Papaano Mo Minamalas ang Kasalanan?

Papaano Mo Minamalas ang Kasalanan?

Papaano Mo Minamalas ang Kasalanan?

“BAKIT siya patuloy na dumadalanging patawarin ang aming mga kasalanan?” reklamo ng isang ginang ng tahanan na nakikipag-aral ng Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova. “Kung pakikinggan ay para bang ako’y isang kriminal.” Katulad ng babaing ito, marami sa ngayon ang walang malay sa kanilang mga kasalanan maliban sa kung sila’y nakagawa ng isang krimen.

Ito’y lalo nang may katotohanan sa Silangan, na kung saan naging tradisyon na ng mga tao na huwag maniwala sa minanang kasalanan gaya ng itinuturo sa mga relihiyong Judio-Kristiyano. (Genesis 3:1-5, 16-19; Roma 5:12) Halimbawa, ang kasalanan ay iniuugnay ng mga Shintoista sa karumihan na dagling mapaparam sa pagkumpas ng patpat ng pari, na may papel o lino na nakakabit sa dulo. Sa paraang ito ay hindi na kailangan ang pagsisisi sa nagawang kasalanan. Bakit? “Hindi lamang mga gawang masama, kundi pati di-nasusupil na mga natural na kalamidad, ay tinatawag na tsumi [kasalanan],” ang paliwanag ng Kodansha Encyclopedia of Japan. Ang likas na mga kapahamakan, ang tsumi na hindi responsibilidad ng mga tao, ay itinuring na mga kasalanan na pinapangyari ng mga ritwal ng paglilinis na matapos ang pag-iral.

Ito’y umakay sa kaisipan na ang anumang kasalanan, maging ang masasamang gawa na kinukusa (maliban sa mga gawang kriminal na pinarurusahan ng batas) ay maaaring maparam sa pamamagitan ng ritwal na paglilinis. Sa ilalim ng paulong “Ritwal ng Pulitikal na Paglilinis sa Hapón,” ang gayong pananaw ang tinukoy ng The New York Times at ipinaliwanag ng mga pulitiko sa Hapón na napasangkot sa mga iskandalo na ang turing nila sa kanilang mga sarili ay “nalinis na” nang sila’y muling ihalal ng mga botante. Sa gayon, hindi gumawa ng tunay na pagtutuwid, at ang katulad na mga iskandalo ay maaaring maulit.

Ang mga Buddhista na naniniwala sa samsara, o muling pagsilang, at sa doktrina ng Karma ay may naiibang pangmalas. “Sang-ayon sa doktrina ng karman,” paliwanag ng The New Encyclopœdia Britannica, “ang mabuting asal ay nagdadala ng isang kalugud-lugod at masayang resulta at lumilikha ng isang tendensiya tungo sa katulad na mabubuting gawa, samantalang ang masamang asal ay nagdadala ng masasamang gawa at lumilikha ng tendensiya na maulit ang masasamang gawa.” Sa ibang salita, ang makasalanang asal ay nagbubunga ng masama. Ang turo ng Karma ay kaugnay ng turo ng muling pagsilang, yamang ang ibang Karma ay sinasabing nagbubunga sa panghinaharap na mga buhay na lubhang malayo sa buhay na kinaugnayan nang mangyari ang pagkakasala.

Papaano naapektuhan ng turong ito ang mga sumasampalataya rito? Isang babaing Buddhista na taimtim na naniniwala sa Karma ang nagsabi: “Ang akala ko ay walang kabuluhan na pagdusahan ang isang bagay na taglay ko na nang ako’y isilang ngunit wala akong nalalamang anuman. Tinanggap ko iyon bilang pinagtalagahan sa akin. Ang pag-usal ng mga sutra at pagsusumikap mabuhay sa kabutihan ay hindi lumutas ng aking mga suliranin. Ako’y naging magagalitin at hindi kontento, laging nagrereklamo.” Dahilan sa turong Buddhista tungkol sa mga resulta ng masamang pamumuhay nadama niya na siya’y walang kabuluhan.

Ang Confucianismo, isa pang Silanganing relihiyon ay nagturo ng isang naiibang paraan ng pakikitungo sa kasamaang ginagawa ng tao. Sang-ayon kay Hsün-tzu, isa sa tatlong dakilang mga pilosopo ni Confucio, ang kalikasan ng tao ay masama at nakahilig na maging mapag-imbot. Upang mapanatili ang kaayusang panlipunan sa gitna ng mga taong may hilig sa kasalanan, kaniyang idiniin ang kahalagahan ng li, na ang ibig sabihin ay kagandahang-asal, pagkamagalang, at ang kaayusan ng mga bagay. Si Meng-tzu, isa pang pilosopo ni Confucio, bagaman nagpahayag ng isang kasalungat na pananaw tungkol sa kalikasan ng tao, ay kumilala sa pag-iral ng mga kasamaan sa lipunan at, sa pagtitiwalang mabuti ang kalikasan ng mga tao, siya ay nanghawakan sa pagpapasulong ng sarili bilang solusyon. Sa alinman diyan, ang mga pilosopo ni Confucio ay nagturo ng kahalagahan ng edukasyon at pagsasanay upang mabaka ang kasalanan sa daigdig. Bagaman ang kanilang mga turo ay magkasang-ayon sa pangangailangan ng li, ang kanilang paniwala tungkol sa kasalanan at kasamaan ay napakalabo.​—Ihambing ang Awit 14:3; 51:5.

Ang Kumukupas na Pagkakilala sa Kasalanan sa Kanluran

Sa Kanluran, ang mga pananaw sa kasalanan ay sa tradisyunal na paraan naging malinaw, at karamihan ng mga tao ay sumasang-ayon na umiiral nga ang kasalanan at dapat iwasan. Gayunman, ang saloobing Kanluran tungkol sa kasalanan ay nagbabago. Marami ang lubusang tumatanggi sa lahat ng kamalayan sa kasalanan, anupat tinutukoy ang tinig ng budhi na isang “pagkadama ng kasalanan,” isang bagay na dapat iwasan. Mahigit na 40 taon na ngayon, ipinaghinanakit ni Papa Pio XII: “Ang kasalanan sa siglong ito ay ang kawalan ng lahat ng kamalayan sa kasalanan.” Sang-ayon sa isang surbey na inilathala sa lingguhang lathalaing Katoliko na Le Pèlerin, kataka-takang 90 porsiyento ng populasyon ng Pransiya, na kung saan ang karamihan ng tao ay nag-aangking Romano Katoliko, ang hindi na naniniwala sa kasalanan.

Oo nga, sa Silangan at Kanluran, karamihan ng tao ngayon ay waring namumuhay sa pagwawalang-bahala at hindi nakadarama ng pag-iral ng kasalanan. Subalit, iyan ba ay nangangahulugan na hindi nga umiiral ang kasalanan? Ligtas bang ipagwalang-bahala ito? Mawawala nga ba ang kasalanan?