Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kasiya-siya at Maligayang Buhay ng Kusang-Loob na Pagsasakripisyo

Isang Kasiya-siya at Maligayang Buhay ng Kusang-Loob na Pagsasakripisyo

Isang Kasiya-siya at Maligayang Buhay ng Kusang-Loob na Pagsasakripisyo

AYON SA SALAYSAY NINA MARIAN AT ROSA SZUMIGA

“May pagkukusang-loob akong maghahain sa iyo,” ang sabi ng Awit 54:6. Ito ang naging tema sa buhay ni Marian Szumiga at ng kaniyang asawa, si Rosa, na nakatira sa Pransiya. Inilahad nila kamakailan ang ilan sa tampok na mga bahagi ng kanilang mahaba at kasiya-siyang buhay sa paglilingkod kay Jehova.

MARIAN: Mga Romano Katolikong dayuhan mula sa Poland ang aking mga magulang. Hindi nagkaroon si Itay ng pagkakataong makapag-aral. Gayunman, noong panahon ng unang digmaang pandaigdig, natuto siyang bumasa at sumulat bilang isang sundalo sa mga trinsera. Si Itay ay isang taong may takot sa Diyos, subalit madalas na hindi siya nasisiyahan sa simbahan.

Isang partikular na insidente ang hindi niya makalimutan. Isang araw noong panahon ng digmaan, dinalaw ng isang kapelyan ang yunit ni Itay. Nang sumabog ang isang bala ng kanyon sa kalapit na lugar, tumakas ang pari dahil sa matinding takot, anupat hinahampas ng isang krusipiho ang kaniyang kabayo upang patakbuhin ito. Nagitla si Itay na ginamit ng isang “kinatawan” ng Diyos ang isang “banal” na bagay upang madaliin ang kaniyang pagtakas. Sa kabila ng gayong mga karanasan at mga kakilabutan ng digmaan na nasaksihan niya, hindi nanghina ang pananampalataya ni Itay sa Diyos. Madalas niyang pinapupurihan ang Diyos sa kaniyang ligtas na pag-uwi mula sa digmaan.

“Munting Poland”

Noong 1911, napangasawa ng tatay ko ang isang babae mula sa kalapit na nayon. Anna Cisowski ang pangalan niya. Di-nagtagal pagkatapos ng digmaan, noong 1919, sina Itay at Inay ay nandayuhan mula sa Poland patungong Pransiya kung saan nakasumpong ng trabaho si Itay bilang isang minero ng karbon. Isinilang ako noong Marso 1926 sa Cagnac-les-Mines, sa timog-kanluran ng Pransiya. Pagkatapos, nanirahan ang mga magulang ko sa pamayanang Polako sa Loos-en-Gohelle, malapit sa Lens sa hilagang Pransiya. Polako ang panadero, Polako ang magkakarne, at Polako ang pari sa parokya. Hindi kataka-taka, ang lugar na ito ay tinawag na Munting Poland. Napakaabala ng mga magulang ko sa mga gawain sa pamayanan. Madalas mag-organisa si Itay ng mga palabas na kinabibilangan ng dula, musika, at awitan. Regular din siyang nakikipag-usap sa pari, subalit hindi siya nasisiyahan kapag karaniwang sumasagot ang pari, “Maraming misteryo.”

Isang araw noong 1930, dalawang babae ang kumatok sa aming pinto. Sila’y mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Kumuha ang tatay ko sa kanila ng Bibliya, isang aklat na matagal na niyang gustong mabasa. Buong-pananabik nilang binasa ni Inay ang mga publikasyong salig sa Bibliya na iniwan ng mga babae. Lubhang naantig ang aking mga magulang sa nabasa nila sa mga publikasyong ito. Sa kabila ng kanilang abalang buhay, nagsimulang dumalo ang aking mga magulang sa mga pulong na isinaayos ng mga Estudyante ng Bibliya. Lalong naging kontrobersiyal ang pakikipagtalakayan nila sa pari hanggang sa isang araw ay nagbanta ito na kung magpapatuloy ang aking mga magulang sa pakikisama sa mga Estudyante ng Bibliya, paaalisin sa katesismo ang aking ate na si Stéphanie. “Huwag na kayong mag-alala,” ang tugon ni Itay. “Mula ngayon, ang aking anak na babae at ang iba ko pang mga anak ay sasama na sa amin sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya.” Kumalas si Itay mula sa simbahan, at noong mga unang buwan ng 1932, nabautismuhan ang aking mga magulang. Nang panahong iyon, mayroon lamang mga 800 mamamahayag ng Kaharian sa Pransiya.

