Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tunay na Kalayaan Para sa mga Maya

Tunay na Kalayaan Para sa mga Maya

Tunay na Kalayaan Para sa mga Maya

KILALA ang mga Maya sa mga nagawa nila noong sinaunang panahon. Taun-taon, libu-libong turista ang nagpupunta sa Yucatán Peninsula sa Mexico upang tingnan ang malalaking piramide, gaya ng makikita sa Chichén Itzá at sa Cobá. Kahanga-hanga ang mga Maya hindi lamang sa kanilang kahusayan sa inhinyeriya kundi sa mga nagawa rin nila sa larangan ng pagsulat, matematika, at astronomiya. Naisip nila ang isang masalimuot na sistema ng pagsulat ng hieroglyphic, ang konsepto ng sero, at isang 365-araw na kalendaryo.

Subalit iba ang kalagayan pagdating sa relihiyon. Maraming sinasambang diyos ang mga Maya; ang ilan sa sinasamba nila ay mga diyos ng araw, buwan, ulan, at mais. Ang mga saserdote nila ay mga astrologo rin. Kasama sa kanilang pagsamba ang paggamit ng insenso at ng mga imahen, paghiwa sa sarili, ritwal na pagpapatulo ng dugo, at paghahandog ng tao​—partikular na ng mga bilanggo, alipin, at bata.

Pagdating ng mga Kastila

Lumilitaw na isang masulong na sibilisasyon ang natuklasan ng mga Kastila nang dumating sila sa lugar ng mga Maya noong unang bahagi ng ika-16 na siglo. Ang mga konkistador, na siyang tawag sa mga Kastilang manggagalugad, ay may dalawang tunguhin: pangangamkam ng lupa at kayamanan, at pagkumberte sa mga Maya sa Katolisismo upang mapalaya ang mga ito mula sa marahas na paganong mga gawain. Nagdulot nga kaya ng tunay na kalayaan sa relihiyon o ng ibang uri ng kalayaan ang pananakop ng mga Kastila sa mga Maya?

Kinamkam ng mga Kastila, pati na ng klero ng Simbahang Katoliko, ang mga lupain ng mga Maya na matagal nang ginagamit sa kanilang tradisyonal na pagkakaingin. Ang pangangamkam ng mga Kastila ay nagdulot ng matinding kahirapan at alitan. Kinontrol din ng mga Kastila ang mga cenote, o malalalim na balon, ang pangunahing pinagmumulan ng tubig sa Yucatán Peninsula. Lalong napahirapan ang mga Maya nang pagbayarin sila ng simbahan ng taunang pangulong buwis​—12 1⁄2 real * para sa bawat lalaki at 9 na real para sa bawat babae​—bukod pa sa mabigat na buwis na sinisingil ng gobyerno. Sinamantala ito ng mga Kastilang may-ari ng lupa. Binabayaran nila ang buwis ng simbahan na sinisingil sa mga Maya at pagkatapos ay sinisingil ang mga Maya sa pamamagitan ng pagpilit sa mga ito na magtrabaho sa kanila hanggang sa makabayad sila ng kanilang utang, anupat nagmistula silang mga alipin.

Naniningil din ang mga pari para sa mga relihiyosong serbisyo, gaya ng binyag, kasal, at libing. Sa gayon, nagpayaman ang simbahan sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa, paniningil ng pangulong buwis, at pagpapabayad sa mga relihiyosong serbisyo, samantalang naghirap naman ang mga Maya. Itinuring ang mga magbubukid na likas na mapamahiin at ignorante. Kaya inisip ng klero at ng iba pang nasa awtoridad na wasto lamang na hagupitin ang mga Maya upang disiplinahin ang mga ito at sa gayo’y iwaksi nila ang kanilang mga pamahiin.

Digmaan sa Pagitan ng mga Maya at mga Kastila

Noong una, gumanti ang mga Maya sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng buwis ng simbahan. Hindi rin nila pinapasok ang kanilang mga anak sa mga paaralan ng simbahan, hindi sila pumunta sa mga klase ng katesismo, at hindi sila nagtrabaho sa mga asyenda. Pero nagdulot lamang ito ng higit na kalupitan. Noong 1847, umabot na sa kasukdulan ang humigit-kumulang 300-taóng pang-aapi ng mga Kastila. Naghimagsik ang mga Maya laban sa mga “puti.”

Ginamit ng mga lider ng paghihimagsik ang isang relihiyosong sagisag na tinatawag na Nagsasalitang Krus, isang krus na ginagamit ng isang bentrilokuwista para himukin ang mga tao na makipagdigma hanggang kamatayan. Napakasaklap ng nangyari sa mga Maya sa digmaan. Nang opisyal na magtapos ang digmaan noong 1853, mga 40 porsiyento ng mga Maya na taga-Yucatán ang namatay. Gayunpaman, sa loob ng 55 taon, nagkakaroon pa rin ng mga digmaan sa pana-panahon. Nang dakong huli, naging malaya na ang mga Maya mula sa panunupil ng mga Kastila, at nagkaroon ng reporma sa lupa. Subalit kumusta naman ang kalayaan sa relihiyon?

Hindi Naging Tunay na Malaya

Hindi nakapagdulot ng tunay na kalayaan sa mga Maya ang Katolisismo na dinala ng mga Kastila ni ang kanilang pakikipagdigma laban sa mga Kastila. Sa ngayon, masusumpungan sa lugar na ito ang isang relihiyon kung saan pinagsama ang mga tradisyon ng Romano Katoliko at ang mga kaugalian ng katutubo bago dumating ang mga Kastila.

