Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pitong Produkto” ng Mabuting Lupain

“Ang Pitong Produkto” ng Mabuting Lupain

“Ang Pitong Produkto” ng Mabuting Lupain

SA Bibliya, ang lupain ng Israel ay inilalarawan bilang isang lupain ng mga burol at libis, mga baybaying kapatagan at talampas, at mga ilog at bukal. Dahil sa iba’t ibang uri ng lupa at klima, kasama na ang disyerto sa timog at mga bundok na nababalutan ng niyebe sa hilaga, ang lupaing ito ay inaanihan ng maraming uri ng produkto. Para manabik ang mga Israelita sa “mabuting lupain,” sinabi ni Moises na ito ay “lupain ng trigo at sebada at mga punong ubas at mga igos at mga granada, isang lupain ng malalangis na olibo at pulot-pukyutan,” anupat espesipikong binanggit ang pitong agrikultural na produkto.​—Deuteronomio 8:7, 8.

Hanggang sa ngayon, ginagamit pa rin ang ekspresyong “pitong produkto” para tumukoy sa mga produkto ng lupain. May mga pagkakataon ding nakalagay ang mga larawan nito sa kanilang mga barya at selyo bilang simbolo ng matabang lupain nila. Paano ba nililinang ang mga ito noong panahon ng Bibliya? Paano nito naapektuhan ang buhay ng mga tao roon? Tingnan natin.

“Trigo at Sebada” Bagaman parehong inihahasik kapag taglagas, isang buwan na nauunang mahinog ang sebada kaysa sa trigo. Isang tungkos ng mga unang bunga ng sebada ang dinadala sa templo bilang handog kay Jehova kapag Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura, tuwing buwan ng Marso o Abril. Inihahandog naman ang tinapay na gawa sa trigo kapag Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes, tuwing Mayo.​—Levitico 23:10, 11, 15-17.

Sa loob ng maraming siglo at hanggang nitong kamakailan, manu-manong itinatanim ng mga magsasaka sa Israel ang trigo at sebada. Isinasaboy nila ang binhi sa lupa mula sa mga tupi ng kanilang kasuutan. Ang mga sebada ay isinasaboy lang sa lupa. Pero iba naman kapag trigo. Ibinabaon nila ang binhi nito sa lupa sa pamamagitan ng pagtapak ng mga pantrabahong hayop o ng pag-aararong muli.

Madalas banggitin sa Bibliya ang paghahasik, paggapas, paggigiik, pagtatahip, at paggiling ng mga butil. Kailangan ang lakas sa ganitong mga gawain. Araw-araw, ang mga butil ay ginigiling para maging harina at ginagawang tinapay para sa pamilya. Dahil dito, naunawaan natin ang tagubilin ni Jesus na manalangin para sa ‘ating tinapay sa araw-araw.’ (Mateo 6:11, King James Version) Ang tinapay na gawa sa trigo o sebada ang pangunahing pagkain ng mga tao noong panahon ng Bibliya.​—Isaias 55:10.

‘Punong Ubas, Igos, at Granada’ Matapos pangunahan ni Moises ang Israel sa ilang sa loob ng 40 taon, iniharap niya sa kanila ang isang nakasasabik na pangako​—kakainin nila ang mga bunga sa Lupang Pangako. Ano ba ang dinala ng sampung espiya sa kampo ng mga Israelita sa ilang bilang patunay ng kasaganaan ng Lupang Pangako apatnapung taon bago nito? “Isang supang na may isang kumpol ng ubas,” na napakabigat kaya binuhat nila ito “sa pamamagitan ng isang pamingga na pasan ng dalawa sa mga lalaki.” Nagdala rin sila ng mga igos at granada. Talagang nakatatakam! Pero patikim pa lang iyan!​—Bilang 13:20, 23.

Kailangan ng mga puno ng ubas ang patuloy na pag-aalaga​—pagpungos, pagpapatubig, pag-aani​—para lagi itong mamunga. Ang bakod, maayos na hilera ng mga tanim, at kubol ng bantay ay tanda na naaalagaang mabuti ang ubasan. Sanáy na sanáy ang mga Israelita sa gawaing ito kaya alam na alam nila kung ano ang mangyayari kapag pinabayaan ang ubasan.​—Isaias 5:1-7.

