Esther 7:1-10
7 At ang hari at si Haman+ ay pumaroon upang makipagpiging kay Esther na reyna.
2 Sinabi ngayon ng hari kay Esther sa ikalawang araw rin sa panahon ng piging ng alak:+ “Ano ang iyong pakiusap,+ O Esther na reyna? Mangyari ngang ibigay iyon sa iyo.+ At ano ang iyong kahilingan? Kalahati man ng kaharian+—mangyari ngang iyon ay isagawa!”
3 At si Esther na reyna ay sumagot at nagsabi: “Kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, O hari, at kung sa hari ay wari ngang mabuti, ibigay nawa sa akin ang aking kaluluwa+ ayon sa aking pakiusap at ang aking bayan+ ayon sa aking kahilingan.
4 Sapagkat ipinagbili kami,+ ako at ang aking bayan, upang lipulin, patayin at puksain.+ Kung ipinagbili kami bilang mga aliping lalaki+ at bilang mga alilang babae, nanatili na lamang sana akong tahimik. Ngunit ang kabagabagan ay hindi angkop kung ikapipinsala ng hari.”
5 Si Haring Ahasuero ngayon ay nagsabi, oo, sinabi niya kay Esther na reyna: “Sino iyon,+ at nasaan ang isang iyon na naglakas-loob+ na gumawa ng gayon?”
6 At sinabi ni Esther: “Ang tao, ang kalaban+ at kaaway,+ ay ang masamang ito na si Haman.”
Kung tungkol kay Haman, siya ay nasindak+ dahil sa hari at sa reyna.
7 Kung tungkol sa hari, dahil sa kaniyang pagngangalit+ ay tumindig siya mula sa piging ng alak upang pumaroon sa hardin ng palasyo; at si Haman ay tumayo upang hilingin kay Esther na reyna+ ang kaniyang kaluluwa, sapagkat nakita niya na may kasamaang itinalaga+ ang hari laban sa kaniya.+
8 At ang hari ay bumalik sa bahay ng piging ng alak mula sa hardin ng palasyo;+ at si Haman ay nakasubsob sa higaan+ na kinaroroonan ni Esther. Sa gayon ay sinabi ng hari: “Gagahasain din ba ang reyna, habang ako ay nasa bahay?” Ang salita ay lumabas mula sa bibig ng hari,+ at ang mukha ni Haman ay tinakpan nila.
9 Si Harbona,+ na isa sa mga opisyal ng korte+ sa harap ng hari, ay nagsabi ngayon: “Naroon din naman ang tulos+ na ginawa ni Haman para kay Mardokeo, na siyang nagsalita ng mabuti may kinalaman sa hari,+ nakatayo sa bahay ni Haman—limampung siko ang taas.” Sa gayon ay sinabi ng hari: “Ibitin ninyo siya roon.”+
10 At ibinitin nila si Haman sa tulos+ na inihanda niya para kay Mardokeo;+ at ang pagngangalit ng hari ay humupa.