Rosa: Mula sa Hungary ang aking mga magulang at, gaya ng pamilya ni Marian, nanirahan sila sa hilaga ng Pransiya upang magtrabaho sa minahan ng karbon. Isinilang ako noong 1925. Noong 1937, isa sa mga Saksi ni Jehova, si Auguste Beugin, o Papa Auguste gaya ng tawag namin sa kaniya, ay nagsimulang magdala sa aking mga magulang ng Ang Bantayan sa wikang Hungaryo. Nasumpungan nilang kawili-wili ang mga magasin, subalit walang isa man sa kanila ang naging Saksi ni Jehova.

Bagaman bata pa ako, naantig ang puso ko sa aking nabasa sa Ang Bantayan, at nagpakita ng personal na interes sa akin ang manugang na babae ni Papa Auguste, si Suzanne Beugin. Pumayag ang mga magulang ko na isama niya ako sa mga pulong. Nang maglaon, nang magsimula akong magtrabaho, nakayamot sa tatay ko ang pagdalo ko sa pulong kung Linggo. Bagaman mabait naman siya, nagreklamo siya, “Wala ka na nga rito mula Lunes hanggang Sabado, at nagpupunta ka pa sa inyong mga pulong kung Linggo!” Gayunman, patuloy pa rin akong dumalo. Kaya isang araw, sinabi ng tatay ko, “Magbalut-balot ka na at lumayas ka!” Gabing-gabi na noon. Ako’y 17 taóng gulang lamang, at wala akong mapuntahan. Nagpunta ako sa bahay ni Suzanne at iyak ako nang iyak. Nanatili ako kina Suzanne nang mga isang linggo bago ako ipinasundo ni Itay sa ate ko upang umuwi sa bahay. Likas akong mahiyain, subalit nakatulong sa akin ang kaisipang ipinahayag sa 1 Juan 4:18 na manindigang matatag. Binabanggit ng kasulatang iyon na “itinataboy ng sakdal na pag-ibig ang takot.” Noong 1942, nabautismuhan ako.

Isang Mahalagang Espirituwal na Mana

Marian: Nabautismuhan ako noong 1942, kasama ng aking mga ate na sina Stéphanie at Mélanie at ng aking kuya na si Stéphane. Sa tahanan, ang buhay ng aming pamilya ay nakasentro sa Salita ng Diyos. Habang nakaupo kami sa palibot ng mesa, babasahin sa amin ni Itay ang Bibliya sa wikang Polako. Ang aming mga gabi ay kadalasang ginugugol sa pakikinig sa aming mga magulang habang inilalahad nila ang kanilang mga karanasan sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang nakapagpapatibay na espirituwal na mga sandaling ito ay nagturo sa amin na ibigin si Jehova at higit pang magtiwala sa kaniya. Napilitang huminto sa trabaho ang aking tatay dahil sa karamdaman, subalit nagpatuloy siya sa pangangalaga sa amin sa espirituwal at materyal na paraan.

Yamang may ekstrang panahon na ngayon si Itay, nagdaraos siya ng isang pag-aaral sa Bibliya sa wikang Polako sa mga kabataan sa aming kongregasyon minsan sa isang linggo. Doon ako natutong bumasa ng wikang Polako. Pinasigla rin ni Itay ang mga kabataan sa iba pang paraan. Minsan nang dumalaw sa aming kongregasyon si Brother Gustave Zopfer, na nangangasiwa noon sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya, inorganisa ni Itay ang isang koro at isang drama sa Bibliya na may kostiyum pa tungkol sa piging ni Haring Belsasar at sa sulat-kamay sa pader. (Daniel 5:1-31) Ang papel ni Daniel ay ginampanan ni Louis Piéchota, na nang maglaon ay nanindigang matatag laban sa mga Nazi. * Sa ganitong uri ng kapaligiran kami lumaki. Napansin namin na ang aming mga magulang ay laging abala sa espirituwal na mga bagay. Sa ngayon, natanto ko kung gaano kahalagang pamana ang iniwan sa amin ng aking mga magulang.

Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, ipinagbawal ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Noong minsan, sinaliksik ang aming nayon. Pinalibutan ng mga sundalong Aleman ang lahat ng mga bahay. Gumawa si Itay ng isang nakatagong sahig sa ilalim ng isang aparador, at itinago namin ang iba’t ibang mga publikasyon sa Bibliya sa ilalim ng sahig na iyon. Gayunman, nasa istante ng mga pinggan ang ilang kopya ng buklet na Fascism or Freedom. Dali-daling itinago ni Itay ang mga ito sa bulsa ng isang diyaket na nakasabit sa pasilyo. Hinalughog ng dalawang sundalo at isang pulis na Pranses ang aming bahay. Halos hindi kami humihinga. Sinimulang halughugin ng isa sa mga sundalo ang mga damit na nakasabit sa pasilyo, at di-nagtagal pagkatapos niyan ay pumasok siya, na hawak-hawak ang mga buklet, sa kusina kung saan kami naroroon. Tumitig siya sa amin, inilagay ang mga buklet sa mesa, at nagpatuloy sa paghahalughog sa ibang dako. Agad kong dinampot ang mga buklet at inilagay ang mga ito sa drower na nahalughog na ng mga sundalo. Hinding-hindi na tinanong ng sundalo ang mga buklet​—na para bang lubusan niyang nakalimutan ang tungkol dito!

Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod

Noong 1948, nagpasiya akong maglingkod kay Jehova nang buong panahon bilang payunir. Pagkalipas ng ilang araw, tumanggap ako ng isang liham mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Nilalaman ng liham ang isang atas para sa akin na maglingkod bilang isang payunir sa kongregasyon ng Sedan, malapit sa Belgium. Tuwang-tuwa ang aking mga magulang na makita akong itinataguyod ang paglilingkod kay Jehova sa gayong paraan. Gayunpaman, binanggit ni Itay na hindi madali ang pagpapayunir. Ito’y magiging puspusang paggawa. Gayunman, sinabi niya na ang kaniyang bahay ay laging bukás sa akin at na maaasahan ko ang tulong niya kung magkaproblema ako. Bagaman walang gaanong salapi ang aking mga magulang, binilhan nila ako ng isang bagong bisikleta. Nasa akin pa rin ang resibo ng bisikletang iyon, at kapag tinitingnan ko ito, naluluha ako. Namatay sina Itay at Inay noong 1961, subalit nagugunita ko pa rin ang matalinong pananalita ni Itay; pinatibay at inaliw ako nito sa mga taon ng aking paglilingkod.

Isa pang pinagmumulan ng pampatibay-loob ang 75-taóng-gulang na Kristiyanong sister sa kongregasyon ng Sedan na nagngangalang Elise Motte. Sa tag-araw, nagbibisikleta ako patungo sa malalayong nayon upang mangaral, at si Elise naman ay sumasakay ng tren upang samahan ako sa pangangaral. Subalit isang araw, nagwelga ang mga inhinyero ng tren, at hindi makauwi si Elise. Ang tanging solusyon na naiisip ko ay isakay siya sa likod ng aking bisikleta at iuwi siya​—hindi isang komportableng paraan ng pagsakay. Kinabukasan, nagdala ako ng kutson at sinundo ko si Elise sa kaniyang tahanan. Hindi na siya sumasakay sa tren, at sa perang natitipid niya, nakabibili siya ng mainit na inumin para sa amin sa tanghali. Sino ang mag-aakalang ang aking bisikleta ay magsisilbing isang pampublikong transportasyon?

