Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova—Isang Diyos na Karapat-dapat Makilala

Si Jehova—Isang Diyos na Karapat-dapat Makilala

 Si Jehova​—Isang Diyos na Karapat-dapat Makilala

HINDI kaya napalalampas mo ang isang mahalagang bagay sa buhay? Kung kaunti lamang ang iyong nalalaman hinggil sa Diyos, tiyak na gayon nga ang nagagawa mo. Bakit? Sapagkat gaya ng natuklasan ng milyun-milyong tao, ang pagkakilala sa Diyos ng Bibliya ay nagdudulot ng malalaking pakinabang sa buhay. Kaagad na natatamasa ang mga pakinabang na ito at nagtatagal ito hanggang sa hinaharap.

Nais ng Diyos na Jehova, ang Awtor ng Bibliya, na makilala natin siya. Sumulat ang salmista: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Batid niya na para sa ating ikabubuti ang makilala natin siya. “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.” Paano tayo nakikinabang sa pagkakilala sa Diyos na Jehova, ang Kataas-taasan?​—Awit 83:18; Isaias 48:17.

Ang isang tunay na pakinabang ay nagkakaroon tayo ng patnubay sa pagharap sa mga problema sa araw-araw, ng matatag na pag-asa sa hinaharap, at ng kapayapaan ng isip. Karagdagan pa, ang lubos na pagkakilala kay Jehova ay nagpapakilos sa atin na linangin ang isang naiibang saloobin sa pinakamahahalagang isyu na napapaharap sa mga tao sa buong daigdig sa ngayon. Ano ang mga isyung iyon?

May Layunin Ba ang Iyong Buhay?

Sa kabila ng kamangha-manghang pagsulong ng sangkatauhan sa teknolohiya, ibinabangon pa rin ng mga indibiduwal sa ngayon ang iyon at iyon ding mahahalagang tanong: ‘Bakit ako naririto? Saan ako patungo? Ano ba ang layunin ng buhay?’ Kung hindi matatamo ng isang tao ang kasiya-siyang mga sagot dito, ang kaniyang buhay ay magiging walang kabuluhan. Napapansin ba ng maraming tao ang kakulangang ito? Isiniwalat ng isang surbey na isinagawa sa Alemanya noong huling mga taon ng dekada ng 1990 na kalahati sa bilang ng mga tumugon ang madalas o paminsan-minsan ay nakadarama na waring walang layunin ang buhay. Marahil ay ganiyan din ang kalagayan sa lugar ninyo.

Kapag walang layunin ang buhay, ang isang indibiduwal ay walang gaanong saligan na pagbabatayan ng kaniyang personal na mga tunguhin. Pinupunan ng marami ang kakulangang ito sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang matagumpay na karera o pagkakamal ng kayamanan. Gayunman, maaaring magpatuloy ang kakulangang ito. Ang kawalan ng layunin sa buhay ay nakababagabag sa ilan hanggang sa punto na ayaw na nilang mabuhay. Ganiyan ang naranasan ng isang magandang kabataang babae na, ayon sa International Herald Tribune, ay pinalaki “sa loob ng isang napakayaman at makapangyarihang kapaligiran.” Bagaman namuhay siya nang marangya, hindi siya masaya at nadama niyang walang patutunguhan ang kaniyang buhay. Uminom siya ng maraming sleeping pill at nasumpungan siyang patay. Maaaring may iba ka pang mga kakilala na hindi masaya at namatay sa kalunus-lunos na paraan.

