Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagtagumpay Laban sa Pag-uusig ng Nazi ang Malalakas-ang-Loob na mga Tagapag-ingat ng Katapatan

Nagtagumpay Laban sa Pag-uusig ng Nazi ang Malalakas-ang-Loob na mga Tagapag-ingat ng Katapatan

Nagtagumpay Laban sa Pag-uusig ng Nazi ang Malalakas-ang-Loob na mga Tagapag-ingat ng Katapatan

“MAGPAKARUNONG ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Isinisiwalat ng magiliw na pagsamong ito na ang matatalinong nilalang ng Diyos ay nakapagpapagalak sa puso ni Jehova dahil sila ay tapat at matapat sa kaniya. (Zefanias 3:17) Subalit, determinado si Satanas, ang manunuya, na sirain ang katapatan ng mga naglilingkod kay Jehova.​—Job 1:10, 11.

Lalo na mula noong unang bahagi ng ika-20 siglo nang siya ay inihagis mula sa langit tungo sa lupa, nagpakita si Satanas ng malaking galit sa bayan ni Jehova. (Apocalipsis 12:10, 12) Gayunpaman, ang mga tunay na Kristiyano ay tumatayong “ganap at may matibay na pananalig” at nag-iingat ng kanilang katapatan sa Diyos. (Colosas 4:12) Ating isaalang-alang sa maikli ang isang namumukod-tanging halimbawa ng gayong pag-iingat ng katapatan​—niyaong sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya noong bago at panahon ng Digmaang Pandaigdig II.

Nagdulot ng mga Pagsubok sa Katapatan ang Masigasig na Paggawa

Noong dekada 1920 at sa kaagahan ng dekada ng 1930, ang Bibelforscher, ang pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon sa Alemanya, ay namahagi ng napakaraming literatura ng Bibliya. Sa pagitan ng 1919 at 1933, sa katamtaman ay nakapagpasakamay sila ng walong aklat, buklet, o magasin sa bawat pamilya sa Alemanya.

Noong panahong iyon, ang Alemanya ang isa sa mga bansang may pinakamalaking bilang ng mga pinahirang tagasunod ni Kristo. Sa katunayan, sa 83,941 katao sa buong daigdig na nakibahagi sa Hapunan ng Panginoon noong 1933, halos 30 porsiyento ang nakatira sa Alemanya. Di-nagtagal, ang mga Saksing Aleman na ito ay nakaranas ng napakatinding mga pagsubok sa katapatan. (Apocalipsis 12:17; 14:12) Ang mga pagtatanggal mula sa mga trabaho, panloloob sa mga tirahan, mga pagpapatalsik mula sa mga paaralan ay madaling lumala tungo sa mga pambubugbog, pag-aaresto, at pagbibilanggo. (Larawan 1) Bunga nito, noong mga taon na humantong sa Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova ang bumubuo sa halos 5 hanggang 10 porsiyento ng lahat ng nakakulong sa mga kampong piitan.

Kung Bakit Pinag-usig ng mga Nazi ang mga Saksi

Gayunman, bakit napukaw ng mga Saksi ni Jehova ang poot ng rehimeng Nazi? Sa kaniyang aklat na Hitler​—1889-1936: Hubris, napansin ng propesor sa kasaysayan na si Ian Kershaw na ang mga Saksi ay naging tampulan ng pag-uusig dahil tumanggi silang “magpasailalim sa ganap na pag-aangkin ng pamahalaang Nazi.”

Ang aklat na Betrayal​—German Churches and the Holocaust, na pinatnugutan ng propesor sa kasaysayan na si Robert P. Ericksen at ng propesor ng mga pag-aaral sa Judio na si Susannah Heschel, ay nagpaliwanag na ang mga Saksi ay “tumangging makibahagi sa karahasan o sa paggamit ng puwersang militar. . . . Naniniwala ang mga Saksi sa neutralidad sa pulitika, na nangangahulugang hindi sila boboto kay Hitler o sasaludo man sa kaniya.” Ito, dagdag ng reperensiya ring iyon, ang pumukaw sa galit ng mga Nazi at nagsapanganib sa mga Saksi dahil “hindi papayagan ng National Socialism ang gayong pagtanggi.”

