagiging banal. Sa katunayan, sinasabi ng mga iskolar na ang ugat ng Halloween ay umaabot sa panahon bago ng Kristiyanismo​—ang panahon na ang mga sinaunang Celt ay nanirahan sa Britanya at Ireland. Sa pamamagitan ng paggamit ng kalendaryong salig sa buwan, hinati ng mga Celt ang taon sa dalawang kapanahunan​—ang madidilim na buwan ng taglamig at ang maliliwanag na buwan ng tag-init. Sa araw ng kabilugan ng buwan na pinakamalapit sa Nobyembre 1, ipinagdiwang ng mga Celt ang kapistahan ng Samhain, na nangangahulugang “Katapusan ng Tag-init.” a

Ipinagdiwang ang kapistahang ito, na tanda ng pasimula ng bagong taon sa mga Celt, sa katapusan ng tag-init, kapag natipon na ang mga ani at ang mga kawan at ang mga bakahan ay dinala na mula sa pastulan tungo sa silungan. Naniniwala ang mga Celt na habang umiikli ang mga araw, kinakailangan na muling palakasin ang araw sa pamamagitan ng iba’t ibang ritwal at handog. Bilang simbolismo sa namamatay na matandang taon, pinapatay ang lahat ng apoy, at pinasisinayaan ang bagong taon sa pamamagitan ng sagradong mga sigâ kung saan muling sinisindihan ng lahat ng miyembro ng komunidad ang kanilang mga apuyan. Ang mga sigâng ito​—katulad ng makikita ngayon sa Britanya kapag Guy Fawkes Night​—​ay inaakala ring nagpapalayas ng masasamang espiritu.

Pinaniniwalaan na sa kapistahan ng Samhain, ang lambong sa pagitan ng daigdig ng tao at ng espiritu ay naaalis at ang mga espiritu, kapuwa mabuti at masama, ay gumagala-gala sa lupa. Inaakala na ang mga kaluluwa ng patay ay bumabalik sa kanilang mga tahanan, at maglalabas ang mga pamilya ng pagkain at inumin para sa kanilang mga bisitang multo anupat umaasang mapapayapa ang mga ito at maiiwasan ang kamalasan. Kaya ngayon, kapag ang mga batang nakakostiyum ng multo o mangkukulam ay pumupunta sa bahay-bahay at humihingi ng kendi o nagbabanta ng panloloko kapag Halloween, walang kamalay-malay nilang pinananatili ang sinaunang mga ritwal ng Samhain. Nagkomento si Jean Markale sa kaniyang aklat na Halloween, histoire et traditions (Halloween​—Kasaysayan at mga Tradisyon): “Sa pamamagitan ng pagtanggap ng isang bagay sa kanilang kamay, itinatatag nila, sa simbolikong antas na hindi nila nauunawaan, ang pangkapatirang pagpapalitan sa pagitan ng mga daigdig ng nakikita at di-nakikita. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga pagsusuot ng kostiyum kapag Halloween . . . ay sa katunayan mga sagradong seremonya.”

Yamang naniniwala ang mga tao na ang mga balakid sa pagitan ng daigdig ng tao at espiritu ay naalis, inakala nila na madaling makatatawid ang mga tao sa daigdig ng espiritu. Samakatuwid, ang Samhain ay partikular nang isang kaaya-ayang panahon upang isiwalat ang mga lihim ng kinabukasan. Ginamit ang mga mansanas o hazelnut, kapuwa minamalas bilang mga bunga ng sagradong mga punungkahoy, upang makakuha ng impormasyon mula sa mga espiritu hinggil sa pag-aasawa, sakit, at kamatayan. Halimbawa, ang mga mansanas na may mga pagkakakilanlan ay inilalagay sa isang banyera ng tubig. Sa pamamagitan ng pagkuha sa mansanas na ginagamit lamang ang bibig, ipinapalagay na makikilala ng isang kabataang lalaki o babae ang kaniyang mapapangasawa. Nananatili ang kaugaliang ito ng panghuhula sa larong pang-Halloween na pagkuha ng lumulutang na mga mansanas na ginagamit ang bibig.

