Pinalakas ng Pananalig sa Diyos

Pinalakas ng Pananalig sa Diyos

Pinalakas ng Pananalig sa Diyos

AYON SA SALAYSAY NI RACHEL SACKSIONI-LEVEE

NANG PAULIT-ULIT AKONG SUNTUKIN NG BANTAY SA MUKHA DAHIL SA TUMANGGI AKONG MAGTRABAHO SA MGA PIYESA PARA SA MGA EROPLANONG PAMBOMBA NG NAZI, SINABI SA KANIYA NG ISA PANG BANTAY: “MABUTI PA’Y TUMIGIL KA NA. ANG MGA ‘BIBELFORSCHER’ NA IYAN AY MAGPAPABUGBOG HANGGANG SA KAMATAYAN ALANG-ALANG SA KANILANG DIYOS.”

NANGYARI ito noong Disyembre 1944 sa Beendorff, isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho para sa mga babae na malapit sa mga minahan ng asin sa gawing hilaga ng Alemanya. Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako napunta roon at kung paano ako nakaligtas noong mga huling buwan ng Digmaang Pandaigdig II.

Ako’y isinilang sa isang pamilyang Judio sa Amsterdam, sa Netherlands, noong 1908, ang ikalawa sa tatlong babae. Ang aking ama ay isang tagapagpakinis ng brilyante, gaya ng maraming Judio sa Amsterdam bago ang Digmaang Pandaigdig II. Namatay siya nang ako’y 12 taon, at pagkatapos niyan si Lolo ay pumisan sa amin. Si Lolo ay isang debotong Judio, at tiniyak niya na kami’y mapalaki ayon sa mga tradisyong Judio.

Sa pagsunod sa mga yapak ni Tatay, natutuhan ko ang hanapbuhay na pagtabas ng brilyante, at noong 1930, nag-asawa ako ng isang katrabaho. Nagkaroon kami ng dalawang anak​—si Silvain, isang masigla at malakas ang loob na batang lalaki, at si Carry, isang malambing at tahimik na batang babae. Sa kasamaang palad, hindi nagtagal ang pagsasama naming mag-asawa. Noong 1938, sandaling panahon pagkatapos naming magdiborsiyo, napangasawa ko si Louis Sacksioni, na isa ring tagapagpakinis ng brilyante. Noong Pebrero 1940, isinilang ang aming anak na babae, si Johanna.

Bagaman si Louis ay Judio, hindi niya isinasagawa ang kaniyang relihiyon. Kaya hindi na kami nagdiriwang ng mga kapistahang Judio na nasumpungan kong kaakit-akit bilang isang bata. Talagang hinahanap-hanap ko iyon, subalit sa aking puso ay patuloy akong naniniwala sa Diyos.

Pagbabago ng Relihiyon

Noong mga unang buwan ng 1940, ang taon na sinimulang sakupin ng mga Aleman ang Netherlands, isang babae ang dumalaw sa aming tahanan at nakipag-usap sa akin tungkol sa Bibliya. Wala akong gaanong naintindihan sa kaniyang sinabi, subalit tinatanggap ko ang literatura mula sa kaniya kailanma’t dumarating siya. Gayunman, hindi ko binabasa ang iniiwan niya sapagkat ayaw ko ng anumang bagay na may kaugnayan kay Jesus. Ako’y naturuan na siya ay isang apostatang Judio.

Pagkatapos, isang araw ay dumating sa aking pinto ang isang lalaki. Ibinangon ko sa kaniya ang mga tanong na gaya ng “Bakit hindi lumalang ang Diyos ng ibang tao pagkatapos magkasala sina Adan at Eva? Bakit napakaraming kahapisan? Bakit napopoot sa isa’t isa at nakikipagdigma ang mga tao?” Tiniyak niya sa akin na kung magtitiyaga ako, sasagutin niya ang aking mga katanungan mula sa Bibliya. Kaya isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang isinaayos.

