Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tahiti at ang Paghahanap sa Paraiso

Ang Tahiti at ang Paghahanap sa Paraiso

Ang Tahiti at ang Paghahanap sa Paraiso

Ilang araw nang sinisiklut-siklot ang barko sa Pasipiko. Sa napakatinding init ng araw, walang pagod at paulit-ulit na ginagawa ng mga magdaragat ang iyo’t iyon ding rutin at tiyak na nasusuka na sila sa maasim na alak, mabahong tubig, at bulok na pagkain. Walang anu-ano, biglang may narinig na sigaw: “Lupa! Nasa harapan ang lupa sa bandang kaliwa!” Sa may kalayuan, makikita ang anino ng taluktok ng isla. Pagkalipas ng ilang oras, wala nang pag-aalinlangan​—isang isla ang nakita.

Sapol nang makita ng mga Europeo ang islang ito, ang Tahiti ay naging kasingkahulugan na ng salitang “paraiso.” Ganito ang isinulat ng Pranses na manggagalugad na si Louis-Antoine de Bougainville noong ika-18 siglo, na nanguna sa ekspedisyong naglarawan sa nakasulat sa simula: “Akala ko ay dinala ako sa hardin ng Eden.” Pagkaraan ng dalawang siglo, ang Tahiti ay patuloy na nakaakit ng mga turista. Katulad ng mga nauna sa kanila, marami ang pumupunta roon na hinahanap ang paraiso.

Kung gayon, bakit labis na naaakit ang tao sa minimithing paraiso? At paanong ang Tahiti ay naging larawan ng pangarap na iyan? Para masagot iyan, balikan natin ang pasimula ng pag-iral ng tao.

Nawalang Paraiso

Makatuwiran naman kung bakit malalim ang epekto sa atin ng salitang “paraiso.” Sa simpleng pananalita, nilikha tayo para mabuhay sa Paraiso! Ayon sa Bibliya, pinagpala ng Diyos ang ating unang mga magulang ng isang tahanan na inilarawan bilang “paraiso”​—isang magandang parke, o hardin. (Genesis 2:8) Lumilitaw na sinakop ng parkeng ito ang maliit na bahagi ng rehiyong tinatawag na Eden, na nangangahulugang “Kaluguran.” Bagaman itinuturing ng mga iskolar sa ngayon na isang alamat ang Eden, ipinakikita ng Bibliya na tunay ang kasaysayan nito, anupat may maaasahang impormasyon sa heograpiya hinggil sa orihinal na kinaroroonan nito. (Genesis 2:10-14) Hindi na makilala ang dalawang heograpikong palatandaan nito​—ang mga ilog ng Pison at Gihon. Kaya ang eksaktong kinaroroonan ng hardin ay nananatiling misteryo.

Ang ating unang mga magulang ay naghimagsik laban sa Diyos kung kaya nawala ang Paraiso para sa ating lahat. (Genesis 3:1-23) Magkagayunman, hindi na nabura sa puso ng tao ang paghahangad sa paraiso. Mayroon pa ngang mga bakas ng ulat ng Bibliya na lumitaw sa mitolohiya ng maraming lupain. Halimbawa, nakagawa ang mga Griego ng alamat tungkol sa Ginintuang Panahon​—isang huwarang panahon nang ang buhay ng sangkatauhan ay maganda at mapayapa.

Sinikap ng marami na hanapin ang matagal nang nawawalang Eden. Hinanap ng iba ang Eden sa Etiopia​—siyempre pa, hindi nagtagumpay iyon. Sinabi pa nga ng isang alamat na isang klero noong ikaanim na siglo na nagngangalang Brendan ang nakatuklas ng paraiso sa isang isla sa bandang timog-kanluran ng Atlantiko. Inaangkin naman ng ibang alamat na nakatago ang paraiso sa napakataas na bundok. Palibhasa’y nasiraan ng loob sa magkakasalungat na mga alamat na ito, ganito ang malungkot na naibulalas ng kilalang manggagalugad na si Christopher Columbus: “Wala akong nasumpungan ni nabasa man na akda sa Latin o Griego na tiyak na nagsabi kung saang bahagi ng daigdig matutuklasan ang paraiso sa lupa.” Nang maglaon, nakumbinsi siya na matatagpuan ito sa bandang timog ng ekwador.

Pagkatapos ng kaniyang ikatlong paglalakbay sa Bagong Daigdig, sinabi ni Columbus: “Tila ang lupaing ito ang paraiso sa lupa, sapagkat tumutugma ito sa paglalarawan ng mga santo at ng matatalinong teologo na aking nabanggit.” Gayunman, ang Bagong Daigdig ay napatunayang hindi ang paraisong naguniguni ni Columbus.

