Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nakinabang ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:

• Sa anong apat na paraan ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang “kongregasyon”?

Pangunahin na itong tumutukoy sa kalipunan ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano (sa ilang teksto ay kasama si Kristo). Kung minsan, ang “kongregasyon ng Diyos” ay tumutukoy sa lahat ng Kristiyanong nabubuhay sa isang partikular na yugto ng panahon. Ikatlo, tumutukoy rin ito sa lahat ng Kristiyano sa isang lugar. Panghuli, ang termino ay maaari ding tumukoy sa lahat ng bumubuo sa lokal na kongregasyon.​—4/15, pahina 21-3.

• Kailan matatapos ang pagpili sa mga Kristiyanong pagkakalooban ng makalangit na pag-asa?

Walang tiyak na sagot ang Bibliya sa tanong na iyan. Ang pagpiling iyan ay nagsimula noong 33 C.E. at nagpatuloy hanggang sa makabagong panahon. Pagkalipas ng 1935, ibinaling sa pagtitipon sa malaking pulutong ang gawaing pangangaral. Ang ilang nabautismuhan pagkalipas ng 1935 ay tumanggap ng patotoo mula sa banal na espiritu na ang pag-asa nila ay sa langit, kaya hindi tayo makapagtatakda ng eksaktong petsa kung kailan talaga natapos ang pagpiling ito. Ang mga tunay na pinahiran ay hindi nakalalamang sa tinatanggap nilang espiritu ng Diyos, ni umaasa man na paglilingkuran sila ng iba. Anuman ang pag-asa ng mga Kristiyano, kailangan nilang maging tapat at patuloy na gawin ang kalooban ng Diyos.​—5/1, pahina 30-1.

• Nang manata si Jepte, handa ba siyang literal na ihandog sa Diyos ang kaniyang anak na babae bilang handog na sinusunog?

Hindi. Ang ibig sabihin ni Jepte ay itatalaga niya sa pantanging paglilingkod sa Diyos ang isa na sasalubong sa kaniya, na isang kaayusan sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (1 Samuel 2:22) Kasuwato ng panata ng kaniyang ama, patuloy na naglingkod sa tabernakulo ang anak na babae ni Jepte, na isang napakalaking sakripisyo sapagkat nangangahulugan ito na hindi na siya mag-aasawa.​—5/15, pahina 9-10.

• Ano ang naging papel ng codex sa sinaunang Kristiyanismo?

Lumilitaw na mas ginagamit ng mga Kristiyano ang rolyo, o balumbon, hanggang noong mga dulo ng unang siglo C.E. Nang sumunod na siglo, ang mga gumagamit ng codex at ng balumbon ay nagtatalo kung alin sa dalawa ang mas mabuting gamitin. Naniniwala ang mga eksperto na dahil madalas gamitin ng mga Kristiyano ang codex, naging mas pangkaraniwan ang paggamit nito.​—6/1, pahina 14-15.

• Ano ang Kalendaryong Gezer?

Ito ay isang maliit na tapyas ng batong-apog na natuklasan noong 1908 sa lunsod ng Gezer. Marami ang nag-iisip na isinulat ito ng isang batang mag-aarál sa isang tapyas bilang kaniyang takdang-aralin. Nakasaad sa tapyas ang pinasimpleng bersiyon ng isang kalendaryo ng pagsasaka, pasimula sa pagtitipon ng ani sa buwan na tumatapat sa Setyembre/Oktubre, at binabanggit dito ang iba’t ibang pananim at mga gawain sa bukid.​—6/15, pahina 8.

• Ano ang ibig sabihin ng pagkakasala laban sa banal na espiritu?

Posibleng magkasala ang isa laban sa banal na espiritu ni Jehova, isang di-mapatatawad na kasalanan. (Mateo 12:31) Ang Diyos ang magpapasiya kung nakagawa tayo ng di-mapatatawad na kasalanan, at maaari niyang alisin sa atin ang kaniyang espiritu. (Awit 51:11) Kung lubha tayong napipighati sa nagawa nating kasalanan, malamang na tunay ang ating pagsisisi at samakatuwid ay hindi nagkasala laban sa espiritu.​—7/15, pahina 16-17.

• Yamang kilala na ni Haring Saul si David, bakit pa ito nagtanong kung kaninong anak si David? (1 Samuel 16:22; 17:58)

Hindi lamang sa pangalan ng ama ni David interesado si Saul. Dahil nakita niya na si David ay may malaking pananampalataya at lakas ng loob at napabagsak nito si Goliat, gustong malaman ni Saul kung anong uri ng tao ang nagpalaki sa batang ito. Iniisip marahil ni Saul na isama rin sa kaniyang hukbo si Jesse o ang iba pang kapamilya nito.​—8/1, pahina 31.