Gayunman, tinanggihan ko ang ideya na si Jesus ang Mesiyas. Subalit pagkatapos manalangin hinggil sa bagay na ito, sinimulan kong basahin sa Bibliya ang mga hula may kinalaman sa Mesiyas, anupat nakikita ang mga ito sa ibang pananaw. (Awit 22:7, 8, 18; Isaias 53:1-12) Pinangyari ni Jehova na maunawaan ko na ang mga hulang iyon ay natupad kay Jesus. Ang aking asawa ay hindi interesado sa natututuhan ko, subalit hindi siya tutol sa aking pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova.

Nagtatago​—Subalit Nangangaral Pa Rin

Ang pananakop ng mga Aleman sa Netherlands ay isang mapanganib na panahon para sa akin. Sapagkat hindi lamang ako isang Judio, na inilalagay ng mga Aleman sa mga kampong piitan, kundi ako rin ay isa sa mga Saksi ni Jehova, isang relihiyosong organisasyong sinisikap lipulin ng mga Nazi. Gayunman, nanatili akong aktibo, anupat gumugugol ng katamtamang 60 oras sa isang buwan sa pagsasabi sa iba tungkol sa aking bagong nasumpungan na pag-asang Kristiyano.​—Mateo 24:14.

Isang gabi noong Disyembre 1942, ang asawa ko ay hindi umuwi mula sa trabaho. Gaya ng nangyari, siya’y dinakip sa kaniyang pinagtatrabahuhan kasama ng kaniyang mga katrabaho. Hindi ko na siya kailanman nakitang muli. Pinayuhan ako ng aking mga kapuwa Saksi na magtago na kasama ng aking mga anak. Tumira ako kasama ng isang kapatid na babaing Kristiyano sa kabilang panig ng Amsterdam. Sapagkat lubhang mapanganib para sa aming apat na manatili sa iisang tirahan, kinailangan kong iwan ang aking mga anak sa iba.

Ako’y madalas na muntik-muntikan nang di-makaligtas. Isang gabi, isang Saksi ang nagsama sa akin sa isang bagong taguan sakay ng kaniyang bisikleta. Gayunman, ang ilaw sa kaniyang bisikleta ay hindi gumagana, at kami’y pinahinto ng dalawang pulis na Olandes. Inilawan nila ng kanilang mga flashlight ang aking mukha at namukhaan nilang ako’y isang Judio. Mabuti na lamang, sinabi lamang nila: “Magpatuloy kayong mabilis​—subalit maglakad kayo.”

Nadakip at Nabilanggo

Isang umaga noong Mayo 1944 nang magsisimula na ako sa aking ministeryo, ako’y dinakip​—hindi dahil sa ako’y isang Saksi kundi dahil sa ako’y isang Judio. Dinala ako sa isang bilangguan sa Amsterdam, kung saan nanatili ako roon sa loob ng sampung araw. Pagkatapos ay inihatid ako sakay ng tren, kasama ng iba pang mga Judio, sa transit camp ng Westerbork sa hilagang-silangang bahagi ng Netherlands. Mula roon, ang mga Judio ay dinala sa Alemanya.

Sa Westerbork ay nakita ko ang aking bayaw at ang kaniyang anak na lalaki, na dinampot din. Ako lamang ang Saksi sa mga Judio, at palagi akong nananalangin kay Jehova na palakasin ako. Pagkalipas ng dalawang araw, ang aking bayaw, ang kaniyang anak na lalaki, at ako ay nakaupo sa isang tren ng baka na papaalis na patungong Auschwitz o Sobibor, mga kampong patayan sa Poland. Walang anu-ano, tinawag ang pangalan ko, at ako’y dinala sa ibang tren​—isang regular na pampasaherong tren.

Nasa loob ng tren ang dating mga kasamahan ko sa negosyo ng brilyante. Halos isang daang manggagawa ng brilyante ang dinala sa Bergen-Belsen sa hilagang bahagi ng Alemanya. Nang maglaon, nalaman ko na ang aking trabaho ang nagligtas ng aking buhay, sapagkat ang mga Judio na nagtungo sa Auschwitz at sa Sobibor ay karaniwang deretsong nagtutungo sa mga gas chamber. Iyan ang nangyari sa aking asawa, sa aking dalawang anak, at sa iba pang kamag-anak. Gayunman, noong panahong iyon, hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanila.