Isang Pandaigdig na Protesta at Isang Lubusang Pagsalakay

Sa pamamagitan ng isang pantanging mensahero, noong Pebrero 9, 1934, si Joseph F. Rutherford, na nangunguna sa gawain noong panahong iyon, ay nagpadala kay Hitler ng isang liham ng protesta bilang tugon sa kawalang-pagpaparaya ng Nazi. (Larawan 2) Noong Oktubre 7, 1934, ang liham ni Rutherford ay sinundan ng mga 20,000 liham at telegrama ng protesta na ipinadala kay Hitler ng mga Saksi ni Jehova mula sa 50 bansa, kalakip na ang Alemanya.

Tumugon ang mga Nazi sa pamamagitan ng pagpapatindi sa kanilang pag-uusig. Noong Abril 1, 1935, ang mga Saksi ay ipinagbawal sa buong bansa. At noong Agosto 28, 1936, inilunsad ng Gestapo ang isang lubusang pagsalakay laban sa kanila. Gayunman, ang mga Saksi ay “patuloy na namahagi ng mga pamplet at kung hindi man ay nanindigan sa kanilang pananampalataya,” sabi ng Betrayal​—German Churches and the Holocaust.

Halimbawa, halos sa harapan ng Gestapo, noong Disyembre 12, 1936, mga 3,500 Saksi ang namahagi ng sampu-sampung libong kopya ng isang inimprentang resolusyon hinggil sa pagmamaltratong nararanasan nila. Hinggil sa kampanyang ito, iniulat ng The Watchtower: “Ito ay isang malaking tagumpay at isang matinding dagok sa kalaban, na nagdulot ng di-mailarawang kagalakan sa mga tapat na manggagawa.”​—Roma 9:17.

Nabigo ang Pag-uusig!

Nagpatuloy ang paghahanap ng Nazi sa mga Saksi ni Jehova. Pagsapit ng 1939, anim na libo sa kanila ang naipakulong, at libu-libo ang naipadala sa mga kampong piitan. (Larawan 3) Ano ang situwasyon nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II? Mga 2,000 ibinilanggong Saksi ang namatay, mahigit na 250 sa pamamagitan ng hatol na kamatayan. Gayunpaman, sulat nina Propesor Ericksen at Heschel, “ang karamihan sa mga Saksi ni Jehova ay nanghawakan sa kanilang pananampalataya sa harap ng kagipitan.” Bilang resulta, nang bumagsak ang rehimen ni Hitler, mahigit sa isang libong Saksi ang matagumpay na lumabas mula sa mga kampo.​—Larawan 4; Gawa 5:38, 39; Roma 8:35-37.

Ano ang nagpatibay sa bayan ni Jehova upang mabata ang pag-uusig? Ipinaliwanag ni Adolphe Arnold na nakaligtas sa kampong piitan: “Kahit na ikaw ay lubos na nanghihina at nanlulumo, nakikita ka ni Jehova, alam niya kung ano ang dinaranas mo, at ibibigay niya sa iyo ang kinakailangang lakas upang madaig ang situwasyon at makapanatiling tapat. Hindi maikli ang kaniyang kamay.”

Tunay na kumakapit ang mga salita ng propetang si Zefanias sa mga tapat na Kristiyanong iyon! Ipinahayag niya: “Si Jehova na iyong Diyos ay nasa gitna mo. Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas. Magbubunyi siya sa iyo nang may pagsasaya.” (Zefanias 3:17) Nawa’y tularan ng lahat ng mananamba ng tunay na Diyos sa ngayon ang pananampalataya niyaong mga matapat na Saksi na nag-ingat ng kanilang katapatan sa harap ng pag-uusig ng Nazi at sa katulad na paraan ay pasayahin ang puso ni Jehova.​—Filipos 1:12-14.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

Państwowe Muzeum Oświęcim-Brzezinka, courtesy of the USHMM Photo Archives