Kapag inaani na ang mga ubas, magsisimula na ang paggawa ng alak. Ang kumpul-kumpol na ubas ay tinatapakan sa tangke o inilalagay sa pisaan. Ang katas nito ay pinakukuluan para makuha ang asukal nito o pinakakasim para maging alak. Tamang-tama ang lupain ng Israel para sa pagtatanim ng ubas at paggawa ng alak. *

Malamang na pinatuyo o piniping igos lang ang nakikita ng mga taong nakatira malayo sa mga lupain kung saan tumutubo ang mga igos. Ibang-iba ang sariwang igos​—matamis at makatas ito. Para mapreserba ang mga igos matapos anihin, kailangan itong patuyuin at ilagay sa lalagyan. Madalas banggitin sa Bibliya ang mga “kakaning igos na pinipi.”​—1 Samuel 25:18.

Kapag biniyak ang makunat na balat ng hinog na granada, makakain mo na o makakatas ang daan-daang “maliliit na prutas” nito​—isang nakarerepresko at nakapagpapalusog na pagkain. Mahalaga noon ang granada. Kaya naman, ang laylayan ng isa sa mga kasuutan ng mataas na saserdote pati na rin ang mga haligi ng templo ni Solomon ay may mga palamuting tulad-granada.​—Exodo 39:24; 1 Hari 7:20.

“Olibo at Pulot-pukyutan” Halos 60 beses binanggit sa Bibliya ang olibo, isang mahalagang pinagmumulan ng pagkain at langis. Marami pa ring taniman ng olibo sa Israel. (Deuteronomio 28:40) Hanggang sa ngayon, isang pampamilyang okasyon pa rin sa maraming komunidad ang pag-aani nito tuwing Oktubre. Hinahampas ng mga mang-aani ang mga sanga ng puno para malaglag ang mga olibo at saka nila iipunin ang mga ito. Ang mga olibo ay ipinepreserba at nagsisilbing pagkain ng pamilya sa buong taon o kaya’y dinadala sa mga pisaan para makuha ang langis. Sa katunayan, nakahukay ang mga arkeologo ng daan-daang sinaunang pisaan na iba’t iba ang hitsura. Sa ngayon, nakamamanghang makita na nasa mga lalagyan na ang mapusyaw na berdeng langis ng olibo na ginagamit bilang suplay ng pamilya sa buong taon o para pagkakitaan. Bukod sa ito’y kinakain, ginagamit din itong pampaganda at langis sa ilawan.

Ang pulot-pukyutan na binanggit ni Moises ay maaaring mula sa mga pukyutan o katas ng datiles at ubas. Karaniwan pa ring ginagamit na pampatamis ang katas ng mga prutas na ito. Pero ang pulot-pukyutan na binanggit ng Bibliya noong panahon nina Samson at Jonatan ay maliwanag na pulot-pukyutang ligáw mula sa bahay-pukyutan. (Hukom 14:8, 9; 1 Samuel 14:27) Nitong kamakailan lang, may natuklasang apiary na may mahigit 30 bahay-pukyutan sa Tel Rehov sa hilagang Israel. Patunay ito na noon pa mang panahon ni Solomon, may mga nag-aalaga na ng pukyutan para makakuha ng pulot-pukyutan.

Sa ngayon, makikita pa rin ang saganang suplay ng iba’t ibang anyo ng “pitong produkto” sa makulay na palengke sa Israel na may mga panaderya at tindahan ng prutas at gulay. Siyempre pa, napakarami pang ibang produkto sa Israel. Dahil sa modernong pamamaraan sa agrikultura, nakapagtanim na rin dito ng mga halamang mula sa ibang lupain. Patunay lang na bagay na bagay sa maliit na lupaing ito ang tawag na ‘mabuting lupain.’​—Bilang 14:7.

[Talababa]

^ par. 9 Pinatutuyo rin ang mga ubas para maging pasas.​—2 Samuel 6:19.

[Larawan sa pahina 11]

Trigo

[Larawan sa pahina 11]

Sebada

[Larawan sa pahina 12]

Punong Ubas

[Larawan sa pahina 12, 13]

Igos

[Larawan sa pahina 12]

Granada

[Larawan sa pahina 13]

Olibo

[Larawan sa pahina 13]

Pulot-pukyutan