Subalit, narinig mo na bang inaangkin ng mga tao na maipaliliwanag sa atin ng siyensiya ang lahat ng bagay tungkol sa buhay? Ganito ang sabi ng lingguhang pahayagan sa Alemanya na Die Woche: “Bagaman totoo ang siyensiya, mahina ito sa espirituwal. Ang hindi ganap na teoriya ng ebolusyon,  at maging ng quantum physics, lakip na ang lahat ng di-tiyak na mga paliwanag nito, ay walang maibibigay na kaaliwan at katiwasayan.” Maraming nagawa ang mga tuklas sa siyensiya upang ilarawan ang buhay sa iba’t ibang anyo nito at ipaliwanag ang likas na mga siklo at proseso na nagpapanatili sa buhay. Gayunman, hindi kayang ipaliwanag sa atin ng siyensiya kung bakit tayo naririto at kung saan tayo patungo. Kung aasa lamang tayo sa siyensiya, hindi masasagot ang ating mga tanong hinggil sa layunin ng buhay. Ang resulta ay gaya ng iniulat ng pahayagang Süddeutsche Zeitung, “isang laganap na pangangailangan ukol sa patnubay.”

Sino pa nga ba ang nasa mas mabuting kalagayan upang magbigay ng gayong patnubay kundi ang Maylalang? Yamang sa simula’t sapol ay siya naman ang naglagay ng mga tao sa lupa, tiyak na alam niya kung bakit sila naririto. Ipinaliliwanag ng Bibliya na nilalang ni Jehova ang mga tao upang sila ay magparami sa lupa at alagaan ito bilang mga katiwala nito. Sa lahat ng kanilang gawain, ipamamalas ng mga tao ang kaniyang mga katangian, gaya ng katarungan, karunungan, at pag-ibig. Kapag naunawaan natin ang dahilan kung bakit tayo nilalang ni Jehova, alam na natin kung bakit tayo naririto.​—Genesis 1:26-28.

Ano ang Maaari Mong Gawin?

Paano kung hindi mo pa nasusumpungan ang kasiya-siyang mga sagot sa mga tanong na: ‘Bakit ako naririto? Saan ako patungo? Ano ba ang layunin ng buhay?’ Inirerekomenda ng Bibliya na kilalanin mo nang higit si Jehova. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Pinasisigla ka ring maglinang ng makadiyos na mga katangian, lalo na ng pag-ibig, at gawin mong personal na tunguhing mabuhay sa ilalim ng pamamahala ng dumarating na Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Kung gayon ay magkakaroon ka ng layunin sa buhay at isang kasiya-siya at tiyak na pag-asa sa hinaharap. Ang mahahalagang tanong na hanggang ngayon ay bumabagabag sa iyo ay malamang na masasagot.​—Juan 17:3; Eclesiastes 12:13.

Gaano ba kalaki ang epekto nito sa iyong buhay? Alam ni Hans ang sagot. * Noong nakalipas na mga taon, siya ay may malabong paniniwala sa Diyos, ngunit ang pananampalataya ni Hans ay walang epekto sa kaniyang buhay. Nasisiyahan si Hans sa droga, imoral na mga babae, paggawa ng maliliit na krimen, at mga motorsiklo. “Ngunit walang kabuluhan ang buhay at hindi talaga kasiya-siya,” ang paliwanag niya. Noong siya ay mga 25 taóng gulang, nagpasiya si Hans na makilala ang Diyos nang personal sa pamamagitan ng maingat na pagbabasa ng Bibliya. Nang higit niyang makilala si Jehova at maunawaan ang layunin ng buhay, binago ni Hans ang kaniyang istilo ng pamumuhay at nagpabautismo bilang isang Saksi ni Jehova. Siya ay sampung taon na ngayong nasa buong-panahong ministeryo. Tuwiran niyang sinabi: “Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay. Wala nang iba pang maihahambing dito. Ang pagkakilala ko kay Jehova ay nagbigay sa akin ng layunin sa buhay.”

Siyempre pa, hindi lamang ang layunin ng buhay ang isyung ikinababahala ng marami. Habang lumalala ang mga kalagayan sa daigdig, parami nang paraming tao ang nababahala sa isa pang mahalagang isyu.

Bakit Ito Nangyari?