Nakilala rin ang Samhain sa walang-taros na pagsasaya’t paglalasing at kawalan ng pagpipigil. “Binaligtad ang mga tradisyunal na pamantayan, kung hindi man ito ipinagwalang-bahala,” sabi ni Markale. “Pinahintulutan ang ipinagbawal, at ipinagbawal naman ang pinahintulutan.” Maaaninag pa rin sa Halloween ang espiritung ito hanggang sa ngayon, kung kaya’t walang alinlangang lalo itong nagiging popular. Bilang komento rito, inilalarawan ng The Encyclopedia of Religion ang Halloween sa kasalukuyan bilang “isang panahon na ang mga adulto ay maaaring lumampas sa mga hangganan ng kultura at alisin ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pagpapakasasa sa isang gabing walang-pagpipigil at pagwawala. Kaya, ang pangunahing katangian ng kapistahang ito ng mga Celt bilang isang gabi ng taunang pagtakas mula sa normal na mga katotohanan at mga pag-asam ay nananatili sa ikadalawampung siglo.”

Pakikipagpaligsahan ng Relihiyon

Kasunod ng kakapusan sa patatas noong ika-19 na siglo, dinala ng mga nandayuhan galing sa Ireland ang Halloween at ang mga kaugalian nito sa Estados Unidos. Mula roon ay bumalik ito sa Europa sa nakalipas na ilang taon. Gayunman, ang lumalaking popularidad ng Halloween ay hindi kaayaaya sa lahat. Gaya ng sinasabi sa pahayagang Le Monde, “ang Halloween, na kasabay ng Todos los Santos at ng Undas (Nobyembre 1 at 2) at maaaring pumalit pa nga sa mga ito, ay nagpapaligaya sa mga negosyante at gumigitla sa mga klerigo.”

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga kinatawan ng Simbahan sa Pransiya hinggil sa paglaho ng mga tradisyonal na kapistahang Katoliko dahil sa Halloween, anupat nakikita ito na isang tanda ng “pagiging pagano ng lipunan.” Para kay Stanislas Lalanne, tagapagsalita para sa Conference of Catholic Bishops ng Pransiya, ‘iniiba [ng Halloween] ang kahulugan ng buhay at kamatayan.’ Ang obispo ng Nice, si Jean Bonfils, ay nagsabi na “ang kapistahang ito at ang mga ritwal nito ay walang kinalaman sa ating Mediteraneo at Kristiyanong kultura,” at binabalaan niya ang mga Katoliko laban sa “pinakamahalagang kapistahan ng mga Satanista sa buong daigdig.”

Bilang komento sa paglisan ng Pranses sa mga tradisyong Katoliko para sa gayong paganong mga kapistahan, sinabi ni Hippolyte Simon, obispo ng Clermont-Ferrand: “Waring ang lipunang Pranses ay naghahanap ng isang uri ng relihiyong sibil na may kakayahang palitan ang Kristiyanong simbolismo.” Sumulat siya: “Sa Halloween, ang patay ay tinutularan at ang kanilang ‘mga multo’ ay nagbabalik upang takutin tayo at bantaan tayo ng kamatayan. Sa kabaligtaran naman, sa Todos los Santos, tinitiyak natin na ang mga namatay ay buháy at na tayo’y pinangakuan na muli natin silang makakasama sa Lunsod ng Diyos.”​—Vers une France païenne? (Patungo sa Isang Paganong Pransiya?)