Mga Utopia sa Hinaharap

Gayunman, hindi sumuko ang ilang iskolar. Sa halip na itaguyod ang pagbabalik sa Eden, sila ang nagpasimuno ng ideya ng isang paraiso sa hinaharap na gawa ng tao. Nagsimulang mag-imbento ang mga manunulat ng mga kuwento tungkol sa “sakdal” na mga lipunan​—isang kaayaayang pagkakaiba sa tiwaling mga lipunan na kanilang kinabubuhayan. Subalit, wala sa kathang-isip na mga planong ito ang tunay na katulad ng Eden. Sa halip na gunigunihin ang malayang buhay sa isang parkeng walang hangganan, minithi ng mapangaraping mga taong ito ang isang napakaorganisado at tulad-lunsod na paraiso. Halimbawa, noong ika-16 na siglo, inilahad ng Britanong estadista na si Sir Thomas More ang isang guniguning paglalakbay sa isang lupaing tinawag niyang Utopia. Ang salitang ito ay nangangahulugang “wala saanmang lugar.”

Idinagdag ng sumunod na mga manunulat ang ilang kaisipan nila sa ideya ni More. Ang mga “utopia” ay kinatha ng maraming manunulat na Europeo nang sumunod na mga siglo. Minsan pa, ang guniguni at “minimithing” mga lipunang ito ay hindi talaga mga hardin ng kaluguran. Sinikap na magkaroon ng kaligayahan sa Utopia sa pamamagitan ng paghihigpit sa mga tao. Subalit sa paggawa ng gayon, hinahadlangan nila ang pagiging mapanlikha at kalayaan ng tao. Magkagayunman, gaya ng naobserbahan ng propesor sa kasaysayan na si Henri Baudet, isinisiwalat ng pinapangarap na mga lipunang Utopia ang “di-nagmamaliw na pagnanais para sa isang mas mabuting buhay . . . at mas matuwid na lipunan.”

Tahiti​—Pasimula ng Isang Alamat

Noong ika-18 siglo, ang hindi pa nagagalugad na South Seas ang kahuli-hulihang tsansa para masumpungan ng mga manggagalugad ang hindi pa natutuklasang paraiso. Subalit nang maglayag si Bougainville patungo sa Pasipiko noong Disyembre 1766, ang pangunahing layunin niya ay manggalugad, manakop ng bagong mga kolonya, at magbukas ng bagong negosyo.

Pagkalipas ng ilang buwan ng paglalayag, natuklasan ni Bougainville ang Tahiti. Hindi niya naibaba ang angkla sa ibang mga isla na kaniyang nakita dahil sa mga bahurang korales nito. Ang Tahiti ay ligtas na daungan. Natuklasan doon ng pagod na pagod na mga tauhan ang mapagpatuloy na mga tao at saganang panustos. Para sa mga magdaragat na ito, nahigitan ng katotohanan ang waring kathang-isip na lugar. Hindi lamang isang tropikal na paraiso ang Tahiti kundi marami rin itong mga katangian na nahahawig sa kathang-isip na mga Utopia.

Halimbawa, ang Tahiti ay isang isla na may pamayanan, katulad ng mga lupaing Utopia na inilarawan sa mga kathang-isip. Isa pa, talagang taglay nito ang isang tulad-paraisong kalagayan. Daan-daang rumaragasang mga ilog at talon ang kalat-kalat sa mayabong at makapigil-hiningang tanawin. Waring lumago ang malusog at tropikal na mga pananim nang hindi pinaghihirapan ng mga tao. Ang waring sakdal na kagandahan ng Tahiti ay lalo pang pinaganda ng nakapagpapalusog na klima nito at kawalan ng karaniwang mga panganib sa tropiko. Walang mga ahas, mapanganib na mga insekto, o aktibong mga bulkan sa islang ito.

Isa pa, waring tumutugma ang pagkakalarawan ng utopia sa mga Tahitiano​—matatangkad, magaganda, at malulusog. Hangang-hanga ang mga bungal na magdaragat, na may namamagang mga gilagid dahil sa scurvy, sa mapuputing ngipin ng mga Tahitiano. Masayahin din ang mga nakatira roon; agad na naakit ang mga magdaragat sa kanilang pagkamapagpatuloy. Lumitaw rin na pantay-pantay ang lahat ng Tahitiano, sa paanuman sa unang tingin​—isa sa pangunahing mga katangian ng Utopia sa literatura. Walang karalitaan. Walang mga pagbabawal sa sekso ang mga Tahitiano. Sa katunayan, nagpakasasa sa imoral na relasyon ang mga magdaragat sa ilang kaakit-akit na mga babaing Tahitiano.