Kapag sumapit ang mahirap na kalagayan, madalas na iniisip ng biktima ang iisang tanong: Bakit ito nangyari? Ang kakayahang harapin ito ng damdamin ay nakasalalay nang malaki sa pagtatamo ng tamang sagot sa tanong na iyan. Kung walang matatamong kasiya-siyang sagot, magpapatuloy ang pagdurusa at maaaring maghinanakit ang biktima. Kuning halimbawa ang karanasan ni Bruni.

“Ilang taon na ang nakalipas nang mamatay ang aking sanggol na babae,” ang paliwanag ni Bruni, na ngayon ay isang ina na nasa katanghaliang gulang. “Naniniwala ako sa Diyos, kaya naghanap ako  ng kaaliwan sa lokal na pari. Sinabi niya sa akin na kinuha ng Diyos si Susanne upang dalhin sa langit, kung saan siya ay anghel na ngayon. Hindi lamang gumuho ang mundo ko nang mamatay siya kundi napoot din ako sa Diyos dahil kinuha Niya siya.” Nagpatuloy ang kirot at pagdurusa ni Bruni sa loob ng ilang taon. “Pagkatapos ay ipinakita sa akin mula sa Bibliya ng isang Saksi ni Jehova na wala akong dahilan upang kapootan ang Diyos. Hindi kinuha ni Jehova si Susanne upang dalhin sa langit, at hindi siya isang anghel. Ang kaniyang karamdaman ay resulta ng di-kasakdalan ng tao. Natutulog sa kamatayan si Susanne, na naghihintay na buhayin siyang muli ni Jehova. Natutuhan ko rin na ginawa Niya ang mga tao upang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa, at malapit na itong magkatotoo. Nang maunawaan ko kung ano talagang uri ng persona si Jehova, lalo akong napalapit sa kaniya, at nagsimulang maibsan ang kirot na nadarama ko.”​—Awit 37:29; Gawa 24:15; Roma 5:12.

Milyun-milyong tao ang naaapektuhan ng mahihirap na kalagayan sa iba’t ibang paraan: personal na trahedya, digmaan, taggutom, o likas na kasakunaan. Naginhawahan si Bruni nang makita niya sa Bibliya na hindi si Jehova ang dapat sisihin sa mahihirap na kalagayan, na hindi niya kailanman nilayon na magdusa ang sangkatauhan, at na malapit na niyang wakasan ang kasamaan. Ang mismong katotohanan na dumarami ang kabalakyutan ay palatandaan na nabubuhay tayo ngayon sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. Ang malaking pagbabagong magdudulot ng mabubuting kalagayan na inaasam-asam natin ay malapit nang maganap.​—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:7, 8.

Pagsisikap na Makilala ang Diyos

Dati ay may malabong pagkaunawa sina Hans at Bruni hinggil sa Diyos. Naniniwala sila sa kaniya bagaman wala silang gaanong nalalaman hinggil sa kaniya. Nang gumugol sila ng panahon upang makilala si Jehova sa tumpak na paraan, ginantimpalaan ang kanilang mga pagsisikap. Nalaman nila ang wastong mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa ating panahon. Ito ay nagbigay sa kanila ng kapayapaan ng isip at tiyak na pag-asa sa hinaharap. Ganiyan din ang naranasan ng milyun-milyong lingkod ni Jehova.

Ang pagsisikap na makilala si Jehova ay nagsisimula sa maingat na pagsusuri sa Bibliya, na nagpapaliwanag sa atin tungkol sa kaniya at sa kaniyang hinihiling sa atin. Ganiyan ang ginawa ng ilan noong unang siglo. Iniulat ng istoryador at manggagamot na si Lucas na “tinanggap [ng mga miyembro ng kongregasyong Judio sa Berea, Gresya] ang salita [mula kina Pablo at Silas] nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.”​—Gawa 17:10, 11.