Karagdagang mga Pananagutan

Noong 1950, hinilingan akong maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa buong hilagang bahagi ng Pransiya. Palibhasa’y 23 taóng gulang lamang, pangamba ang unang reaksiyon ko. Naisip kong baka nagkamali ang tanggapang pansangay! Maraming tanong sa isip ko: ‘Kuwalipikado kaya ako kapuwa sa espirituwal at pisikal? Paano ko makakaya ang iba’t ibang tuluyan sa bawat linggo?’ Isa pa, banlag na ako mula noong ako’y anim na taóng gulang. Lagi akong nahihiya dahil dito, anupat nag-aalala kung ano ang magiging reaksiyon ng iba. Mabuti na lamang, lubhang nakatulong sa akin nang panahong iyon si Stefan Behunick, isa na nagtapos sa paaralang Gilead para sa mga misyonero. Napalayas si Brother Behunick sa Poland dahil sa kaniyang gawaing pangangaral at naatasang muli sa Pransiya. Talagang humanga ako sa kaniyang lakas ng loob. Mayroon siyang taimtim na paggalang kay Jehova at sa katotohanan. Inakala ng ilan na istrikto siya sa akin, subalit marami akong natutuhan sa kaniya. Ang kaniyang lakas ng loob ay nakatulong sa akin na magkaroon ng higit na kumpiyansa.

Nagtamasa ako ng ilang kamangha-manghang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan bilang tagapangasiwa ng sirkito. Noong 1953, hinilingan akong dalawin si Ginoong Paoli, nakatira sa timog ng Paris at isang suskritor ng Ang Bantayan. Nagkita kami, at nalaman kong nagretiro na pala siya sa hukbo at nasumpungan niyang kawili-wiling basahin Ang Bantayan. Sinabi niya sa akin na pagkatapos niyang basahin ang isang artikulo tungkol sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa isang kamakailang isyu, ipinagdiwang niyang mag-isa ang Memoryal at ginugol ang natitirang bahagi ng gabi sa pagbabasa ng Mga Awit. Ang aming pag-uusap ay tumagal nang halos buong hapon. Bago ako umalis, napag-usapan din namin sandali ang tungkol sa bautismo. Nang maglaon ay pinadalhan ko siya ng isang imbitasyon na dumalo sa aming pansirkitong asamblea, na gaganapin maaga noong 1954. Dumating siya, at kabilang sa 26 kataong nabautismuhan sa asambleang iyon si Brother Paoli. Nagdudulot pa rin sa akin ng kagalakan ang mga karanasang gaya nito.

Rosa: Noong Oktubre 1948, nagsimula akong maglingkod bilang payunir. Pagkatapos maglingkod sa Anor, malapit sa Belgium, naatasan ako sa Paris, kasama ng isa pang payunir, si Irène Kolanski (Leroy na ngayon). Tumira kami sa isang maliit na silid sa Saint-Germain-des-Près sa sentro ng lunsod. Palibhasa’y isang probinsiyana, hangang-hanga ako sa mga taga-Paris. Inisip ko na silang lahat ay maraming nalalaman at lubhang matatalino. Subalit di-nagtagal, natutuhan ko mula sa pangangaral sa kanila na kapareho rin sila ng ibang mga tao. Madalas na itinataboy kami ng mga mayordomo, at mahirap magsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Magkagayon man, tinanggap ng ilang tao ang aming mensahe.

Sa isang pansirkitong asamblea noong 1951, kami ni Irène ay kinapanayam tungkol sa aming paglilingkod bilang payunir. Hulaan mo kung sino ang tagapanayam? Ang bata pang tagapangasiwa ng sirkito na nagngangalang Marian Szumiga. Nagkakilala na kami noon, subalit pagkatapos ng asambleang iyon, nagsulatan na kami. Magkatulad kami ni Marian sa maraming bagay, pati sa bagay na kami’y nabautismuhan sa parehong taon at naging mga payunir sa parehong taon. Gayunman, ang pinakamahalaga ay nais naming dalawa na manatili sa buong-panahong paglilingkod. Kaya pagkatapos na isaalang-alang ito sa panalangin, nagpakasal kami noong Hulyo 31, 1956. Sa hakbang na iyon, isang bagong paraan ng pamumuhay ang nagsimula para sa akin. Kailangan kong masanay hindi lamang sa pagiging isang asawa kundi sa pagsama rin naman kay Marian sa gawaing pansirkito, na nangangahulugan ng pagtira sa iba’t ibang tahanan sa bawat linggo. Noong una, napakahirap nito, subalit nakagagalak na mga karanasan ang naghihintay sa amin.