Oo, para kay Bougainville at sa kaniyang tripulante, waring ang Tahiti ang naisauling Eden. Kaya naman iniwan ni Bougainville ang isla, anupat sabik na sabik na ibalita sa mundo ang tungkol sa paraisong kaniyang natuklasan. Nang matapos niya ang tatlong-taóng paglilibot sa buong mundo, inilathala niya ang isang ulat tungkol sa kaniyang pambihirang mga karanasan. Palibhasa’y naging mabili ito, ang aklat ang pinagmulan ng kuwentong-bayan na ang kakaibang islang ito ay napakasakdal sa lahat ng pitak. Nawala nga ang paraiso, subalit waring ang Tahiti ang paraiso sa ngayon!

Ang mga Panganib ng Isang Kuwentong-Bayan

Gayunman, kadalasang sumasalungat ang kuwentong-bayan sa katotohanan. Halimbawa, ang mga Tahitiano ay nagkakasakit at namamatay gaya ng lahat. Sa halip na pantay-pantay ang lahat, namuhay sila sa isang mahigpit, at kung minsan ay mapaniil pa nga, na herarkiya ng lipunan. Nagdidigmaan ang kanilang mga tribo at naghahandog sila ng mga tao. Kagaya ng lahat ng tao, hindi naman lahat ng Tahitiano ay ubod nang ganda o napakaguwapo. At naniniwala ang istoryador na si K. R. Howe na ang mga babaing nakilala ng mga tauhan ni Bougainville ay malamang na “inutusang ipagbili ang kanilang katawan” upang mapaligaya ang mga mananakop.

Sa kabila nito, lumaganap pa rin ang kuwentong-bayan tungkol sa “natuklasang paraiso.” Dumagsa ang mga manunulat at mga pintor, gaya ng Pranses na pintor na si Paul Gauguin, sa lugar na iyon. Lalo pang pinasidhi ng makukulay na paglalarawan ni Gauguin sa buhay sa Tahiti ang popularidad ng isla. Ano ang epekto nito sa Tahiti? Dahil sa kuwentong-bayan ay nagkaroon ng iisang impresyon sa isla at sa mga nakatira roon. Pagbalik nila, karaniwan nang sinasabihan ang mga bumisita sa isla ng, “Ikuwento mo naman sa amin ang kakaibang karanasan mo sa mga babaing Tahitiano.”

Paraiso​—Isang Naglahong Pag-asa?

Nitong nakalipas na mga taon, napaharap ang Tahiti sa iba pang mga problema. Hinampas ng mga buhawi ang isla noong pasimula ng dekada ng 1980, anupat sinira ang mga bahura ng korales nito. Subalit ang pinakamalaking banta ay nagmumula sa tao mismo. Naagnas ang lupa at nagkaroon ng polusyon dahil sa mga proyekto sa pagtatayo. Si Donna Leong, isang eksperto sa pangangasiwa sa basura, ay nagsabi: “Nakalikha ang industriya ng turismo ng pagkarami-raming basura. . . . Kung hindi makokontrol na mabuti ang polusyon sa kanilang kapaligiran, ang Tahiti at ang iba pang isla ay hindi na magiging lupain ng saganang halaman at mga hayop at ng mga lawang mangasul-ngasul na kristal.”

Gayunman, tiyak na hindi naglaho ang pag-asa na maisauli ang paraiso. Aba, si Jesu-Kristo mismo ay nangako sa nagsising nagkasala: “Makakasama kita sa Paraiso”! (Lucas 23:43) Hindi tinutukoy ni Jesus ang mapaniil na Utopia, gaya ng paglalarawan sa kathang-isip, kundi ang pangglobong paraiso, na pinangangasiwaan ng makalangit na gobyerno. * Ang mahigit na 1,700 Saksi ni Jehova sa Tahiti ay naglalagak ng kanilang pag-asa sa Paraisong ito sa hinaharap. Handa nilang ibigay ang kanilang panahon upang maibahagi ang pag-asang iyan sa kanilang mga kapuwa. Bagaman maraming malaparaisong katangian ang magandang lugar ng Tahiti, nakakahawig lamang ito ng pangglobong Paraiso na malapit nang gawin ng Diyos. Hindi mawawalan ng kabuluhan ang paghahanap sa Paraisong ito.

[Talababa]

^ par. 24 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Diyos na Paraiso, tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 16]

Waring ang Tahiti ay isang sakdal na paraiso

[Credit Lines]

Ipinintang larawan ni William Hodges, 1766

Yale Center for British Art, Paul Mellon Collection, USA/Photo: Bridgeman Art Library

[Larawan sa pahina 17]

Tinanggap ng palakaibigang mga Tahitiano si Bougainville nang may pagkamapagpatuloy

[Credit Line]

By permission of the National Library of Australia NK 5066

[Larawan sa pahina 18]

Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na sabihin sa kanilang mga kapuwa ang tungkol sa Paraiso na malapit nang dumating

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Photo courtesy of Tahiti Tourisme

[Picture Credit Line sa pahina 19]

Pahina 18: Mga namamangka, talon, at larawan sa likuran: Photos courtesy of Tahiti Tourisme