Esther 5:1-14
5 At nangyari nga, nang ikatlong araw+ ay iginayak ni Esther ang maharlikang kasuutan,+ at pagkatapos ay tumindig siya sa pinakaloob na looban+ ng bahay ng hari na katapat ng bahay ng hari, samantalang ang hari ay nakaupo sa kaniyang maharlikang trono sa maharlikang bahay na katapat ng pasukan ng bahay.
2 At nangyari, nang makita ng hari si Esther na reyna na nakatayo sa looban, ito ay nagtamo ng lingap+ sa kaniyang paningin, anupat iniunat ng hari kay Esther ang ginintuang setro+ na nasa kaniyang kamay. Si Esther ngayon ay lumapit at hinawakan ang dulo ng setro.
3 At sinabi ng hari sa kaniya: “Ano ang sadya mo, O Esther na reyna, at ano ang iyong kahilingan?+ Kalahati man ng kaharian+—mangyari ngang ibigay iyon sa iyo!”
4 Sinabi naman ni Esther: “Kung sa hari ay wari ngang mabuti, pumaroon nawa ngayon ang hari na kasama si Haman+ sa piging+ na inihanda ko para sa kaniya.”
5 Sa gayon ay sinabi ng hari: “Pagmadaliin+ ninyo si Haman na gawin ang ayon sa salita ni Esther.” At ang hari at si Haman ay pumaroon sa piging na inihanda ni Esther.
6 At sinabi ng hari kay Esther sa panahon ng piging ng alak: “Ano ang iyong pakiusap?+ Mangyari ngang ipagkaloob iyon sa iyo! At ano ang iyong kahilingan? Kalahati man ng kaharian—mangyari ngang iyon ay isagawa!”
7 At si Esther ay sumagot at nagsabi: “Ang aking pakiusap at ang aking kahilingan ay,
8 Kung nakasumpong ako ng lingap sa paningin ng hari+ at kung sa hari ay wari ngang mabuti na ipagkaloob ang aking pakiusap at gawin ang aking kahilingan, pumaroon nawa ang hari at si Haman sa piging na idaraos ko bukas para sa kanila, at bukas ay gagawin ko ang ayon sa salita ng hari.”+
9 Sa gayon ay lumabas si Haman nang araw na iyon na nagagalak+ at masaya ang puso; ngunit nang makita ni Haman si Mardokeo sa pintuang-daan ng hari+ at na hindi ito tumindig+ at hindi nangatal dahil sa kaniya,+ si Haman ay kaagad na napuno ng pagngangalit+ laban kay Mardokeo.
10 Gayunman, si Haman ay nagpigil ng kaniyang sarili at umuwi sa kaniyang bahay. Pagkatapos ay nagsugo siya at pinapasok ang kaniyang mga kaibigan at si Zeres+ na kaniyang asawa;
11 at inihayag ni Haman sa kanila ang kaluwalhatian ng kaniyang kayamanan+ at ang karamihan ng kaniyang mga anak+ at ang lahat ng bagay na ipinandakila sa kaniya ng hari at kung paano siya itinaas nito nang higit kaysa sa mga prinsipe at sa mga lingkod ng hari.+
12 At sinabi pa ni Haman: “Higit pa riyan, si Esther na reyna ay walang sinumang dinalang kasama ng hari sa piging na inihanda niya maliban sa akin,+ at bukas+ din ay inaanyayahan niya akong kasama ng hari.
13 Ngunit ang lahat ng ito—walang anuman dito ang nakasisiya sa akin hangga’t nakikita ko si Mardokeo na Judio na nakaupo sa pintuang-daan ng hari.”
14 Nang magkagayon ay sinabi sa kaniya ni Zeres na kaniyang asawa at ng lahat ng kaniyang mga kaibigan: “Magpagawa ka sa kanila ng isang tulos+ na limampung siko ang taas. At sa kinaumagahan+ ay sabihin mo sa hari na ibitin nila roon si Mardokeo.+ Pagkatapos ay pumasok kang kasama ng hari sa piging taglay ang kagalakan.” Kaya ang bagay na iyon ay naging waring mabuti+ kay Haman, at ipinagawa niya ang tulos.+