Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga kagamitang pangmilitar: Anton Petrus/Moment via Getty Images; pera: Wara1982/iStock via Getty Images Plus

PATULOY NA MAGBANTAY!

Trilyon Na ang Nagastos sa Digmaan, Pero Pera Lang Ba ang Naging Kapalit?

Trilyon Na ang Nagastos sa Digmaan, Pero Pera Lang Ba ang Naging Kapalit?

 Napakalaki ng ginagastos sa digmaan.

  •   “Nitong nakaraang taon, $2.2 trilyon ang nagastos sa buong mundo para sa mga digmaan. Iyan ang pinakamalaking nagastos para sa digmaan sa loob ng isang taon.”—The Washington Post, Pebrero 13, 2024.

 Pero hindi lang pera ang naging kapalit ng mga digmaang ito. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari sa Ukraine.

  •   Sundalo. Ayon sa ilang eksperto, mga 500,000 sundalo na ang namatay o sugatan mula nang magsimula ang digmaan noong 2022.

  •   Sibilyan. Ayon sa United Nations, mahigit 28,000 sibilyan na ang namatay o sugatan. Pero sinabi ng isang mataas na opisyal ng UN: “Imposibleng mabilang kung gaano karaming buhay ang nasira ng digmaang ito.” a

 Napakaraming tao din ang nagdurusa dahil sa mga digmaan at labanan sa buong mundo.

  •    114 milyon. Bilang ng mga tao sa buong mundo na lumikas dahil sa digmaan at karahasan hanggang noong Setyembre 2023.

  •   783 milyon. Bilang ng mga tao na walang sapat na makain. “Digmaan pa rin ang nangungunang sanhi ng krisis sa pagkain. Sa buong mundo, 70 porsiyento ng mga nagugutom ang nakatira sa mga lugar na may digmaan at karahasan.”—World Food Programme.

 Matatapos pa ba ang digmaan? Magiging payapa pa kaya ang mundo? Darating kaya ang panahon na wala nang mahirap o nagugutom, at makikinabang ang lahat sa saganang inilalaan ng lupa? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Magkakaroon ng mga digmaan

 Inihula ng Bibliya na magkakaroon ng mga digmaan sa buong mundo. Inilarawan ito bilang isa na nakasakay sa kabayo.

  •   “May isa pang lumabas, isang kabayong kulay-apoy, at ang nakaupo rito ay pinahintulutang mag-alis ng kapayapaan sa lupa para magpatayan ang mga tao, at binigyan siya ng isang malaking espada.”—Apocalipsis 6:4.

 Kasunod niya ang dalawa pang mangangabayo. Ang isa ay lumalarawan sa taggutom, at ang isa pa ay lumalarawan sa kamatayan dahil sa sakit at iba pang sanhi. (Apocalipsis 6:5-8) Para sa higit pang impormasyon tungkol sa hulang ito at kung bakit natin masasabing natutupad na ito ngayon, basahin ang artikulong “Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Magkakaroon ng kapayapaan

 Darating ang panahon na hindi na gagamitin sa digmaan ang yaman ng lupa. Pero hindi sa tao manggagaling ang solusyon. Sinasabi ng Bibliya:

  •   ‘Patitigilin ng Diyos ang mga digmaan sa buong lupa.’—Awit 46:9.

  •   Aalisin ng Diyos ang masasamang epekto ng digmaan. “Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.

  •   Sisiguraduhin ng Diyos na magiging payapa at panatag ang lahat. “Titira ang bayan ko sa mapayapang tahanan, sa ligtas na mga tirahan at tahimik na mga pahingahan.”—Isaias 32:18.

 Inihula rin ng Bibliya na ang mga digmaan at iba pang pangyayari ngayon ay palatandaan na malapit nang maging payapa ang mundo.

 Paano iyan gagawin ng Diyos? Gagamitin niya ang kaniyang makalangit na gobyerno, o Kaharian. (Mateo 6:10) Para malaman kung ano ang Kahariang iyan at ang magiging epekto niyan sa iyo, panoorin ang maikling video na Ano ang Kaharian ng Diyos?

a Miroslav Jenca, assistant secretary-general ng United Nations para sa Europe, Disyembre 6, 2023.