Sa Bergen-Belsen, kaming mga tagatabas ng brilyante ay pinatuloy sa isang pantanging kuwartel. Upang maingatan ang aming mga kamay para sa aming delikadong gawain, hindi kami hinilingang magtrabaho ng ibang gawain. Ako lamang ang Saksi sa aming grupo, at buong tapang na sinabi ko sa aking mga kapuwa Judio ang tungkol sa aking bagong natagpuang pananampalataya. Subalit minalas nila ako bilang isang apostata, katulad ng naging pangmalas kay apostol Pablo noong unang siglo.

Wala akong Bibliya, at naghahangad ako ng espirituwal na pagkain. Isang doktor na Judio sa kampo ang may isang Bibliya, at ibinigay niya ito sa akin bilang kapalit ng ilang pirasong tinapay at mantikilya. Gumugol ako ng pitong buwan na kasama ng ‘grupong iyon ng mga manggagawa ng brilyante’ sa Bergen-Belsen. Masasabing mahusay ang pagtrato sa amin, na siyang ikinagalit ng ibang bilanggong Judio sa amin. Gayunman sa wakas, lumitaw na walang natagpuang mga brilyante na maipagagawa sa amin. Kaya noong Disyembre 5, 1944, mga 70 sa amin na babaing Judio ang dinala sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho para sa mga babae sa Beendorff.

Pagtangging Gumawa ng mga Sandata

Sa mga minahan na malapit sa kampo, humigit-kumulang 400 metro sa ilalim ng lupa, ang mga bilanggo ay pinagtrabaho sa paggawa ng mga piyesa ng mga eroplanong pambomba. Nang tumanggi akong gawin ang trabahong ito, tumanggap ako ng ilang malalakas na suntok. (Isaias 2:4) Sinigawan ako ng bantay na kailangang maghanda akong magtrabaho kinabukasan.

Kinaumagahan, hindi ako nagreport sa roll call, anupat ako’y nanatili sa kuwartel. Natitiyak ko na ako’y babarilin, kaya’t ako’y nanalangin na gantimpalaan nawa ako ni Jehova sa aking pananampalataya. Paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili ang awit sa Bibliya: “Sa Diyos ako naglalagak ng aking tiwala. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?”​—Awit 56:11.

Hinalughog ang kuwartel, at ako’y inilabas. Iyan ang pagkakataon na paulit-ulit akong sinuntok ng isa sa mga bantay, na nagtatanong: “Sino ang hindi nagpapahintulot sa iyo na magtrabaho?” Sa bawat pagkakataon, sinasabi ko na ang Diyos ang nagsabi nito. Iyan ang pagkakataon nang sabihin sa kaniya ng isa pang bantay: “Mabuti pa’y tumigil ka na. Ang mga Bibelforscher a na iyan ay magpapabugbog hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanilang Diyos.” Ang kaniyang pananalita ay lubhang nagpatibay sa akin.

Yamang ang paglilinis ng mga palikuran ay iniaatas bilang parusa at siyang pinakamaruming trabaho na naiisip ko, nag-alok akong gawin ito. Maligaya akong gawin ang atas na iyon sapagkat ito ang trabahong magagawa ko nang buong sikap. Isang umaga, dumating ang kumandante ng kampo, na kinatatakutan ng lahat. Tumayo siya sa harap ko at nagsabi: “Ah, ikaw ba ang Judio na ayaw magtrabaho?”

“Nakikita po ninyo na ako’y nagtatrabaho,” ang tugon ko.

“Subalit hindi ka magtatrabaho para sa pagsisikap ng digmaan, di ba?”

“Hindi po,” ang sagot ko. “Ayaw po iyan ng Diyos.”

“Subalit hindi ka naman makikibahagi sa pagpatay, di ba?”

Ipinaliwanag ko na kung makikibahagi ako sa paggawa ng mga sandata, malalabag ko ang aking budhing Kristiyano.

Kinuha niya ang aking walis at sinabi: “Mapapatay kita sa pamamagitan nito, di ba?”

