Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paniniwala sa Isang Diyos na Maaaring Hindi Natin Kilala

Paniniwala sa Isang Diyos na Maaaring Hindi Natin Kilala

Paniniwala sa Isang Diyos na Maaaring Hindi Natin Kilala

DALAWA sa tatlo katao sa Alemanya ang naniniwala sa Diyos. Gayunman, nang hilingan ang mahigit sa isang libo katao na ilarawan ang Diyos na kanilang pinaniniwalaan, halos lahat ay nagkakaiba ng sagot. “May kani-kaniyang ideya ang mga Aleman hinggil sa Diyos anupat sari-sari ito na katulad ng mga tao mismo,” ang ulat ng magasing pambalita na FOCUS. Bagaman kapuri-puri ang maniwala sa Diyos, hindi ba nakalulungkot isipin na maniniwala ka sa kaniya nang hindi man lamang nalalaman kung anong uri siya ng Diyos?

Ang kawalang-katiyakang ito hinggil sa katangian o persona ng Diyos ay hindi lamang nangyayari sa Alemanya; nagaganap din ito sa ibang lugar sa Europa. Isiniwalat ng isang surbey sa Austria, Britanya, at Netherlands na marami ang sumasang-ayon na ang Diyos ay “isang nakatataas na kapangyarihan o di-mailarawang lihim.” Isa siyang misteryo lalo na sa mga kabataan, maging sa mga naniniwala sa kaniya.

Personal Mo Bang Kilala ang Diyos?

Malaki ang pagkakaiba ng basta kilala mo ang isa at personal mo siyang kilala. Ang basta pagkakilala sa isa​—isang di-malapitang monarka, napakahusay na atleta, o artista sa pelikula​—ay paniniwala lamang na umiiral siya. Subalit ang personal na pagkakilala sa isa ay nangangahulugan ng higit pa riyan. Nasasangkot dito ang pagiging pamilyar sa ugali, paggawi, damdamin, mga gusto at di-gusto, at mga plano sa hinaharap ng personang iyon. Ang personal na pagkakilala sa isa ay nagbubukas ng daan upang magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa kaniya.

Daan-daang libong indibiduwal ang nagpasiya na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng malabong pagkaunawa tungkol sa Diyos​—o basta pagkakilala sa kaniya. Higit pa rito ang ginagawa nila sa pamamagitan ng mas matalik na pagkilala sa Diyos. Nasumpungan ba nilang sulit ito? Isang lalaking nagngangalang Paul, na naninirahan sa hilagang Alemanya at dating may pangkalahatang paniniwala sa Diyos, ang nagpasiya na higit pa Siyang kilalanin nang personal. Ganito ang paliwanag ni Paul: “Kinakailangang gumugol ng panahon at pagsisikap upang makilala nang husto ang Diyos, ngunit talagang sulit naman ito. Mas bumuti ang aking buhay sa araw-araw dahil sa pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Maylalang.”

Sulit ba ang panahon at pagsisikap na kinakailangan upang higit na makilala ang Diyos? Pakisuyong basahin ang susunod na artikulo.

[Blurb sa pahina 3]

Malaki ang pagkakaiba ng basta kilala mo ang isa at personal mo siyang kilala