Nagtipon din nang sama-sama sa mga kongregasyon ang unang-siglong mga Kristiyano. (Gawa 2:41, 42, 46; 1 Corinto 1:1, 2; Galacia 1:1, 2; 2 Tesalonica 1:1) Ganiyan din sa ngayon. Nagtitipong sama-sama ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga pulong na pantanging dinisenyo upang tulungan ang mga indibiduwal na higit na mapalapit kay Jehova at magkaroon ng kagalakan sa paglilingkod sa kaniya. Ang pakikisama sa mga Saksi sa inyong lugar ay may karagdagan pang pakinabang. Yamang unti-unting natutularan ng mga tao ang Diyos na kanilang sinasamba, ipinamamalas ng mga Saksi ni Jehova ang mga katangian​—bagaman sa limitadong paraan​—na ipinakikita mismo ni Jehova. Kaya ang pakikipagtipon kasama ng mga Saksi ay tutulong sa atin na higit pang makilala si Jehova.​—Hebreo 10:24, 25.

Iyan ba ay waring napakalaking pagsisikap upang makilala lamang ang iisang Persona? Talagang kailangan ang pagsisikap. Ngunit hindi ba totoo iyan sa maraming bagay sa buhay na nais mong makamit? Isipin na lamang ang pagsisikap na inilalaan sa pagsasanay ng isang napakahusay na atleta. Halimbawa, ganito ang sabi ni Jean-Claude Killy ng Pransiya, na nanalo ng gintong medalya sa pag-iiski sa Olympics, hinggil sa kung ano ang kailangan upang maging isang matagumpay na atleta sa internasyonal na isports: “Dapat na 10 taon ang kaagahan ng iyong paghahanda at planuhin ito sa loob ng maraming taon at araw-araw itong isipin . . . Ito ay araw-araw na pagpapagal sa bawat taon, sa mental at pisikal na paraan.” Ang lahat ng panahon at pagsisikap na iyan ay ginugugol  para lamang lumaban sa isang karera na maaaring tumagal nang sampung minuto! Lalo pa ngang higit​—at mas nagtatagal​—na pakinabang ang nakasalalay sa pagsisikap na makilala si Jehova.

Isang Ugnayan na Lalong Nagiging Malapít

Sino ang nagnanais na mapalampas ang isang mahalagang bagay sa buhay? Wala. Kung gayon, kung nadarama mong walang tunay na layunin ang buhay o kung nais mong maliwanagan kung bakit sumasapit ang mahihirap na kalagayan, matatag na ipasiya na pagsikapang makilala si Jehova, ang Diyos ng Bibliya. Ang pagkatuto hinggil sa kaniya ay magpapabago nang malaki sa iyong buhay ukol sa ikabubuti, at mamamalagi ito.

Matatapos kaya ang pagkuha natin ng kaalaman tungkol kay Jehova? Yaong mga naglilingkod sa kaniya sa loob ng maraming dekada ay namamangha pa rin sa kanilang nalalaman hinggil sa kaniya at sa mga bagong bagay na patuloy nilang natututuhan tungkol sa kaniya. Nagiging maligaya tayo at lalo tayong napapalapit sa kaniya dahil sa pagtatamo ng gayong mga kaalaman. Nawa’y makiisa tayo sa kaisipan ni apostol Pablo, na sumulat: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan! Sapagkat ‘sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang tagapayo?’ ”​—Roma 11:33, 34.

[Talababa]

^ par. 12 Binago ang mga pangalan.

[Blurb sa pahina 5]

Ibinabangon pa rin ng mga indibiduwal ang iyon at iyon ding mahahalagang tanong: ‘Bakit ako naririto? Saan ako patungo? Ano ba ang layunin ng buhay?’

[Blurb sa pahina 6]

“Nang maunawaan ko kung ano talagang uri ng persona si Jehova, lalo akong napalapit sa kaniya”

[Blurb sa pahina 7]

“Ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay. Wala nang iba pang maihahambing dito. Ang pagkakilala kay Jehova ay nagbigay sa akin ng layunin sa buhay”