Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Mapaminsalang Kagandahan

Ang water hyacinth ay isang halamang-tubig na may magandang purpurang bulaklak. Inilagay sa Lake Victoria sa Aprika ilang dekada na ang nakalilipas, ang hyacinth ay dumami nang napakabilis anupat tinatakpan na nito ngayon ang 2,000 kilometro kuwadrado na pang-ibabaw ng lawa, na nakasisira sa mahalagang industriya ng pangingisda na nagpapakain sa milyun-milyong tao sa katabing mga bansa ng Kenya, Tanzania, at Uganda. Nagdulot ito ng malulubhang suliranin sa mga planta ng tubig at hydroelectric sa Uganda dahil bumabara ito sa mga tubo na nagsusuplay ng tubig. Nagsisilbi rin itong isang angkop na kapaligiran para sa mga lamok, susô, at mga ahas, na nagiging dahilan sa pagdami ng mga tuklaw ng ahas at mga kaso ng malarya at schistosomiasis (bilharzia). Bagaman naglagay na ng mga weevil (isang uri ng salagubang) na kumakain lamang ng mga hyacinth, sa kasalukuyan ay hindi sila makaagapay sa napakabilis na paglago ng halamang ito. Ang mga komunidad na nangingisda ay bumaling sa manu-manong pag-aalis ng hyacinth, anupat nakapagtipon sila ng libu-libong tonelada. Ngunit napatunayang ito’y isang pansamantalang solusyon lamang. Ang World Bank ay kasali sa isang multimilyong dolyar na proyekto upang linisin ang lawa.

Huwad na Fossil ng Ibon

Isang fossil na natuklasan sa Lalawigan ng Liaoning, sa Tsina, ay iniulat ng National Geographic na “isang tunay na missing link sa masalimuot na kawing na nag-uugnay sa mga dinosauro sa mga ibon.” Ang fossil, na pinanganlang Archaeoraptor liaoningensis, ay sinasabing may buntot ng isang dinosauro at dibdib at balikat ng isang ibon. Gayunman, nakukumbinsi na ngayon ang mga siyentipiko na “sila’y nalinlang ng isang munting pandaraya sa fossil,” ang ulat ng Science News. Ang mga paleontologo na sumuri sa fossil ay naghinala pagkatapos nilang mapansin na ang mga buto na nagdurugtong ng buntot sa katawan ay nawawala at na ang tapyas ng bato ay kakikitaan ng mga palatandaan ng pagkakabago. Naghihinala si Philip Currie, ng Royal Tyrrell Museum of Paleontology sa Drumheller, Alberta, Canada, na may taong “nagsikap na pataasin ang kahalagahan ng Archaeoraptor sa pamamagitan ng pagdirikit sa isang bahagi ng buntot ng dinosauro sa fossil ng isang ibon,” ang sabi ng ulat.

Mabibilis Bumaril sa Ilalim ng Tubig

Para bang ito’y isang pelikulang Kanluranin: Magkaharap ang magkaduwelo, ang kanilang mga sandata ay kargado at nakakasa. Pagkatapos magpaputok at umatras ang unang kalaban, ang isa naman ang umasinta at nagpaputok. Ngunit kapag naglalaban ang mga pistol shrimp (isang uri ng hipon), walang nasasaktan, yamang lagi silang nasa ligtas na distansiya sa isa’t isa. Gayunman, gaya ng napaulat sa magasing pambalita na Der Spiegel, ang mga sumisirit na tubig mula sa kanilang kanang sipit ay nakasasakit din. Ang baril ng tubig ay ginagamit din upang gulatin at patayin ang mga sisilain na tulad ng mga bulati, alimango, at maliit na isda. Ang sirit ng tubig, na bunga ng biglang pagsasara ng sipit taglay ang malakas na puwersa, ay may sapat na lakas pa nga upang basagin ang salamin na dingding ng isang akuwaryum. Kung sakaling maputol ang sandata ng isang pistol shrimp na ito, ang maliit na “mabilis bumaril” ay nagiging kaliwete, anupat ang kaniyang kaliwang sipit ay nagiging isang bagong baril, samantalang ang dating kamay na ipinamamaril ay nagpapatubo ng isang bagong karaniwang sipit.