“Tiyak po,” ang sagot ko, “subalit ang walis po ay hindi ginawa para riyan. Ang baril po ay ginawa para pumatay.”

Pinag-usapan namin ang hinggil kay Jesus bilang isang Judio at ang katotohanan na bagaman ako’y Judio, ako’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang umalis na siya, nagpuntahan sa akin ang mga kapuwa bilanggo, na nagtakang mayroon akong lakas ng loob na makipag-usap nang napakahinahon sa kumandante ng kampo. Sinabi ko sa kanila na hindi ito lakas ng loob, kundi nagawa ko ito dahil sa aking Diyos na nagpalakas sa akin na gawin iyon.

Pagkaligtas sa Wakas ng Digmaan

Noong Abril 10, 1945, habang papalapit ang mga puwersang Alyado sa Beendorff, kailangan naming tumayo sa bakuran para sa roll call nang halos maghapon. Pagkatapos, mga 150 sa amin na mga babae ang isiniksik sa mga tren ng baka, nang walang pagkain o tubig. Ang mga tren ay umalis patungo sa di-nalalamang destinasyon, at sa loob ng ilang araw ay naglakbay kami nang paroo’t parito sa pagitan ng mga hangganan ng digmaan. Sinakal ng ilan ang kanilang mga kapuwa bilanggo upang magkaroon ng higit na lugar sa loob ng mga bagon, at bunga nito, marami sa mga kababaihan ang dumanas ng pagkasira ng isip. Ang nagpangyari sa akin na magpatuloy ay ang aking pananalig sa pangangalaga ni Jehova.

Isang araw, ang aming tren ay huminto malapit sa kampo ng mga lalaki, at kami’y pinahintulutang lumabas. Ang ilan sa amin ay binigyan ng mga timba upang kumuha ng tubig mula sa kampo. Pagdating ko sa gripo, uminom muna ako nang husto at saka ko pinuno ang aking timba. Pagbalik ko, dinaluhong ako ng mga babae na parang mababangis na hayop. Ang lahat ng tubig sa timba ay natapon. Ang SS (mga miyembro ng pantanging mga bantay ni Hitler) ay tumayo lamang doon at nagtatawa. Pagkalipas ng 11 araw, dumating kami sa Eidelstedt, isang kampo sa arabal ng Hamburg. Halos kalahati ng aming grupo ang namatay bunga ng mga kahirapan sa paglalakbay.

Isang araw samantalang nasa Eidelstedt, binabasa ko ang Bibliya sa ilang kababaihan. Walang anu-ano, tumayo sa bintana ang kumandante ng kampo. Talagang natakot kami sapagkat ang Bibliya ay isang ipinagbabawal na aklat sa kampo. Pumasok ang kumandante, kinuha ang Bibliya, at nagsabi: “Ito pala ang Bibliya, ha?” Laking ginhawa ko nang isinauli niya ito, na nagsasabi: “Kung mamatay ang isa sa mga babae, kung gayon ay kailangan mong bumasa nang malakas mula rito.”

Muling Nakasama ang mga Kapuwa Saksi

Pagkatapos naming mapalaya pagkaraan ng 14 na araw, dinala kami ng Red Cross sa isang paaralan malapit sa Malmȯ, Sweden. Doon ay sandali kaming ikinuwarentenas. Hiniling ko sa isa sa mga tagapag-aruga sa amin kung maaari ba niyang ipaalam sa mga Saksi ni Jehova na naririto ako sa tirahan ng mga nagsilikas. Pagkaraan ng ilang araw, tinawag ang pangalan ko. Nang sabihin ko sa babae na ako’y isang Saksi, nagsimula siyang humikbi. Siya man ay isang Saksi! Pagkatapos niyang huminahon, sinabi niya sa akin na ang mga Saksi sa Sweden ay laging nananalangin para sa kanilang mga Kristiyanong kapatid sa mga kampong piitan ng Nazi.