Ganito ang sinasabi ng aklat na The Mayas—3000 Years of Civilization hinggil sa mga Maya sa ngayon: “Sinasamba ng mga Maya ang kanilang sinaunang mga diyos ng kalikasan at ang kanilang mga ninuno sa mga bukirin, kuweba at bundok . . . at kasabay nito ay sinasamba nila ang mga santo sa simbahan.” Dahil dito, ang diyos na si Quetzalcoatl, o Kukulcán, ay sinasabing katumbas ni Jesus, at ang diyosa ng buwan ay katumbas naman ni Birheng Maria. Bukod diyan, ang pagsamba sa sagradong puno ng kapok, ay hinalinhan ng pagsamba sa krus, na dinidiligan pa rin ng mga tao na para bang isa itong buháy na puno. Walang imahen ni Jesus na makikita sa mga krus kundi sa halip ay mga bulaklak ng kapok.

Tunay na Kalayaan sa Wakas!

Sa nakalipas na mga taon, pinasimulan ng mga Saksi ni Jehova ang isang malawakang kampanya upang matulungan ang mga Maya na matutuhan ang Bibliya. Ang mga literatura sa Bibliya, gaya ng magasing ito, ay inilimbag sa wika ng mga Maya upang matulungan silang maunawaan ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Ano ang naging resulta? Nang isinusulat ang artikulong ito, mga 6,600 tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian ang nagsasalita ng wikang Maya at nakaugnay sa 241 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na ito. Madali ba para sa mga Maya na lumaya mula sa tradisyonal na mga paniniwala upang tanggapin ang katotohanan sa Bibliya?

Para sa maraming taimtim na Maya, hindi ito madali. Itinuring ni Marcelino at ng kaniyang asawa, si Margarita, ang kanilang sarili na mga debotong Katoliko. Taun-taon, nagbibigay-galang sila sa krus sa pamamagitan ng pagdadala nito mula sa simbahan patungo sa kanilang bahay, kung saan naghahandog sila ng mga haing hayop at pagkatapos, kasama ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan, kinakain nila ang mga inihandog. Nang maglaon, dinalaw sila ng mga Saksi ni Jehova at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kanila. “Natanto namin na ang natututuhan namin ay ang katotohanan,” ang sabi nila, “pero inisip namin na kung iiwanan namin ang dati naming mga paniniwala, sasalakayin kami ng mga espiritu.” Subalit ipinagpatuloy pa rin nila ang pag-aaral ng Bibliya. “Unti-unting tumagos sa aming puso ang katotohanan sa Bibliya,” ang sabi ni Marcelino. “Iyan ang nagbigay sa amin ng lakas ng loob na ipakipag-usap sa aming mga kamag-anak at kaibigan ang tungkol sa natututuhan namin sa Bibliya. Natutuwa kami na malaya na kami ngayon mula sa pagkaalipin sa mga pamahiin. Nanghihinayang lang kami at hindi kami nakapagpasimula nang mas maaga. Gusto naming bawiin ang nasayang na panahon sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap na sabihin sa iba ang tungkol sa kamangha-manghang mga katotohanan sa Bibliya.”

Si Alfonso, na 73 taóng gulang, ay isa ring debotong Katoliko. Siya ang nagsasaayos ng relihiyosong mga piyesta, pati na mga Misa, sayawan, kainan, at inuman. Mayroon ding mga palaro kung saan pinatutumba ang mga toro. “Karaniwan nang nagtatapos ang mga piyestang ito sa lasingan at kaguluhan,” ang sabi niya. “Bagaman nasisiyahan ako sa mga piyesta, nadama kong may kulang sa relihiyon ko.” Nang mangaral ang mga Saksi ni Jehova kay Alfonso, tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sa kabila ng mahinang kalusugan, nagsimula siyang dumalo sa mga pagpupulong sa Kingdom Hall. Ngayon ay iniwan na niya ang lahat ng kaniyang dating relihiyosong gawain at sinasamantala ang bawat pagkakataon na ibahagi ang kaniyang natututuhan tungkol kay Jehova sa mga dumadalaw sa kaniya sa kaniyang bahay.

Ang mga ito ay ilan lamang sa maraming taimtim na Maya na nakaranas ng tunay na kalayaan sa relihiyon. Oo, naririto pa rin ang mga inapo ng mga nagtayo ng malalaking piramide sa Yucatán. Maya pa rin ang wikang sinasalita nila. Marami ang naninirahan sa mga kubo gaya ng tinirhan ng kanilang mga ninuno. Nagkakaingin pa rin sila para magtanim ng mais at bulak. Pero napalaya na ngayon ng Salita ng Diyos ang maraming Maya mula sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon at sa mga pamahiin. Lubusan nilang pinahahalagahan ang mapuwersang mga salita ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:32.

[Talababa]

^ Ang real ang dating pera ng Espanya.

[Mapa sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga lugar na naimpluwensiyahan ng sinaunang Maya

Gulpo ng Mexico

MEXICO

Yucatán Peninsula

Chichén Itzá

Cobá

BELIZE

GUATEMALA

HONDURAS

EL SALVADOR

[Larawan sa pahina 13]

Labí ng sinaunang Maya, Chichén Itzá

[Larawan sa pahina 15]

Si Marcelino at ang kaniyang asawa, si Margarita, habang nangangaral ng mabuting balita sa Yucatán