Isang Kasiya-siyang Buhay

Marian: Sa paglipas ng mga taon, nagkapribilehiyo kami na tumulong sa paghahanda ng ilang kombensiyon. Tuwang-tuwa akong maalaala lalo na ang isa na idinaos noong 1966, sa Bordeaux. Nang panahong iyon, bawal ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Portugal. Kaya ang programa sa asamblea ay iniharap din sa Portuges para sa kapakinabangan ng mga Saksing naglakbay patungong Pransiya. Daan-daan sa ating mga kapatid na Kristiyano mula sa Portugal ang dumating, subalit ang problema ay kung saan sila patutuluyin. Yamang walang sapat na silid sa kanilang mga tahanan ang mga Saksi sa Bordeaux, inupahan namin ang isang bakanteng sinehan para gamiting dormitoryo. Inalis namin ang lahat ng mga upuan, at ginamit namin ang telon ng entablado upang gawing dalawang dormitoryo ang bulwagan, isa para sa mga kapatid na lalaki at ang isa naman ay para sa mga kapatid na babae. Naglagay rin kami ng mga paliguan at lababo, ng dayami sa sahig na semento, at tinakpan ito ng mga sapin na kambas. Ang lahat ay nasiyahan sa kaayusang ito.

Pagkatapos ng mga sesyon sa kombensiyon, dinalaw namin ang mga kapatid sa dormitoryo. Napakaganda ng kapaligiran. Napatibay kami sa kanilang mga karanasan sa kabila ng pagbabata nila sa maraming taon ng pagsalansang! Pag-alis nila pagkatapos ng asamblea, naiyak kaming lahat.

Dumating ang isa pang pribilehiyo dalawang taon bago nito, noong 1964, nang ako’y hilingang maglingkod bilang tagapangasiwa ng distrito. Nag-alinlangan ako minsan pa kung kuwalipikado ako sa atas na ito. Subalit sinabi ko sa aking sarili na kung hinihilingan ako ng mga nag-aatas na tanggapin ko ito, maliwanag na iniisip nilang kaya kong pangasiwaan ito. Isang magandang karanasan ang maglingkod na kasama ng iba pang naglalakbay na mga tagapangasiwa. Marami akong natutuhan sa kanila. Marami sa kanila ang buháy na mga halimbawa ng pagtitiis at pagtitiyaga, mga katangiang mahalaga sa paningin ni Jehova. Naunawaan ko na kung tayo’y matututong maghintay, pagpapalain tayo ni Jehova.

Noong 1982, hinilingan kami ng tanggapang pansangay na pangalagaan ang isang maliit na grupo ng 12 mamamahayag na Polako sa Boulogne-Billancourt, sa labas ng Paris. Isang sorpresa iyan. Alam ko ang teokratikong mga salita sa wikang Polako, subalit nahihirapan akong bumuo ng mga pangungusap. Gayunman, nakatulong sa akin nang malaki ang kabaitan at kusang pakikipagtulungan ng mga kapatid na iyon. Sa ngayon, mayroon nang 170 mamamahayag sa kongregasyong iyon, kabilang na ang halos 60 payunir. Nang maglaon, dinalaw rin namin ni Rosa ang mga grupo at kongregasyong Polako sa Alemanya, Austria, at Denmark.

Nagbagong mga Kalagayan

Naging buhay na namin ang dumalaw sa iba’t ibang kongregasyon, subalit dahil sa aking humihinang kalusugan, kailangan kaming huminto bilang naglalakbay na tagapangasiwa noong 2001. Nakasumpong kami ng isang apartment sa bayan ng Pithiviers, kung saan nakatira ang kapatid kong si Ruth. May-kabaitang inatasan kami ng tanggapang pansangay bilang mga special pioneer na ang kahilingang oras ay angkop sa aming kalagayan.

Rosa: Napakahirap para sa akin ang unang taon pagkatapos naming huminto sa gawaing pansirkito. Napakalaki ng pagbabago anupat nadama kong para akong walang silbi. Pagkatapos ay ipinaalaala ko sa aking sarili, ‘Mabisa mo pa ring magagamit ang iyong panahon at natitirang lakas sa paglilingkod bilang isang payunir.’ Sa ngayon, maligaya akong gumagawang kasama ng ibang mga payunir sa aming kongregasyon.