Mula noon, isang kapatid na babae ang dumarating araw-araw na may dalang kape at pagkaing matamis. Pagkatapos umalis sa tirahan ng mga nagsilikas, ako’y inilipat sa isang lugar na malapit sa Gȯteborg. Doon ay nagsaayos ang mga Saksi ng isang magarbong pagtitipon para sa akin noong hapon. Bagaman hindi ko sila nauunawaan, nakapagpapasigla ng puso na minsan pa’y makapiling ang aking mga kapatid na lalaki at babae.

Samantalang nasa Gȯteborg, tumanggap ako ng isang sulat mula sa isang Saksi sa Amsterdam na nagsasabi sa akin na ang aking mga anak na sina Silvain at Carry at lahat ng aking mga kamag-anak ay dinampot at hindi na kailanman bumalik. Tanging ang aking anak na babaing si Johanna at ang aking bunsong kapatid na babae ang nakaligtas. Kamakailan ay nakita ko ang mga pangalan ng aking anak na lalaki at babae sa talaan ng mga Judio na pinatay sa pamamagitan ng gas sa Auschwitz at Sobibor.

Gawain Pagkatapos ng Digmaan

Nang bumalik ako sa Amsterdam at muling nakasama si Johanna, na noo’y limang taon, agad kong sinimulang muli ang ministeryo. Kung minsan ay natatagpuan ko yaong mga naging miyembro ng NSB, ang Dutch National-Socialist Movement, ang partido pulitikal na nakipagtulungan sa mga Aleman. Ang mga ito ay tumulong sa pagpaslang sa halos buong pamilya ko. Kailangan kong mapagtagumpayan ang negatibong damdamin upang maibahagi sa kanila ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Palagi kong iniisip na si Jehova ang nakababasa ng puso at sa wakas ay siya ang hahatol, hindi ako. At talagang ako’y pinagpala dahil diyan!

Nagsimula ako ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang babae na ang asawa ay nabilanggo dahil sa pakikipagtulungan niya sa mga Nazi. Kapag umaakyat ako sa hagdan patungo sa kanilang bahay, naririnig ko ang mga kapitbahay na nagsasabi: “Tingnan ninyo! Dinadalaw na naman ng Judiong iyon ang mga taong NSB.” Subalit sa kabila ng matinding pagsalansang mula sa kaniyang nakapiit na asawa na laban sa mga Judio, ang babaing ito at ang kaniyang tatlong anak na babae ay pawang naging mga Saksi ni Jehova.

Sa aking kasiyahan, nang maglaon ang aking anak na si Johanna ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova. Kami ay lumipat upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Nagtamasa kami ng maraming espirituwal na pagpapala. Ako ngayon ay nakatira sa isang maliit na bayan sa timog ng Netherlands, kung saan ako’y madalas na nakikibahagi sa gawaing pangangaral na kasama ng kongregasyon hangga’t magagawa ko. Sa pagbabalik-tanaw, masasabi ko lamang na hindi ko nadama kailanman na ako’y pinabayaan ni Jehova. Lagi kong nadarama na si Jehova at ang kaniyang minamahal na Anak, si Jesus, ay sumasaakin, kahit na sa pinakamasamang panahon.

Noong panahon ng digmaan, namatay ang aking asawa, ang dalawa sa aking mga anak, at ang karamihan sa aking pamilya. Gayunman, ang aking pag-asa ay makitang muli silang lahat sa bagong sanlibutan ng Diyos sa malapit na hinaharap. Kapag ako’y nag-iisa at ginugunita ko ang naranasan ko, binubulay-bulay ko taglay ang kagalakan at pasasalamat ang pananalita ng salmista: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.”​—Awit 34:7.

[Talababa]

a Ang pangalan na kilala ang mga Saksi ni Jehova noon sa Alemanya.

[Larawan sa pahina 20]

Ang mga Judio na dinadala sa Alemanya mula sa kampo sa Westerbork

[Credit Line]

Herinneringscentrum kamp Westerbork

[Larawan sa pahina 21]

Kasama ng aking mga anak na sina Carry at Silvain, kapuwa namatay sa Holocaust

[Larawan sa pahina 22]

Samantalang nakakuwarentenas sa Sweden

[Larawan sa pahina 22]

Pansamantalang kard na pagkakakilanlan para sa aking repatriasyon

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ang aking anak na si Johanna sa ngayon