Nagsosolong Magulang, Subalit Hindi Nag-iisa

Nagsosolong Magulang, Subalit Hindi Nag-iisa

Nagsosolong Magulang, Subalit Hindi Nag-iisa

“Kapag umuuwi ang mga bata at niyayapos ako at sinasabi sa akin na mahal nila ako, iyan ang pinakamasarap na bahagi sa pagiging isang ina.”​—DORIS, NAGSOSOLONG INA NA MAY DALAWANG ANAK.

MAKASUSUMPONG ng kaaliwan ang mga nagsosolong magulang sa sinabi ng Bibliya: “Ang mga anak ay isang pagpapala at isang kaloob mula sa PANGINOON.” (Awit 127:3, Contemporary English Version) Kung ang mga anak ay pinalaki sa pamilyang may nagsosolong magulang, mahalaga sila sa paningin ng Diyos. Nais ng ating Maylalang na magtagumpay ang mga pamilyang may nagsosolong magulang. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kaniya: “Ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo ay pinagiginhawa niya.” (Awit 146:9) Makatitiyak ang mga nagsosolong magulang na handa silang susuportahan ng Diyos.

Ang isang bata ay may karapatang palakihin sa isang maibigin, ligtas, at tiwasay na kapaligiran na magpapasulong sa kaniya sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Tungkulin at pribilehiyo ng bawat magulang na magamit sila ng Diyos upang sanayin ang isang bata.

Nasumpungan ng maraming nagsosolong magulang na ang tagumpay ay nangangailangan ng masikap na pananalangin, patuloy na pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, at lubusang pananalig kay Jehova. Kasuwato ito ng payong masusumpungan sa Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”

Sa pana-panahon, maaaring tumulong ang mga lolo’t lola, lokal na matatanda, at makaranasang mga magulang sa kongregasyong Kristiyano sa pamilyang may nagsosolong magulang upang maharap ang mahihirap na kalagayan. Tunay, makatutulong nang malaki sa pagsuporta ang mga miyembro ng pamilya at mga kapananampalataya sa mga pagsisikap ng mga nagsosolong magulang, subalit ang pangwakas na bigay-Diyos na pananagutan ay nakasalalay sa mga magulang ng bata. a

Nakatutuwa naman, matagumpay na naharap ng maraming nagsosolong magulang ang naiibang mga problema sa kanilang kalagayan at nakapagpalaki ng mga anak na responsable, mababait, at may takot sa Diyos. Nakausap ng Gumising! ang marami sa kanila. Narito ang ilang bagay na karaniwan sa mga magulang na ito.

Mahusay na pangangasiwa sa tahanan. Sinisikap ng matagumpay na mga nagsosolong magulang na maging lubhang organisado at gumagawa nang masikap upang pagtugmain ang mga iskedyul. Mahalaga ang wastong pagpaplano at organisasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.”​—Kawikaan 21:5.

Pagkadama ng pananagutan. Isa sa mga priyoridad ng matagumpay na mga nagsosolong magulang ang buhay pampamilya. Inuuna nila ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak kaysa sa sarili nila.​—1 Timoteo 5:8.

Isang timbang na paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Hindi minamaliit o pinalalaki ng matagumpay na mga nagsosolong magulang ang mga problema; humahanap sila ng mga solusyon. Tinatanggap nila ang mga suliranin at sinisikap na malutas ang mga ito nang hindi naaawa sa sarili o naghihinanakit.

Mahusay na pag-uusap. Hinihimok ng matagumpay na mga nagsosolong magulang ang pag-uusap. Pinasisigla nila ang malinaw at bukás na pagpapahayag ng mga kaisipan at damdamin sa loob ng pamilya. Ganito ang sabi ng isang nagsosolong ama tungkol sa kaniyang mga anak: “Kinakausap ko sila sa lahat ng pagkakataon. Mayroon kaming ‘relaks na mga sandali’ kapag naghahanda kami ng hapunan. Sa panahong iyan, talagang nagtatapat sila sa akin.”

Pangangalaga sa sarili. Sa kabila ng panahong hinihingi sa kanila, kinikilala ng matagumpay na mga nagsosolong magulang na mahalaga ang pangangalaga sa kanilang sariling espirituwal, emosyonal, at pisikal na mga pangangailangan. Ganito ang paliwanag ni Ethel, isang diborsiyadang nagsosolong ina na may dalawang anak: “Sinisikap kong magbigay ng panahon para sa aking sarili. Halimbawa, kapag tinuturuan ng isang kaibigan ko ang mga bata ng mga leksiyon sa musika, mayroon akong isang oras para sa aking sarili. Nauupo ako at hindi ko binubuksan ang TV.”

