Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Sugat na Nilagyan ng Zipper

Mas maganda ang mga epekto ng pagsasara sa mga sugat sa pamamagitan ng medikal na zipper kaysa sa karaniwang pagtatahi, ang ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. “Ang isang benda na may zipper ay madaling dumikit, kagaya ng karaniwang benda. Ang benda, na may hanay ng mga ngipin, ay idinirikit sa bawat gilid ng sugat at pagkatapos ay isinasara kagaya ng zipper sa isang damit.” Isang pag-aaral na isinagawa sa University Clinic of Göttingen, Alemanya, ang naghambing sa dalawang grupo ng mga pasyenteng may mga tumor sa balat na tinanggal sa pamamagitan ng operasyon. Ang himaymay sa ilalim ng balat ng dalawang grupo ay tinahi sa karaniwang paraan. Pero ang pinakaibabaw na mga suson ng balat ng isang grupo ay isinara sa pamamagitan ng mga medikal na zipper, samantalang tinahi naman sa karaniwang paraan ang balat ng kabilang grupo. Ang mga sugat na ginamitan ng mga zipper ay mas maninipis ang pilat at hindi gaanong halata ang hugis-hagdan na tahi.

Mga Langgam na Gumagawa ng Pamatay-Damo

“Ang ilang langgam na nagpapatubo ng halamang-singaw bilang pagkain ay gumagawa rin ng pamatay-damo upang patayin ang isang parasito,” ang ulat ng serbisyo sa pagbabalita na Bloomberg. Hindi kayang tunawin ng mga langgam na attine ang mga dahon at organikong dumi na kanilang dinadala sa kanilang pugad. Ang nabubulok na pananim na kanilang tinitipon ay iniimbak sa mga silid at ginagamit sa pagpapatubo ng halamang-singaw sa hardin. Gayunman, ang halamang-singaw na inaani ng mga langgam ay sinasalakay ng isang napakaliit na parasito, na maaaring makabawas o makasira sa kanilang suplay ng pagkain. Upang protektahan ang halamang-singaw, nagpapalaki ng baktirya ang mga langgam sa balat nila. “Kapag lumitaw ang di-kanais-nais na [parasito] ng halamang-singaw, ikinukuskos ng mga langgam na attine ang katawan nila sa mga ito, anupat nag-iiwan ng pamatay-damo,” ang sabi ng ulat.

Patuloy na Umuunti ang mga Nagsisimba sa Canada

“Matagumpay ang sekularismo sa Canada,” ang sabi ng manunulat na Pranses at taga-Canada na si Yann Martel sa isang panayam sa Publishers Weekly. Karagdagan pa, sinasabi ng isang ulat sa The New York Times na sa Montreal, “mabilis na umuunti ang mga nagsisimba anupat sa nakalipas na tatlong taon, di-kukulangin sa 18 simbahan ang isinara at inabandona o ginawang mga kondominyum at, sa isang kaso, ginawa pa ngang tindahan ng pizza.” Ayon kay Marguerite Van Die, isang propesor ng teolohiya sa Queen’s University sa Kingston, Ontario, “ito ay isang lipunan kung saan wala nang impluwensiya sa kultura ang relihiyon.”

Nakatulong sa Ozone Layer ang Kidlat sa Venezuela

Bagaman ang 90 porsiyento ng ozone na nakapalibot sa lupa ay nabubuo sa pamamagitan ng ultraviolet radiation mula sa araw, ang 10 porsiyento naman ay nalilikha ng makulog na mga bagyo. At sagana sa makulog na bagyo ang mga latian ng Catatumbo National Park, Estado ng Zulia, Venezuela. Iniuulat ng The Daily Journal ng Caracas na nagkakaroon ng “140 hanggang 160 araw ng makulog na bagyo” taun-taon sa ibabaw ng Ilog Catatumbo sa rehiyon ng delta nito. Ipinapalagay na ang methane, isang kakambal na produkto ng nabubulok na pananim at iba pang bagay mula sa nakapalibot na dagat-dagatan at latian, kasama ang mabababang ulap at masamang lagay ng panahon ang siyang nagdudulot ng kidlat. Ang isa pang kapansin-pansing katangian ng kidlat sa Catatumbo ay ang pagiging napakalayo nito anupat walang kulog na maririnig. Ito ay “isang likas na penomeno na hindi masusumpungan sa ibang panig ng daigdig,” ang sabi ng Web site na Lost World Adventures.

Ang mga Lunsod na May Pinakamataas na Halaga ng Pamumuhay

Ang Tokyo, Moscow, at Osaka ang mga lunsod na may pinakamataas na halaga ng pamumuhay. Iyan ang naging konklusyon ng isang pag-aaral na isinagawa ng Mercer Human Resource Consulting. Isinaalang-alang ng surbey, na sumasaklaw sa 144 na lunsod, ang paghahambing sa mga presyo ng mahigit sa 200 produkto at serbisyo, kasama na ang tirahan, pananamit, transportasyon, libangan, muwebles, at kasangkapan sa bahay. Ang kalahati ng 20 lunsod na may pinakamataas na halaga ng pamumuhay ay nasa Asia. Kabilang ang Geneva, London, at Zurich sa mga lunsod sa Europa na may pinakamataas na halaga ng pamumuhay, kasunod ng Moscow. Ang New York ang ikasampung lunsod sa talaan, samantalang walang lunsod sa Canada ang naibilang sa unang 100. Tungkol naman sa mga lunsod na may pinakamababang halaga ng pamumuhay, nangunguna sa listahan ang Asunción sa Paraguay.