Sa katulad na paraan, hinimok ni Carlo Maria Martini, kardinal ng Milan, Italya, ang mga Italyano na huwag talikuran ang mga kapistahang Katoliko, anupat ipinahahayag na ang Halloween ay “di-bahagi ng ating tradisyon, na siyang mahalagang-mahalaga at kailangang ipagpatuloy. Ang Undas ay isang pagdiriwang na bahagi ng ating kasaysayan. Ito ang panahon kung kailan nabubuksan ang pag-asa para sa walang-hanggang buhay, isang panahon kung kailan ipinauunawa sa atin ng Panginoon na mayroon pang nakahihigit sa buhay sa lupa.” Walang alinlangan na gayundin ang nadarama ng maraming taimtim na Katoliko. Subalit maliwanag ba ang pagkakaiba ng Halloween at ng Undas gaya ng nais ng mga komentong ito na paniwalaan natin? Ano ba ang isinisiwalat ng isang maingat na pagsusuri sa ugat ng mga kapistahang Katolikong ito?

Isang Pinabanal na Pagbabalatkayo

Binibigyang-katuturan ng The Catholic Encyclopedia ang Todos los Santos bilang isang kapistahan upang “parangalan ang lahat ng kilalá at di-kilaláng santo.” Sa katapusan ng ikalawang siglo, sinimulang parangalan ng sinasabing mga Kristiyano yaong mga nagmartir para sa pananampalataya nito at, naniniwala na nasa langit na ang mga ito kasama ni Kristo, anupat nanalangin sa mga ito upang mamagitan alang-alang sa kanila. Isang regular na pag-alaala ang nagsimula noong Mayo 13, b 609 o 610 C.E., nang ialay ni Pope Boniface IV ang Pantheon​—ang Romanong templo ng lahat ng diyos​—kay Maria at sa lahat ng martir. Nagkomento si Markale: “Iniwan ng Romanong mga diyos ang kanilang puwesto sa mga santo ng isang matagumpay na relihiyon.”

Ang pagbabago ng petsa tungo sa Nobyembre ay naganap sa ilalim ni Pope Gregory III (731-741 C.E.), na nag-alay ng isang kapilya sa Roma sa lahat ng santo at nag-utos na parangalan ang mga ito sa Nobyembre 1. Hindi alam ang eksaktong dahilan kung bakit niya ginawa ito. Ngunit ang dahilan nito marahil ay na ang gayong kapistahan ay ipinagdiriwang na sa Inglatera sa petsang iyon. Sinasabi ng The Encyclopedia of Religion: “Nanatili ang Samhain na isang popular na kapistahan sa mga taong Celt hanggang sa pagiging kristiyano ng Gran Britanya. Sinikap ng simbahan ng Britanya na ilihis ang interes na ito sa paganong mga kaugalian sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang Kristiyanong pagdiriwang sa kalendaryo sa petsang kasabay ng Samhain. . . . Ang pag-alaala ng Britanya sa Todos los Santos noong Edad Medya ay maaaring siyang nagpasimula sa laganap na pagdiriwang ng buong simbahang Kristiyano sa kapistahang ito.”

Binanggit ni Markale ang lumalaking impluwensiya ng mga mongheng taga-Ireland sa buong Europa sa panahong ito. Sinasabi rin ng New Catholic Encyclopedia: “Madalas na itinatakda ng mga taga-Ireland ang unang araw ng buwan sa mahahalagang kapistahan, at yamang ang Nobyembre 1 ay pasimula rin ng taglamig sa mga Celt, malamang na ito ang naaangkop na kapistahan para sa lahat ng santo.” Sa wakas, noong 837 C.E., ipinatupad ni Pope Gregory IV ang kapistahang ito sa lahat ng dako.

Tungkol naman sa Undas, kung kailan sinasambit ang mga panalangin upang matulungan ang mga kaluluwa sa purgatoryo na makamit ang ganap na kaligayahan sa langit, ang kapistahang ito ay itinakda sa Nobyembre 2 noong ika-11 siglo ng mga monghe sa Cluny, Pransiya. Bagaman malinaw na ang Undas ay isang kapistahang Katoliko, maliwanag na umiiral ang kalituhan sa isipan ng ordinaryong mga tao. Sinabi ng New Catholic Encyclopedia na “sa buong panahon ng Edad Medya, popular na paniniwala na ang mga kaluluwa sa purgatoryo ay maaaring lumitaw sa araw na ito bilang mga ilusyon, mangkukulam, palaka, atb.”

