Mga guho ng sinaunang paagusan ng Roma

Mga Paagusan ng Roma—Kamangha-manghang Gawa ng Inhinyeriya

Mga Paagusan ng Roma—Kamangha-manghang Gawa ng Inhinyeriya

SA LAHAT ng gawa ng sinaunang inhinyeriya, ang mga paagusan ng Roma ang isa sa pinakakahanga-hanga. “Kung kaya mo, ikumpara mo ang hanay ng mahahalagang istrakturang ito na naglalaman ng napakaraming tubig, sa walang-saysay na mga Piramide o sa walang-kuwenta, pero sikát, na gawa ng mga Griego!” ang sabi ni Sextus Julius Frontinus (35–mga 103 C.E.), ang gobernador ng Roma at nangangasiwa sa sistema ng pagsusuplay ng tubig. *

Bakit Kinailangan ang mga Paagusan?

Karaniwan nang itinatayo ang mga sinaunang lunsod malapit sa maraming suplay ng tubig, at isa na rito ang Roma. Noong una, ang Ilog Tiber at ang malalapit na bukal at balon ay nakapagsusuplay ng sapat na tubig. Pero mula noong ikaapat na siglo B.C.E., mabilis na lumaki ang populasyon ng Roma kaya lumaki rin ang pangangailangan nito sa tubig.

Dahil iilan lang ang may instalasyon ng tubig sa kanilang bahay, nagtayo ang mga Romano ng daan-daang pribado at pampublikong paliguan. Ang unang pampublikong paliguan sa lunsod ng Roma ay ang Aqua Virgo, na naitayo noong 19 B.C.E. Ginamit ng tagapagtayo nito na si Marcus Agrippa, isa sa malapít na kaibigan ni Cesar Augusto, ang kayamanan niya para mantinihin at palawakin ang sistema ng pagsusuplay ng tubig sa Roma.

Naging puntahan din ng mga tao ang mga paliguang ito. May mga hardin at aklatan pa nga sa mas malalaking paliguan. Pagkapaligo ng mga tao, ang tubig mula sa paagusan ay tuloy-tuloy na dumadaloy sa mga imburnal at nadadala ang mga basura, pati na ang mga dumi mula sa mga palikuran doon.

Pagtatayo at Pagmamantini

Kapag narinig mo ang pananalitang “paagusan ng Roma,” naiisip mo ba ang napakahabang hanay ng matataas na arko? Sa katunayan, ang mga arko nito ay wala pang 20 porsiyento ng mga daluyang iyon ng tubig na ang malaking bahagi ay nasa ilalim ng lupa. Dahil sa mas matipid na disenyong ito, naiiwasan ang pagguho ng lupa sa  mga paagusan at nababawasan din ang puwersa ng pagdaloy ng tubig sa mga taniman at kabahayan. Halimbawa, ang Aqua Marcia na naitayo noong 140 B.C.E., ay 92 kilometro ang haba pero mga 11 kilometro lang ang haba ng mga arko nito.

Bago magtayo ng isang paagusan, sinusuri muna ng mga inhinyero ang pinagmumulan ng tubig, gaya ng linaw, daloy, at lasa ng tubig nito. Tinitingnan din nila ang kalagayan ng kalusugan ng mga tagaroon na umiinom ng tubig doon. Kapag naaprobahan na ito, susukatin ng agrimensor ang tamang puwesto at kurbada ng daluyan ng tubig, pati na ang laki at haba nito. Mga alipin ang pinagtatrabaho sa pagtatayo ng paagusan. Umaabot ng ilang taon ang pagtatayo ng mga ito, kaya naman napakagastos—lalo na kung kakailanganin ang mga arko.

Diagram ng sistema ng paagusan ng tubig

Bukod diyan, dapat ding mantinihin at maingatan ang mga paagusan. Para magawa ito, may panahon na kumuha ang lunsod ng Roma ng mga 700 trabahador. Kasama rin sa plano ang pagmamantini sa paagusan. Halimbawa, may ginawang mga manhole at poste para mapasok ang ilang bahagi ng mga paagusan. Kapag malaki ang aayusin, pansamantalang inililihis ng mga inhinyero ang tubig mula sa nasirang bahagi nito.

Mga Paagusan sa Lunsod ng Roma

Sa pagsisimula ng ikatlong siglo C.E., 11 na ang pangunahing paagusan na nagsusuplay ng tubig sa lunsod ng Roma. Ang una, ang Aqua Appia, na naitayo noong 312 B.C.E. at mahigit lang 16 na kilometro ang haba, ay halos nasa ilalim ng lupa. Nananatili naman ang ilang bahagi ng Aqua Claudia na 69 na kilometro ang haba at may 10-kilometrong hanay ng mga arko, na ang ilan sa mga ito ay may taas na 27 metro.

Gaano karami ang tubig sa mga paagusan ng lunsod? Napakarami! Ang Aqua Marcia, na nabanggit na, ay araw-araw na nagsusuplay ng mga 190 milyong litro ng tubig sa Roma. Kapag umabot na ang tubig sa lunsod dahil sa grabidad, dadaloy ito sa malalaking tangke at pagkatapos ay sa mga daluyan patungo sa iba pang tangke o sa mga lugar na paggagamitan ng tubig. Tinataya ng ilan na ang sistema ng pamamahagi ng tubig sa Roma ay lumaki, anupat mahigit 1,000 litro ng tubig ang naisusuplay araw-araw sa bawat mamamayan.

Habang lumalaki ang Imperyo ng Roma, “nagkakaroon ng mga paagusan saanman makarating ang Roma,” ang sabi ng aklat na Roman Aqueducts & Water Supply. Makikita pa rin ng mga turista sa Asia Minor, France, Spain, at North Africa ang mga kamangha-manghang gawang ito ng sinaunang inhinyeriya.

^ par. 2 Hindi Roma ang unang nagtayo ng mga daluyan ng tubig. Nauna rito ang sinaunang mga bansa, gaya ng Asirya, Ehipto, India, at Persia.