Isang positibong saloobin. Pinananatili ng matagumpay na mga nagsosolong magulang ang isang positibong saloobin may kinalaman sa pagiging magulang at sa buhay sa pangkalahatan. Nakikita nila ang positibong mga aspekto sa maiigting na kalagayan. Ganito ang sabi ng isang nagsosolong ina: “Natanto ko na hindi naman pala talaga nakasisira ng loob ang pagiging isang nagsosolong magulang.”

Matagumpay na mga Nagsosolong Magulang

Mabisa ba ang mga simulaing ito? Oo, gaya ng makikita mula sa maraming matagumpay na mga kuwento ng mga nagsosolong magulang. Si Gloria, isang diborsiyada, nagsosolo at nagtatrabahong ina sa Inglatera, na nabanggit sa unang artikulo, ay nagpalaki ng dalawang anak na lalaki at isang anak na babae. Silang tatlo ay lumaki at naging mga buong-panahong Kristiyanong ministro, na itinatalaga ang kanilang buhay sa pagtataguyod ng edukasyon sa Bibliya. Nang tanungin kung paano siya nagtagumpay, ganito ang paliwanag ni Gloria: “Ang unang hamon ay magmatiyaga sa pagdaraos ng isang regular at kawili-wiling pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Ibig kong ang mga bata ay maging maligaya, magkaroon ng kapayapaan ng isip, maging kontento, at maipagsanggalang mula sa mga patibong. Nakasumpong ako ng trabaho sa gabi. Ang aking layunin ay makasama ko ang mga bata kailanma’t magagawa ko. Bago ako pumasok sa trabaho, nananalangin kami bilang isang pamilya at saka ko sila patutulugin. Ang tiya ko ang nasa bahay habang ako ay nasa trabaho.”

Paano tinulungan ni Gloria ang kaniyang mga anak na magtakda ng tamang mga priyoridad? Sabi pa niya: “Ang pinakapangunahin kong tunguhin ay unahin ang espirituwal na mga bagay. Wala kaming gaanong salapi, at naging prangka ako sa mga bata tungkol dito. Anumang hinihiling kong gawin nila, ginagawa ko rin, at silang lahat ay nakikipagtulungan.” Sa paggunita kung paano niya pinanatiling malapít sa isa’t isa ang pamilya, ganito ang sabi ni Gloria: “Ang sekreto ay ang sama-samang paggawa ng mga bagay-bagay. Walang nagbubukod ng kaniyang sarili sa silid. Sama-sama kaming nagluluto, naglilinis, at naglalagay ng dekorasyon. Tinitimbang namin ang aming mga gawain. Lagi kong tinitiyak na nakapaglilibang din kami.”

Si Carolyn, isang nagsosolong ina ng isang batang lalaki na nagngangalang Joseph, ay natutuwa sa paraan ng paglaki nito. Ano ang sekreto niya? “Magkasama kaming nagbabasa ng Bibliya bago matulog,” aniya, “at pagkatapos ay tinatanong ko siya hinggil sa kaniyang natutuhan. Karagdagan pa, isinasaalang-alang namin ang piling mga parapo mula sa mga publikasyong salig sa Bibliya at personal na ikinakapit ang mga ito. Tumutulong ito kay Joseph kapag napapaharap siya sa mga problema, gaya ng pananakot ng mga maton sa paaralan.” Inaamin ni Carolyn na ang kaniyang buhay ay hindi madali, subalit nadarama niyang hindi siya nag-iisa. Sabi niya: “Isa itong palagiang pakikipagpunyagi, subalit nadarama ko na talagang tinutulungan ako ni Jehova. Tumatanggap din ako ng maraming pampatibay-loob mula sa kongregasyong Kristiyano.”

Pinatutunayan ng matagumpay na mga kuwento ng libu-libong nagsosolong magulang, gaya nina Gloria at Carolyn, na makaaasa ang mga magulang sa ngayon sa mga simulain ng Bibliya na subók na ng panahon upang makapagpalaki ng mga anak na mahuhusay at matatag sa espirituwal. (Kawikaan 22:6) Posibleng magtagumpay! Ang pagiging nagsosolong magulang ay naghaharap ng maraming hamon na mga pagkakataon naman para sa pag-unlad at pagbahagi. Ang lubusang pananalig sa Diyos at pagiging kumbinsido na maglalaan siya ng tulong ang pinakamainam na paraan upang maharap ang mga kaigtingan ng pagiging nagsosolong magulang.​—Awit 121:1-3.

[Talababa]

a Para sa karagdagang impormasyon sa kung paano maaaring magtagumpay ang mga pamilyang may nagsosolong magulang, tingnan Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, kabanata 9, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 11]

Nakatulong ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya sa tatlong anak ni Gloria na maging buong-panahong mga ministrong Kristiyano. Tinitingnan nila rito ang isang liham at isang larawan mula sa panganay na anak na lalaki, na naglilingkod ngayon bilang isang misyonero

[Mga larawan sa pahina 12]

Si Carolyn at ang kaniyang anak, si Joseph