Perpektong “Adres” ng Lupa

Perpektong “Adres” ng Lupa

Perpektong “Adres” ng Lupa

KARANIWAN nang kasama sa ating adres ang ating bansa, lunsod, at kalye. Bilang paghahambing, tawagin nating “bansa” ng ating lupa ang galaksing Milky Way, “lunsod” ng lupa ang sistema solar​—samakatuwid nga, ang araw at ang mga planeta nito​—at “kalye” ng lupa ang orbit nito sa loob ng sistema solar. Dahil sa pagsulong sa astronomiya at pisika, naging malinaw sa mga siyentipiko ang bentaha ng maliit na puwestong inookupahan natin sa uniberso.

Halimbawa, ang ating “lunsod,” ang ating sistema solar, ay nasa bahagi ng Milky Way na tinatawag ng maraming siyentipiko na galactic habitable zone. Ang sonang ito ay may layong mga 28,000 light year mula sa pinakasentro ng galaksi at may tamang-tamang dami ng kemikal na mga elemento na mahalaga sa buhay. Sa dako na mas malayo sa sentro ng galaksi, napakakaunti ng gayong mga elemento; sa mga lugar naman na mas malapit sa sentro, napakaraming nakamamatay na radyasyon at iba pang panganib. “Nakatira tayo sa pinakamagandang lote,” ang sabi ng magasing Scientific American.

Napakagandang “Kalye”

Napakaganda rin ng “kalye,” o orbit, ng lupa na nasa loob ng ating “lunsod” na sistema solar. Ang orbit na ito, na mga 150 milyong kilometro ang layo mula sa araw, ay nasa bahaging tinatawag ng mga siyentipiko na circumstellar habitable zone, kung saan hindi sobrang lamig at hindi rin naman sobrang init, kaya may nabubuhay rito. Bukod diyan, ang dinaraanan ng lupa ay halos pabilog, kaya hindi gaanong nagbabago ang distansiya natin mula sa araw sa buong santaon.

Samantala, ang araw naman ang perpektong “planta ng enerhiya.” Hindi pabagu-bago ang antas ng enerhiya ng araw, tama ang laki nito, at naglalabas ito ng tamang-tamang dami ng enerhiya. Angkop lamang na tawagin itong “napakaespesyal na bituin.”

Perpektong Kapitbahay

Kung pipili ka ng “kapitbahay” para sa lupa, wala ka nang makikitang mas mahusay pa sa buwan. Ang diyametro nito ay malaki nang kaunti sa sangkapat ng diyametro ng lupa. Kaya kung ang proporsiyon ng laki ng buwan at ng iniikutan nitong planeta ang pag-uusapan, napakalaki ng ating buwan kung ihahambing sa iba pang buwan sa ating sistema solar. Pero hindi ito nagkataon lamang.

Una, ang buwan ang pangunahing sanhi ng pagtaas at pagkati ng tubig sa dagat, na mahalaga para manatiling balanse ang mga elemento sa kalikasan. Nakatutulong din ang buwan para hindi mabago ang pagkakahilig ng axis na iniikutan ng lupa. Kung hindi ganito ang pagkakadisenyo sa buwan, magpapagiwang-giwang ang lupa, tatagilid, at baka bumaligtad pa nga na gaya ng trumpo! Kapaha-pahamak ang idudulot nitong mga pagbabago sa klima, alon ng dagat, at iba pa.

Perpektong Pagkakahilig at Bilis ng Pag-inog ng Lupa

Dahil nakahilig ang lupa nang 23.5 digri, mayroon tayong taunang siklo ng mga kapanahunan, katamtamang temperatura, at malawak na mga sona ng klima. “‘Tamang-tama’ talaga ang pagkakahilig ng axis ng ating planeta,” ang sabi ng aklat na Rare Earth​—Why Complex Life Is Uncommon in the Universe.

Tamang-tama rin ang haba ng araw at gabi dahil sa pag-inog ng lupa. Kung mas mabagal ang inog nito, masusunog ang panig ng lupa na nakaharap sa araw at magyeyelo naman ang kabilang panig. Sa kabaligtaran, kung mas maigsi ang araw, marahil mga ilang oras lamang, ang mabilis na inog ng lupa ay magdudulot ng walang-tigil na hagupit ng hangin at iba pang kapaha-pahamak na resulta.

Oo, ang lahat ng bagay tungkol sa ating planeta​—mula sa “adres” nito, bilis ng pag-inog, hanggang sa kapitbahay nitong buwan​—ay katibayan na dinisenyo ito ng isang mapagmalasakit at matalinong Maylalang. a Ganito ang sabi ng pisiko at ebolusyonistang si Paul Davies: “Maging ang mga ateistang siyentipiko ay hahanga sa lawak, karingalan, pagkakasuwato, kagandahan, at napakahusay na disenyo ng uniberso.”

Ang gayon kayang napakahusay na disenyo ay nagkataon lamang, o katibayan na sadya itong dinisenyo para sa isang tiyak na layunin? Pag-isipan ang tanong na iyan habang binabasa mo ang susunod na maikling artikulong tumatalakay sa dalawang kamangha-manghang pananggalang na nagbibigay ng proteksiyon sa mga nabubuhay sa lupa mula sa mapanganib na mga elementong galing sa kalawakan.

[Talababa]

a Mahalaga sa pag-iral ng uniberso sa pangkalahatan ang apat na pangunahing puwersa na umuugit sa materya: grabidad, elektromagnetismo, at ang malakas at mahinang puwersang nuklear. Balanseng-balanse ang lahat ng ito.​—Tingnan ang kabanata 2 ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 5]

MAS MABILIS KA PA BA SA BALA?

Pagkabasa mo sa kahong ito, nakapaglakbay ka na nang libu-libong kilometro​—nang hindi mo namamalayan! Isaalang-alang ang sumusunod.

Ang sirkumperensiya ng lupa ay 40,000 kilometro at umiinog ito nang minsan kada 24 na oras. Kaya ang isang taong nakatayo sa ekwador o malapit dito ay umiikot nang mga 1,600 kilometro bawat oras. (Siyempre, ang taong nasa tuktok ng polo ay doon lamang umiikot sa mismong puwesto niya.)

Ang lupa mismo ay umiikot sa palibot ng araw nang 30 kilometro bawat segundo, samantalang ang buong sistema solar ay napakatulin ding umiikot sa palibot ng pinakasentro ng Milky Way sa bilis na 249 na kilometro bawat segundo. Samantala, ang bilis ng takbo ng bala ay mga isang kilometro lamang bawat segundo.

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Milky Way: NASA/JPL/Caltech

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Earth: Based on NASA/Visible Earth imagery