Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hindi Ako Namatay”

“Hindi Ako Namatay”

“Hindi Ako Namatay”

“Huwag mo akong iyakan sa libingan ko,

Wala ako roon.

Hindi ako namatay.”

● Ang pananalitang iyan ay salin ng huling mga taludtod ng isang kilaláng tula sa Ingles na ginawa ring isang awit. Sa nakaraang mga dekada, nakapagbigay ito ng kaaliwan sa maraming tao sa buong mundo. Iba’t ibang makata ang ipinapalagay na kumatha nito. Sinasabi pa nga ng iba na isa itong dasal ng mga Navajo para sa libing.

Ang tulang ito ay naging sikát na awitin sa Japan nitong nakaraang mga taon, pero ikinalito rin ito ng marami. Karaniwan nang dinadalaw ng mga Hapones ang libingan ng kanilang mga kapamilya para magbigay-galang dahil naniniwala silang buháy pa roon ang mga namatay. Pero dahil iba ang itinuturo ng awit, marami ang nagtatanong, “Nasaan nga ba ang mga patay?”

Matagal nang may mga ritwal, serbisyo, at burol para sa mga patay ang mga Budistang Hapones. Pero hindi masagot ng karamihan sa mga Budista ang tanong na, Nasaan ang mga patay? Itinatanong din nila: Iisang dako lang ba ang hantungan ng mga patay anuman ang kanilang relihiyon o bansa? Bakit hindi tumutugon ang mga patay?

Ipinapalagay ng marami na hindi masasagot ang mga tanong na iyan at pag-aaksaya lang ng panahon ang paghanap ng kasagutan. Pero baka iniisip mo, ‘Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay?’ Saan kaya makakakuha ng sagot? Sinasabi ng Bibliya na sakdal ang unang mag-asawa nang lalangin sila ng Diyos at binigyan niya sila ng isang magandang hardin para tirhan. Maaari silang mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso sa lupa kung susundin nila ang Diyos. Pero hindi sila sumunod.

Dahil dito, kumilos ang Diyos. Pinalayas niya ang mag-asawa mula sa kanilang Paraisong tahanan at hinatulan sila ng kamatayan. Ipinaliwanag niya ang resulta ng kanilang pagsuway: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Ginawa ang tao mula sa alabok, at kapag namatay siya, doon siya babalik.​—Genesis 2:7; 3:19.

Isang lalaking taga-Kofu, Japan, na caretaker sa isang malaking libingan ang nagsabi: “Ang mga urn ay punô ng abo at buto kapag inilagay ko sa libingan. Pagkalipas ng mga limang taon, kalahati na lang ang laman nito. Pagkaraan ng sampung taon, wala nang laman ang marami sa mga urn.” Ang ating katawan ay binubuo ng mga elemento ng lupa, at sa kalaunan, nabubulok ito at bumabalik sa alabok. Kaya ano na lang ang natitira?

Bagaman wala na tayong malay kapag namatay, ang ating Maylikha, na nalalaman maging ang pagkamatay ng isang maya, ay hindi nakalilimot sa atin. (Mateo 10:29-31) Gaya ng ipinangako niya, bubuhayin niya tayong muli. Gigisingin niya tayo mula sa pagkakatulog sa kamatayan.​—Job 14:13-15; Juan 11:21-23, 38-44.

Kung gusto mo ng higit pang impormasyon tungkol sa paksang ito, maaari kang sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito o pumunta sa aming Web site na www.watchtower.org.