Yamang hindi maalis ang paganong mga paniniwala sa puso ng kawan nito, itinago na lamang ng simbahan ang mga ito sa isang “Kristiyanong” balatkayo. Bilang pagtatampok sa katotohanang ito, sinasabi ng The Encyclopedia of Religion: “Inaalaala ng Kristiyanong kapistahan, ang Kapistahan ng Todos los Santos, ang mga kilalá at di-kilaláng santo ng Kristiyanong relihiyon tulad ng pagkilala at pagpaparangal ng Samhain sa mga diyos ng mga Celt.”

Mga Popular na Pagdiriwang at Ikaw

Gaano ka nga ba dapat mabahala sa masamang nakaraan ng Halloween at ng katulad na mga pagdiriwang? Tutal, sa isipan ng karamihan sa mga tao, ang Halloween ay isa lamang panahon ng pagsusuot ng kostiyum at katuwaan. Ngunit hindi ka ba sasang-ayon na mahalaga para sa mga magulang na tiyaking kapuri-puri at di-nakapipinsala ang anumang paglilibang na itinataguyod ng kanilang mga anak?

Isang inspektor ng paaralan mula sa Pransiya na may mahigit na 20 taon ng karanasan sa pagtuturo ang tinanong hinggil sa impluwensiya ng Halloween sa mga bata. Nagkomento siya: “Nag-aalala ako na ang pagpunta sa bahay-bahay at pagbabanta sa mga adulto upang makakuha ng kendi ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang negatibong epekto sa mga bata. Maaaring linangin nito ang isang mapag-imbot at makasariling personalidad. Natututuhan nila na sa pamamagitan ng panggigipit, pagbabanta, at pananakot sa iba, makukuha nila ang gusto nila.” Kung gayon, dapat na itanong ng mga magulang sa kanilang sarili, ‘Anong “mga aral” ang matututuhan ng aking mga anak sa pagdiriwang ng kapistahang ito?’

Hindi kataka-taka, natutuklasan ng maraming pamilya na ang pagpapadala sa mga hinihiling ng mga bata para sa mga regalo at kostiyum ay maaaring maging isang magastos na gawain. “Ang Halloween . . . ay hindi isang kapistahan,” sabi ni Robert Rochefort, ang pangkalahatang direktor ng Research Center for the Study and Observation of Living Conditions ng Pransiya, “ito’y pagnenegosyo sa pagdiriwang.” Nasasapatan ng Halloween ang panahon na matumal ang pamimili bago ng Pasko. Sa ibang pananalita, ito’y isa lamang karagdagang dahilan upang gipitin ang mga tao na gumugol ng salapi​—salapi na sa maraming kaso ay hindi nila kayang gastusin. Kailangan mo ba talagang sundin ang karamihan sa kasong ito?

Gayunman, ang higit na nakababahala sa mga Kristiyano ay ang katotohanan na ang Halloween at ang mga pagdiriwang na gaya nito ay lubhang naiimpluwensiyahan ng paganismo. Sumulat si apostol Pablo: “Hindi ko nais na kayo’y nakikilahok sa mga demonyo. Hindi ninyo maaaring inuman ang kopa ng Panginoon at ang kopa ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:20-22, New International Version) Tinanong din niya: “Anong kaparehong interes ang maaaring umiral sa pagitan ng kabutihan at kasamaan? Paano maaaring magsama ang liwanag at dilim? Paano maaaring magkaroon ng pagkakasundo sa pagitan ni Kristo at ng diyablo? Anong pagkakapareho ang maaaring taglayin ng isang mananampalataya sa isang di-nanampalataya?” (2 Corinto 6:14-16, Phillips) Kaya hinahatulan ng Bibliya ang buong ideya ng paglalagay ng isang Kristiyanong balatkayo sa isang paganong kaugalian!

