Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Pamilyang Walang Ama Salamat sa seryeng “Mga Pamilyang Walang Ama​—Pagpapahinto sa Siklo”! (Pebrero 8, 2000) Masama ang loob ko tungkol sa aking diborsiyo anupat gusto kong ipaglaban ang lubusang pangangalaga sa aking anak na babae. Subalit natulungan ako ng mga artikulong ito na matanto na kailangan ng aking anak na mapanatili hangga’t maaari ang isang mabuting kaugnayan sa kaniyang ama. Ang pakikipaglaban hinggil sa pangangalaga ay hindi siyang kasagutan.

L. D., Guam

Bilang isang nagsosolong ina, lagi akong nagpapagal upang mapalaki ang aking anak na lalaki ayon sa mga simulain ng Bibliya. Ang dati kong asawa ay isa na mailalarawan mo bilang “walang malasakit”; hindi siya nagpapakita ng interes sa kaniyang anak. Magkagayon man, tinuruan ko ang aking anak na ibigin at igalang ang kaniyang ama, gaya ng iminungkahi ng inyong artikulo. Nakapagpapasiglang malaman na tama ang aking ginagawa.

R. S., Brazil

Ang aking mga magulang ay nagdiborsiyo nang ako’y limang taóng gulang. Ang aking ama ay hindi kailanman nagpakita ng anumang interes sa kaniyang mga anak. Kung minsan ay nadarama kong mas mabuti pang hindi ko na siya kailanman nakilala kaysa maranasan ang kaniyang kawalang-interes. Dahil kay Jehova, nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa murang gulang. Ang pagkaalam sa mga katotohanan ng Bibliya ay nakatulong sa akin na mapagtagumpayan ang mga damdaming ito ng pagpapabaya at paghihinanakit.

C. B., Puerto Rico

Sa loob halos ng pitong taon na ngayon, pinalaki kong mag-isa ang aking tatlong anak na lalaki, at kung minsan ay napakahirap nito. Halimbawa, may mga panahon na ang mga batang ito ay napakahirap pakitunguhan. Gayunman, iniibig ko sila nang buong puso, at nagpapasalamat ako kay Jehova na nasa akin sila. Ang panganay ay nabautismuhan kamakailan, kaya sulit ang lahat ng pagsisikap. Ang mga artikulong gaya nito ay nagpalakas ng loob ko na magpatuloy. Babasahin ko ang mga ito nang madalas.

N. B., Canada

Iniwan ako ng tatay ko nang ako’y anim na taóng gulang. Ngayon ay 21 taon na ako at ngayon ko lamang natanto ang epekto nito sa akin. Takot na takot akong mag-asawa dahil iniisip ko na baka iwanan lamang ako ng lalaki. Inaakala ko rin na wala akong maibibigay sa isang lalaki, yamang hindi ko alam kung paano namumuhay ang isang karaniwang pamilya. Gayunman, lubhang nakaaliw sa akin ang artikulong ito. Ipinaalam nito sa akin na maaari akong maging isang timbang, tapat, at maibiging asawang babae balang araw.

E.V.W., Estados Unidos

Mga Suliranin sa Pagkakaibigan Matagal ko nang gustong sumulat sa inyo, subalit hindi ako kailanman sumulat. Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ako Sinaktan ng Aking Kaibigan?” (Pebrero 22, 2000) May malubha akong problema sa isang matalik na kaibigan, at nasumpungan ko ang aking sarili na nagkikimkim ng galit sa kaniya. Ang artikulong ito ay dumating sa tamang panahon.

C. V., Italya

Sinaktan ako ng isa sa aking mga kaibigan. Ang artikulo ay nakatulong sa akin na makita na yamang tayo ay hindi sakdal, kung minsan ay nayayamot tayo sa isa’t isa. Ginawa ko ang sinabi ng artikulo at nilutas ang mga bagay-bagay sa kaniya.

N. T., Trinidad

Ako po’y 18 at mayroon akong dalawang matalik na kaibigan. Ang isa ay mas matanda sa akin, at ang isa naman ay mas bata sa akin nang dalawang taon. Buweno, di pa natatagalan ay nagkaproblema kami niyaong isa na nakababata. Ang artikulo ay dumating sa tamang panahon. Ipinaalaala sa amin ng Colosas 3:13 na tayo ay saganang pinatawad ni Jehova nang maraming-maraming beses at na tayo naman ay dapat ding magpatawaran sa isa’t isa. Ang huling parapo ay nakatulong sa akin na maunawaan ang punto tungkol sa pagpapatawad. Kaya ang bawat isa sa amin ay gustong maging isang kaibigan na gaya niyaong inilarawan sa Kawikaan 18:24​—“mas malapit pa kaysa sa isang kapatid” na lalaki o babae!

W. C., Estados Unidos