Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Bakit Hiniling ng Diyos sa Kaniyang mga Mananamba na Mag-asawa Lang ng Kapananampalataya?

Bakit Hiniling ng Diyos sa Kaniyang mga Mananamba na Mag-asawa Lang ng Kapananampalataya?

▪ Kasama sa Kautusan ng Diyos sa Israel ang utos na ito tungkol sa mga bansang nakapalibot sa kanila: “Huwag kang makikipag-alyansa sa kanila ukol sa pag-aasawa. Ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay huwag mong kukunin para sa iyong anak na lalaki.” (Deuteronomio 7:3, 4) Bakit?

Una sa lahat, alam ni Jehova na gustong pasamain ni Satanas ang Kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagsamba sa diyus-diyosan. Nagbabala pa ang Diyos na “ihihiwalay [ng mga di-sumasampalataya] ang iyong anak mula sa pagsunod sa akin, at tiyak na paglilingkuran nila ang ibang mga diyos.” Napakasama ng magiging resulta nito. Kung sasamba ang bansang Israel sa ibang mga diyos, maiwawala nila ang pagsang-ayon at proteksiyon ng Diyos, anupat madali na silang matatalo ng kanilang mga kaaway. Kung gayon, paano na mailuluwal ng bansang Israel ang ipinangakong Mesiyas? Maliwanag, may dahilan si Satanas para akitin ang mga Israelita na mag-asawa ng mga di-sumasampalataya.

Isa pa, dapat tandaan na nagmamalasakit ang Diyos sa kaniyang indibiduwal na mga lingkod. Alam niyang ang kaligayahan at kapakanan ng bawat isa sa kanila ay nakadepende sa pagkakaroon nila ng malapít na kaugnayan sa kaniya bilang Diyos nila. May matibay bang dahilan para magbabala si Jehova na huwag mag-asawa ng isang di-sumasampalataya? Pansinin ang halimbawa ni Haring Solomon. Alam ng hari ang babala ni Jehova tungkol sa mga di-sumasampalatayang asawa: “Ikikiling nila ang inyong puso na sumunod sa kanilang mga diyos.” Dahil napakarunong niya, marahil ay naisip niyang hindi na niya kailangan ang payo ng Diyos at hindi iyon kapit sa kaniya. Binale-wala niya iyon. Ang resulta? “Sa kalaunan ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso . . . na sumunod sa ibang mga diyos.” Naiwala ni Solomon ang pagsang-ayon ni Jehova, at nagkawatak-watak ang bayan niya dahil sa kaniyang kawalang-katapatan.​—1 Hari 11:2-4, 9-13.

Baka iniisip ng ilan na may mga eksepsiyon naman. Halimbawa, naging asawa ng Israelitang si Mahalon ang Moabitang si Ruth, na naging mahusay na mánanampalatayá. Pero mapanganib ang desisyong iyon. Hindi pinapurihan si Mahalon sa pag-aasawa ng isang Moabita; maaga siyang namatay, malamang na bago pa maging mananamba ni Jehova si Ruth. Ang kapatid ni Mahalon na si Kilion ay nag-asawa rin ng Moabita, si Orpa, na nanatili sa “kaniyang mga diyos.” Sa kabilang dako, noong maging asawa ni Boaz si Ruth, matagal na itong mánanampalatayá. Sa katunayan, nang maglaon ay itinuring ng mga Judio si Ruth bilang “perpektong proselita.” Naging pagpapala kina Boaz at Ruth ang kanilang pagsasama.​—Ruth 1:4, 5, 15-17; 4:13-17.

Tama bang ikatuwiran na batay sa halimbawang gaya ng kina Mahalon at Ruth ay puwede na rin nating salungatin ang payo ni Jehova na mag-asawa lang ng kapananampalataya? Kung ganiyan ang ating katuwiran, hindi ba’t parang sinasabi na rin nating puwedeng gawing hanapbuhay ang pagsusugal dahil lang sa may isang sugarol na naka-jackpot?

Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano sa ngayon na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” Nagbababala ito na ‘huwag makipamatok sa mga di-sumasampalataya.’ Ang payong iyan ay para sa mga tunay na Kristiyanong naghahanap ng mapapangasawa. Para naman sa mga may-asawang di-sumasampalataya, may mga payo ang Bibliya kung paano mahaharap ang kanilang sitwasyon. (1 Corinto 7:12-16, 39; 2 Corinto 6:14) Ipinakikita ng mga payong iyan na gusto ng Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, na maging maligaya tayo bilang kaniyang mga mananamba​—may asawa man o wala.