Sino ang Magpapakain sa Daigdig?

Sino ang Magpapakain sa Daigdig?

Sino ang Magpapakain sa Daigdig?

MAPASISIMULAN kayang pangalagaan ng sangkatauhan ang pagkasarisari ng buhay sa halip na sirain ito? Ayon sa biyologong si John Tuxill, iyan ay mangangailangan ng “isang malaking pagbabago ng patakaran.” Gayunman, sinabi pa niya na ang gayong pagbabago “ay malamang na hindi mangyari nang walang malaking pagbabago sa kabatiran ng mga tao tungkol sa mga pakinabang ng pagkasarisari ng buhay halaman, sa kanilang pagnanais na baguhin ang umiiral na mga nakasanayan, at sa kanilang pagkukusang subukin ang bagong mga paraan.”

Hindi makapaniwala ang marami na mangyayari ang gayong malalaking pagbabago. At marami ang hindi sumasang-ayon sa konklusyon ni Tuxill. May mga siyentipikong pangkapaligiran na nag-aakalang ang papel ng pagkasarisari ng buhay ay hindi pa rin gaanong nauunawaan at marahil ay pinalalabisan ng ilan sa kanilang mga kasamahan. Gayunman, habang pinagtatalunan ng mga siyentipiko ang bagay na ito, waring sulit na bigyang-pansin ang sigaw ng pagkabahala mula sa ilang dalubhasa sa larangang ito. Waring nag-aalala sila, hindi lamang dahil sa kawalan ng pagkasarisari ng buhay kundi rin naman dahil sa kasakiman at kakulangan ng unawa sa kung ano ang nasa likuran ng mga kawalang iyon. Pansinin ang mga komentong ito mula sa iba’t ibang mga manunulat.

“Isang dantaon lamang ang nakalipas, pinangasiwaan ng daan-daang milyong magsasaka, na nangalat sa planeta, ang kanilang sariling mga panustos na binhi. . . . Sa ngayon, karamihan ng panustos na binhi ay ipinakilala, binago, at pinatente ng internasyonal na mga kompanya at iningatan bilang intelektuwal na pag-aari. . . . Sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa mga madaling pagkakitaan sa pamilihan, pinagbabantaang sirain ng industriya ng biotech ang mismong henetikong mga pamana na balang araw ay maaaring maging katumbas ng ginto bilang isang bagong paraan ng depensa laban sa isang bagong uri na lumalaban sa sakit o super bug.”​—Manunulat sa siyensiya na si Jeremy Rifkin.

“Ang ideya na naririnig sa media nang paulit-ulit ay na ang tunay na pinakamahalagang punto ay dapat na ang pamilihang dako, malayang kalakalan at ang pangglobong ekonomiya. Kapag pinangibabawan ng kayamanan at malalaking interes ng korporasyon ang media, ang pananalig na ito sa ekonomiya ay tulad ng isang doktrina ng relihiyon at bihira itong tutulan.”​—Dalubhasa sa henetiko na si David Suzuki.

Sa kaniyang aklat na Seeds of Change​—The Living Treasure, binanggit ng awtor na si Kenny Ausubel ang pagpapaimbabaw ng mauunlad na bansa kapag “idinaraing ng [kanilang] mga pamahalaan at mga korporasyon ang dumarating na pangglobong panganib na pagkalipol ng ‘karaniwang pamana’ ng sangkatauhan na pagtitipon ng mga gene (gene pool).” Binanggit niya na pinagbabantaan din ng mga ito ang pagkasarisari ng buhay sa pamamagitan ng pagtataguyod sa paggamit ng modernong mga pamamaraan sa pagsasaka at pagtatanim ng isa lamang uri ng pananim.

Totoo man o hindi ang lubhang kinatatakutan ng mga dalubhasa sa kapaligiran, masusumpungan mong mahirap matiyak ang kinabukasan ng planetang ito. Gaano pa ang itatagal nito kung ang sangkatauhan ay waring nauudyukan ng kasakiman? Nag-aapuhap para sa mga kasagutan, maraming tao ang umaasa na sasagipin tayo ng siyensiya.

Maililigtas ba Tayo ng Siyensiya at ng Teknolohiya?

Nagpahayag ng pagkabahala kamakailan ang Royal Society of Edinburgh na napakabilis at napakasalimuot ng mga pagsulong sa siyensiya sa ngayon anupat nanganganib ang mga siyentipiko na hindi lubusang maunawaan ang mga implikasyon ng mga pagsulong na ito. “Ang siyensiya ay nagbibigay ng maliliit at pira-pirasong pagkaunawa sa likas na daigdig,” sulat ni David Suzuki. “Halos wala tayong nalalaman tungkol sa biyolohikal na kayarian ng mga anyo ng buhay sa Lupa, ni nalalaman man natin kung paanong ang mga ito ay magkakaugnay at umaasa sa isa’t isa.”