Naglalahong mga Wika

“Ang bilang ng ‘buháy’ na mga wikang sinasalita sa daigdig ay mas mabilis na bumababa kaysa sa umuunting bilang ng buhay-iláng sa planeta,” ang ulat ng isang pag-aaral na sinipi sa The Independent ng London. Tinataya ng mga lingguwista na sa buong daigdig, 6,809 na wika ang sinasalita, at 90 porsiyento sa mga ito ay ginagamit ng wala pang 100,000 katao. Ang mga wikang wala pang 50 katao ang gumagamit ay may bilang na 357, samantalang 46 na wika ang nalalamang may isang katutubong nagsasalita nito. Dahil sa kolonisasyon, naglaho ang 52 sa 176 na wika ng mga tribo sa Hilagang Amerika, at 31 sa 235 wika ng mga Katutubo sa Australia. Sinabi ni Propesor Bill Sutherland ng University of East Anglia, Inglatera, na kapag pinaghambing sa magkatulad na paraan ang mga banta sa wika at sa mga hayop, marami-raming wika ang maiuuri bilang “nasa bingit na ng pagkalipol,” “nanganganib malipol,” o “malapit nang malipol.” Idinagdag pa niya: “Alam na alam ng marami ang mga banta sa mga ibon at mamalya ngunit lumilitaw na mas malaki ang banta sa mga wika.”

Sanhi ng Sipon

“Kapag gininaw ka, sisipunin ka,” ang sabi ng isang kasabihan. Gayunman, “sa loob ng mahigit na isang siglo, ang mga siyentipiko ay nagbuhos ng napakaraming panahon at lakas sa pagpapatunay na mali ang kasabihang ito,” ang ulat ng The New York Times. “Pero sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, ang kaugnayan ng sipon at ng lagay ng panahon ay pinag-iisipan pa rin at patuloy na nagtutulak sa higit pang pagsasaliksik.” Pasimula kay Louis Pasteur, noong 1878, libu-libo nang eksperimento ang isinagawa upang malaman kung ano ang kaugnayan ng pagkadama ng ginaw ng katawan sa pagkakaroon ng sipon, kung may kaugnayan man ito. Hindi kataka-taka, hindi pa rin matiyak ng mga mananaliksik ang sagot. Si Dr. Jack Gwaltney, Jr., isa sa nangungunang eksperto sa daigdig hinggil sa sipon, ang nagmungkahi na ang kaumiduhan sa halip na temperatura ang nagtataguyod ng sipon. Ang pinakapangunahing punto ay na “isang masalimuot na kombinasyon ng mga sakit ang sipon​—hindi iisang sakit lamang, kundi maraming katulad nito, at ang lahat ng ito ay tumutugon sa lagay ng panahon sa mga paraang hindi pa nauunawaan,” ang sabi ng Times.

Sikolohikal na mga Problema sa Lugar ng Trabaho

“Ang mga sanhi ng pinsala sa lugar ng trabaho ay mabilis na nagbabago mula sa pisikal tungo sa sikolohikal,” ang sabi ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Mahigit sa 180 kompanya sa Canada ang nakilahok sa isang surbey hinggil sa pagharap sa mga pinsala sa lugar ng trabaho. Ipinakikita ng mga resulta na “79 na porsiyento ng mga tumugon ang nagsabing ang mga sikolohikal na kondisyon ang pangunahing sanhi ng pansamantalang mga pinsala at 73 porsiyento sa mga ito ang nagsabi na ang mga sakit na iyon ang Numero 1 sanhi ng nagtatagal na mga pinsala.” Kalakip sa ilang binanggit na dahilan ng pagtindi ng kaigtingan, kabalisahan, at depresyon sa lugar ng trabaho ay ang pagkakaroon ng mas matatandang manggagawa na nahihirapang umalinsabay sa bilis ng trabaho, mas mabibigat na trabaho, at makabagong teknolohiya na siyang dahilan para ituloy ng mga empleado ang mga trabaho nila maging sa kani-kanilang bahay, anupat nagbubunga ng isang “walang-katapusang araw ng pagtatrabaho.” Ayon kay Dr. Richard Earle, ng Canadian Institute of Stress ng Toronto, makatutulong ang mga nagpapatrabaho “sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga manedyer kung paano makikilala at mahaharap ang sikolohikal na mga sakit at sa pamamagitan ng paglalaan ng mga programa kung saan makatutulong ang mga nagpapatrabaho sa kanilang mga empleado at ng iba pang mga serbisyo.”