Gayundin, nagbababala ang Bibliya laban sa pagsasagawa ng espiritismo. (Deuteronomio 18:10-12) Bagaman totoo na ang karamihan sa mga nagdiriwang ng Halloween ay nag-aangkin na nagtatakwil sa gawaing Sataniko, ngunit dapat tayong maging alerto na sa kasaysayan, ang kapistahang ito ay may malapit na kaugnayan sa okulto. Kaya, ito’y maaaring umakay sa espiritismo, lalo na sa mga kabataang madaling pahangain. Ang mga paganong ritwal at mga tradisyon na dinumhan ng espiritismo ay maliwanag na walang lugar para sa Kristiyanong pagsamba; nakapipinsala ang mga ito.

Katapus-tapusan, nariyan ang katotohanan na ang Halloween, Todos los Santos, at ang Undas ay nakasalig lahat sa mga paniniwala na ang patay ay nagdurusa o na ang mga ito, sa paanuman, ay nakapagdudulot ng pinsala sa mga buháy. Gayunman, maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang gayong mga paniniwala ay hindi totoo, na sinasabi: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Sa dahilang ito, nagpapayo ang Bibliya: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang karaniwang libingan ng sangkatauhan], ang dako na iyong paroroonan.” (Eclesiastes 9:10) Yamang ang mga patay ay walang anumang kabatiran at walang kakayahan na pinsalain ang iba o makaramdam ng pagdurusa, wala tayong dapat ikatakot sa kanila. Gayundin, ang mga panalangin upang tulungan sila ay walang anumang saysay. Nangangahulugan ba ito na walang pag-asa para sa ating namatay na mga minamahal? Hindi. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na “magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”​—Gawa 24:15. c

Kalakip ng kaalaman ang kalayaang pumili. Hindi tayo maaasahang gumawa ng matatalinong pasiya kung hindi natin taglay ang lahat ng katotohanan. Pagkatapos na isaalang-alang ang mga katotohanan na binanggit sa seryeng ito ng mga artikulo, ano ang iyong ipapasiya?

[Mga talababa]

a Marahil ang Samhain ay hindi pangalan ng diyos ng kamatayan ng mga Celt tulad ng madalas na sinasabi ng iba kundi sa halip, ito ang pangalan ng kapistahan. Ayon kay Jean Markale, espesyalistang Pranses sa mga Celt, malamang na si Lug, ang diyos ng liwanag, ang pinarangalan sa panahon ng Samhain.

b Nagkataon na ang petsang ito ay kasabay ng Romanong kapistahan na Lemuria, na idinaos sa ika-9, 11, at 13 ng Mayo upang mapapayapa ang mga kaluluwa ng mga patay at maiwasan na takutin at saktan ng mga ito ang mga kamag-anak.

c Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa turo ng Bibliya sa pagkabuhay-muli, tingnan ang “Ano ang Nangyayari sa Ating Yumaong mga Mahal sa Buhay?,” kabanata 9 sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 6]

Pinananatili ng Halloween ang kasinungalingan na ang patay ay talagang buháy

[Blurb sa pahina 7]

Nanatili ang mga ritwal ng panghuhula ng mga Celt sa mga larong pang-Halloween

[Larawan sa pahina 6]

Nagmula ang Halloween sa isang kapistahan ng mga Celt, marahil sa pagsamba kay Lug, diyos ng liwanag

[Larawan sa pahina 6]

Libingang puntod na may sinaunang mga krus ng mga Celt

[Mga larawan sa pahina 6, 7]

Ang pagkuha ng lumulutang na mansanas na ginagamit ang bibig ay isa sa mga laro na nagmula sa mga Celt

[Credit Line]

Mula sa magasing: The Delineator Oktubre 1911

[Larawan sa pahina 8]

Inialay ni Pope Boniface IV ang paganong Romanong Pantheon kay Maria at sa lahat ng martir ng simbahan

[Mga larawan sa pahina 9]

Ano ang impluwensiya ng Halloween sa iyong mga anak?

[Larawan sa pahina 10]

Nasisiyahan ang tunay na mga Kristiyano sa kapuri-puring libangan ng pamilya