Gaya ng ipinaliwanag ng magasing Science, “di-tiyak o di-pangkaraniwan ang mga panganib ni ang mga kapakinabangan sa mga GEO [Genetically Engineered Organisms] (mga organismong binago ang henetikong kayarian). . . . Ang kakayahan nating mahulaan ang epekto sa ekolohiya ng ipinakikilalang mga uri, pati na ang mga GEO, ay di-tiyak.”

Marami sa “mga pagsulong” ay talagang naging tabak na may dalawang talim. Nakagagawa ang mga ito ng ilang kabutihan, subalit ipinakikita rin ng mga ito ang kakulangan ng karunungan ng tao at, kadalasan, ang kanilang kaimbutan. (Jeremias 10:23) Halimbawa, bagaman ang green revolution ay nagbunga ng saganang ani at nagpakain ng maraming tao, naging dahilan din ito ng pagkawala ng pagkasarisari ng buhay. Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa paggamit ng mga pestisidyo at iba pang magastos na mga pamamaraan sa pagsasaka, ang green revolution sa wakas ay pinakinabangan ng “mga korporasyong nagpaparami ng halaman at ng mga piling tao sa mahihirap na bansa sa ikapipinsala ng ordinaryong mga tao,” ang sulat ni Dr. Mae-Wan Ho. Nagpapatuloy ang kausuhang ito habang ang agrikultura na batay sa biotechnology ay nagiging isang mas malaki at mas malakas na negosyo at dinadala tayo sa isang kinabukasan kung saan ang seguridad sa pagkain ay nagiging higit at higit na dumedepende sa siyensiya.

Subalit ang mga pagkabahalang ito ay hindi dapat magdulot sa atin ng lumbay. Tunay, inilalarawan lamang nito ang isang mas malaking punto. Tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan na hindi tayo dapat umasa nang labis sa di-sakdal na mga tao na kasalukuyang namamahala sa planetang ito at sa mga kayamanan nito. Sa ngayon, ang mga kabiguan at maling pamamahala ay bahagi lamang ng kalagayan ng tao. Kaya, ang Awit 146:3 ay nagpapayo: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.” Subalit lubusan tayong makapaglalagak ng ating tiwala sa Diyos. (Kawikaan 3:5, 6) Taglay niya kapuwa ang pagnanais at ang kapangyarihan na tulungan tayo.​—Isaias 40:25, 26.

Malapit Na​—Isang Lupa na Punô ng Buhay

Bago ayusin ang isang sira-sirang bahay, baka kailangan mo munang alisin ang basura. Sa katulad na paraan, malapit nang alisin ng Diyos na Jehova sa lupa ang lahat ng balakyot, pati na yaong tumitingin sa ating planeta, sa likas na mga yaman nito, at maging sa mga kapuwa tao bilang mga bagay lamang na dapat pagsamantalahan dahil sa personal na kapakinabangan at kapakanan ng korporasyon. (Awit 37:10, 11; Apocalipsis 11:18) Subalit iingatang buháy ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya at nagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban.​—1 Juan 2:15-17.

Pagkatapos noon, ang lupa at ang di-mabilang na nabubuhay na bagay nito, kalakip na ang masunuring mga tao, ay pamamahalaan ng isang gobyerno na gawa ng Diyos​—ang Mesiyanikong Kaharian. (Daniel 7:13, 14; Mateo 6:10) At anong kasaganaan nga ang ibubunga ng lupa sa ilalim ng matalinong pamamahalang iyon! Ganito ang sabi ng Awit 72:16: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” Oo, hindi na pagmumulan ng kontrobersiya at kabalisahan ang pagkain. Sa halip, ito’y magiging ligtas at sagana.

Kaya habang ang kasalukuyang sistema ay lalong nasasadlak sa madilim na kinalalagyan nito ng kawalang-pag-asa at kawalang-katiyakan, yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay makaaasa sa isang maluwalhating hinaharap dito mismo sa lupa. Ang pag-asang ito ay nasa “mabuting balita ng kaharian,” na may kagalakang ibinabahagi ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng nagnanais ng isang mas mabuti at mas makatarungang daigdig. (Mateo 24:14) Dahil sa tiyak na pag-asang ito​—at sa makaamang pangangalaga ng Diyos sa kaniyang bayan​—tayo, kahit sa ngayon, ay maaaring ‘tumahan nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.’​—Kawikaan 1:33.

[Larawan sa pahina 10]

Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, magiging ligtas at sagana ang pagkain

[Picture Credit Line sa pahina 8]

FAO Photo/K. Dunn

[Picture Credit Line sa pahina 9]

Tourism Authority of Thailand