Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mayroon Bang Dumirinig sa mga Panalangin?

Mayroon Bang Dumirinig sa mga Panalangin?

“Duda ako noon kung mayroon nga bang Diyos. Pero nananalangin pa rin ako paminsan-minsan. Hindi ako sigurado kung may nakikinig, pero umaasa akong sana ay mayroon nga. Malungkot ako at walang direksiyon ang buhay. Takót akong maniwala sa Diyos dahil iniisip kong mahihinang tao lang ang naniniwala sa Diyos.”​—PATRICIA, * IRELAND.

NADAMA mo na rin ba ang nadama ni Patricia? Nananalangin ka ba kahit duda ka kung may Diyos nga? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Isaalang-alang ang mga sumusunod.

▪ Sa isang surbey na isinagawa sa 2,200 Britano, 22 porsiyento lang ang naniniwalang may Diyos na gumawa sa daigdig at dumirinig sa mga panalangin. Pero 55 porsiyento sa mga ito ang nananalangin paminsan-minsan.

▪ Sa isang surbey na ginawa sa 10,000 katao mula sa apat na kontinente, halos 30 porsiyento ng nagsabing ateista sila ay nananalangin.

Bakit Sila Nag-aalinlangan?

Sinabi ng taga-England na si Allan: “Sinasabi ko noon na hindi ako naniniwala sa Diyos dahil iniisip kong inimbento ang relihiyon para kontrolin ang mga tao at kumita ng pera. Saka kung talagang may Diyos, wala sanang ganitong sobrang kawalang-katarungan. Pero kung minsan, tahimik akong nauupo at ‘may’ kinakausap. Tinatanong ko rin ang sarili ko, ‘Paano ba ako umiral?’”

Ang bawat taong nakadarama ng ganiyan ay may kani-kaniyang dahilan kung bakit nag-aalinlangan silang may sumasagot sa mga panalangin. Sa maraming kaso, maaaring nag-aalinlangan sila dahil sa mga tanong na hindi nasasagot, gaya ng:

▪ Mayroon bang Maylalang?

▪ Bakit kadalasan nang masama ang impluwensiya ng relihiyon?

▪ Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?

Kung malalaman mo ang sagot sa mga tanong na iyan, mawawala na ba ang pag-aalinlangan mo sa pananalangin?

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito ng mga artikulo.