Lagi Kaming Pinangangalagaan ni Jehova

Marian: Lubos akong nagpapasalamat kay Jehova na si Rosa ang naging kasama ko sa nakalipas na 48 taon. Sa mga panahong iyon sa gawain bilang naglalakbay na tagapangasiwa, naging malaking tulong siya sa akin. Ni minsan ay hindi ko siya narinig na nagsabi, ‘Sana’y huminto na tayo sa gawain bilang naglalakbay na tagapangasiwa at magkaroon ng sarili nating tahanan.’

Rosa: Kung minsan ay may magsasabi sa akin, “Hindi normal ang inyong buhay. Lagi kayong nakikitira sa iba.” Subalit ano nga ba ang ‘normal na buhay?’ Kadalasan, pinalilibutan natin ang ating mga sarili ng napakaraming bagay na maaaring maging hadlang sa ating pagtataguyod ng espirituwal na mga gawain. Ang talagang kailangan lamang natin ay isang komportableng kama, isang mesa, at ilang mahahalagang pangangailangan sa buhay. Bilang mga payunir, kakaunti ang taglay namin sa materyal na paraan, subalit mayroon kami ng lahat ng bagay na kailangan namin upang gawin ang kalooban ni Jehova. Kung minsan ay tinatanong ako, “Ano ang gagawin mo pagtanda mo at wala kang sariling bahay at walang pensiyon?” Pagkatapos ay sisipiin ko ang pananalita ng Awit 34:10: “Yaong mga humahanap kay Jehova, hindi sila kukulangin ng anumang bagay na mabuti.” Lagi kaming pinangangalagaan ni Jehova.

Marian: Totoo iyan! Sa katunayan, higit pa sa kinakailangan namin ang ibinigay sa amin ni Jehova. Halimbawa, noong 1958, napili ako upang kumatawan sa aming sirkito sa internasyonal na kombensiyon sa New York. Gayunman, wala kaming pera upang bumili ng tiket para kay Rosa. Isang gabi, iniabot sa amin ng isang brother ang isang sobre na may nakasulat ditong “New York.” Ang nakapaloob na regalo ay nagpangyari kay Rosa na maglakbay na kasama ko!

Hinding-hindi namin pinagsisihan ni Rosa ang aming mga taon ng paglilingkod kay Jehova. Walang nawala sa amin kundi nagtamo pa kami ng lahat ng bagay​—isang kasiya-siya at maligayang buhay sa buong-panahong paglilingkod. Isa ngang kamangha-manghang Diyos si Jehova. Natutuhan naming lubusang magtiwala sa kaniya, at tumindi ang aming pag-ibig sa kaniya. Ang ilan sa ating mga kapatid na Kristiyano ay nagbuwis ng buhay nila dahil sa kanilang katapatan. Gayunman, naniniwala ako na sa paglipas ng panahon, maaari ring isakripisyo ng isang tao ang kaniyang buhay araw-araw sa paglilingkod kay Jehova. Ganiyan nga ang sinisikap naming gawin ni Rosa hanggang sa ngayon, at iyan ang determinado naming gawin sa hinaharap.

[Talababa]

^ par. 14 Ang talambuhay ni Louis Piéchota, “Ako’y Nakaligtas sa ‘Death March,’” ay inilathala sa Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1981.

[Larawan sa pahina 20]

Sina François at Anna Szumiga at ang kanilang mga anak, sina Stéphanie, Stéphane, Mélanie, at Marian noong mga 1930. Si Marian ang nakatayo sa bangkô

[Larawan sa pahina 22]

Itaas: Pag-aalok ng mga publikasyon sa Bibliya sa isang puwesto sa palengke sa Armentières, hilagang Pransiya, noong 1950

[Larawan sa pahina 22]

Kaliwa: Si Stefan Behunick kasama si Marian noong 1950

[Larawan sa pahina 23]

Si Rosa (nasa dulo sa kaliwa) kasama ang kaniyang kaparehang payunir na si Irène (ikaapat mula sa kaliwa), na inaanunsiyo ang isang asamblea noong 1951

[Larawan sa pahina 23]

Sina Marian at Rosa isang araw bago ang kanilang kasal

[Larawan sa pahina 23]

Bisikleta ang pangunahing transportasyon kapag dumadalaw sa sirkito