Naudyukan Nito ang Isang Kabataan na Suriin ang Kaniyang Buhay
Naudyukan Nito ang Isang Kabataan na Suriin ang Kaniyang Buhay
◼ Noong nakaraang taon, isang kabataang lalaki ang sumulat sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya na binigyan siya ng kaniyang lola ng kopya ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. “Inilagay ko ito sa istante,” ang sabi niya. Subalit nitong kamakailan, nagkaroon ng malubhang sakit ang kabataang ito, anupat inakala pa nga niyang mamamatay na siya.
“Para bang may nagtulak sa akin na kunin ang aklat na ito,” ang sabi niya. “Medyo nag-aalinlangan ako nang simulan kong basahin ang aklat. Pero matapos kong basahin ito, natanto kong mali ang paraan ng aking pamumuhay. Nanalangin ako sa Diyos.”
“Nang gumaling na ako,” ang paliwanag niya, “ipinasiya kong basahin ang aklat na ito sa ikalawang pagkakataon. Namangha ako sapagkat may bagong mga bagay pa rin akong natutuhan. Naunawaan ko na bagaman napakahalagang manalangin sa Diyos at magbasa ng literatura sa Bibliya, hindi sapat ang mga ito. Ang pinakamahalaga ay ialay ang ating buhay sa Diyos at tulungan ang ibang tao na maniwala sa kaniya. Gaya ng natutuhan ko sa ilustrasyon hinggil sa mga mina, kailangan tayong magpagal para sa ikasusulong ng Kaharian ng Diyos.”—Lucas 19:13-27.
Bilang konklusyon, isinulat ng kabataan: “Gusto kong pasalamatan ang mga Saksi ni Jehova sa napakagandang aklat na ito na bumago sa aking buhay. Gusto kong makatanggap ng higit pang impormasyon at mag-aral ng Bibliya. Subalit ang pinakahahangad ko ay ang maglingkod sa Diyos nang buong buhay ko at tulungan ang iba na maniwala sa kaniya.”
Nasa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ang mga sermon ni Jesus gayundin ang kaniyang mga ilustrasyon at himala. Hangga’t maaari, ang lahat ng pangyayari ay inilahad ayon sa pagkakasunud-sunod nito. At itinatampok ng aklat na ito ang magaganda at makatotohanang mga larawan na nagsisiwalat sa damdamin ni Jesus at ng kaniyang mga kasama.
Kung gusto mong makatanggap ng isang kopya ng 448-pahinang aklat na ito, pakisuyong punan ang kalakip na kupon at ihulog ito sa koreo sa adres na nakalaan o sa angkop na adres na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.