Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba Kung Anong Oras Na?

Alam Mo Ba Kung Anong Oras Na?

KUNG gusto mong malaman ang oras, ano’ng gagawin mo? Malamang na titingin ka sa relo mo o sa orasan. Kapag tinanong ka ng kaibigan mo kung anong oras na, paano ka sasagot? May iba’t ibang paraan ng pagsasabi ng oras. Ano-ano iyon?

Halimbawa, sabihin nating ngayon ay isang oras at 30 minuto makalipas ang tanghali. Baka sabihin mong 1:30. Depende kung saan ka nakatira at kung ano ang nakaugalian, baka sabihin mong 13:30. Batay iyan sa 24-oras na sistema. May mga lugar pa nga na tinatawag ang oras na iyan na “half two,” o 30 minuto bago mag-alas-dos.

Bilang mambabasa ng Bibliya, baka iniisip mo kung paano sinasabi ang oras noong panahon ng Bibliya. May ilang paraan ng pagsasabi nito. Tinutukoy sa Hebreong Kasulatan ang “umaga,” “kinaumagahan,” “tanghali,” “katanghaliang tapat,” at “gabi.” (Gen. 8:11; 19:27; 43:16; Deut. 28:29; 1 Hari 18:26) Pero kung minsan, mas eksaktong oras ang sinasabi.

Noong panahon ng Bibliya, nakaugalian nang maglagay ng mga bantay, lalo na sa gabi. Ilang siglo bago ipanganak si Jesus, hinahati ng mga Israelita ang gabi sa tatlong yugto na tinatawag na pagbabantay. (Awit 63:6) Binabanggit ng Hukom 7:19 ang “panggitnang pagbabantay sa gabi.” Noong panahon ni Jesus, ginagamit na ng mga Judio ang sistemang Griego at Romano na may apat na yugto ng pagbabantay sa gabi.

Ilang beses na tinukoy sa mga Ebanghelyo ang mga pagbabantay na ito. Halimbawa, noon ay “ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi” nang lumakad si Jesus sa tubig patungo sa bangka na kinaroroonan ng mga alagad niya. (Mat. 14:25) Sa isang ilustrasyon, sinabi ni Jesus: “Kung nalaman lamang ng may-bahay kung sa anong pagbabantay darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi pumayag na malooban ang kaniyang bahay.”—Mat. 24:43.

Binanggit ni Jesus ang apat na pagbabantay nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Kaya nga patuloy kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa pagabi na o sa hatinggabi o sa pagtilaok ng manok o maaga sa kinaumagahan.” (Mar. 13:35) Ang una sa mga pagbabantay, ang “pagabi na,” ay mula sa paglubog ng araw hanggang mga alas-nuwebe ng gabi. Ang ikalawa, ang pagbabantay sa “hatinggabi,” ay mula bandang alas-nuwebe ng gabi hanggang hatinggabi. Ang ikatlong pagbabantay, “sa pagtilaok ng manok,” ay mula hatinggabi hanggang mga alas-tres ng umaga. Maaaring sa pagbabantay na ito aktuwal na tumilaok ang isang tandang noong gabing arestuhin si Jesus. (Mar. 14:72) Ang ikaapat na pagbabantay, ang “maaga sa kinaumagahan,” ay mula bandang alas-tres ng umaga hanggang pagsikat ng araw.

Kaya kahit walang modernong mga orasan ang mga tao noong panahon ng Bibliya, mayroon silang sistema ng pagsasabi ng oras sa araw o sa gabi.