Iniluklok sa Trono ang Isang Nabubuhay na Buddha

“Pinamunuan ng mga awtoridad na Tsino ang pagluluklok sa isang 2-taóng-gulang na batang lalaki bilang isang mahalagang ‘nabubuhay na Buddha’ sa relihiyon ng mga taga-Tibet,” ang ulat ng The New York Times. Ang batang lalaki na si Soinam Puncog, ay napili mula sa 670 batang lalaki upang maglingkod bilang ang ikapitong Reting Lama. Ang mga monghe na pumili sa lama ay sinasabing gumamit ng panghuhula upang mapili siya. “Ngunit pinagdududahan kung tatanggapin ng karamihan ng mga tao at mga mongheng taga-Tibet ang pagiging tunay ng bata,” ang sabi ng pahayagan. Bakit? Sapagkat mas maaga nito ay ipinatalastas ng Dalai Lama, ang pinakamataas na lider ng relihiyon sa Tibet, ang kaniyang sariling pili para sa Reting Lama. Sa mga nakalipas na panahon, ang mga Reting Lama ay naglingkod bilang mga pansamantalang pinuno kapag wala ang mga Dalai Lama.

Mga Idolong Nagdudulot ng Polusyon

Ang paglulubog ng mga idolo sa pinakamalapit na dakong may tubig pagkatapos ng isang seremonyal na pista ay isang kaugalian sa mga Hindu. Hindi ito isang suliranin sa kapaligiran noong ang mga idolo ay pinipinturahan ng mga kulay na gawa sa mga tina mula sa bulaklak o gulay. Gayunman, nang gumamit ang mga tagagawa nito ng pintura na gawa sa mga sangkap na metal at mga sangkap na nagdudulot ng kanser, ang ilang lugar sa India ay nakaranas ng malubhang polusyon sa tubig pagkatapos na ilubog ang libu-libong idolo sa mga batis at mga lawa. Upang malimitahan ang polusyon sa tubig, tinipon ng mga residente sa isang bayan ang daan-daang idolo at dinala ang mga ito sa isang malaking lote kung saan pinagbabasag nila ang mga idolo. Iminungkahi ng magasing Down to Earth na gawin ito sa lahat ng dako sa India at na ang mga gumagawa ng mga idolo ay bumalik sa paggamit ng tradisyunal na mga tina sa halip na mga pinturang sintetiko. “Kung hindi,” ang sabi ng magasin, “ang mga ilog na sinasamba ng mga Hindu ay maaaring malason ng mga idolo na kanilang sinasamba.”

Pandaigdig na Surbey sa mga Kabataan

Isang surbey sa mahigit na 4,300 kabataan na nasa pagitan ng edad 12 at 24 ang nagsiwalat na pinahahalagahan ng mga kabataan sa ngayon ang tradisyunal na mga pamantayan, tulad ng pagiging mapagkakatiwalaan, magalang, at masikap na paggawa, ang ulat ng The Globe and Mail. Ayon sa Angus Reid Group, na nagtanong sa mga kabataan mula sa 11 iba’t ibang bansa, 95 porsiyento ang nagsabi na ang pinakamahalagang pamantayan ay ‘pagtupad mo sa iyong salita.’ “Ang pagpapakita ng paggalang sa iba” ay kinilala ng 92 porsiyento bilang ang susunod na pinakamahalagang pamantayan, at ang “masikap na paggawa” ay lubhang pinahahalagahan ng 83 porsiyento sa mga tumugon. Bagaman “halos walo sa 10 ang may palagay na mahalagang magkaroon ng panghabang panahong kapareha,” 56 na porsiyento lamang ang nagturing na mahalaga ang pagpapakasal. Nakapagtataka, 31 porsiyento lamang ang may palagay na ang “pagiging tunay na mayaman” ay isang mahalagang pamantayan. Ipinakikita rin ng pagsusuri na 45 porsiyento lamang ang “positibo hinggil sa ika-21 siglo.”

Mga Katotohanan Hinggil sa Web-Site

Ang World Wide Web (Internet) ay isang malawak na kawing ng computer na nag-uugnay sa milyun-milyong computer sa buong daigdig. Upang malaman kung gaano kalawak ito, ang Inktomi, isang kompanya ng Internet software, ay gumugol nang apat na buwan sa pagsusuri at pagkakatalogo ng Web. Ano ang natuklasan nito? Ang bilang ng indibiduwal na mga pahina ay umabot sa mahigit na isang bilyon! Ang Ingles sa kasalukuyan ang pinakakaraniwang wika na matatagpuan sa Web. Ito’y ginagamit sa mahigit na 86 na porsiyento ng pagkakataon. Mahigit lamang sa 2 porsiyento ng lahat ng mga dokumento sa Web ang nasa wikang Pranses, at ang Olandes ay may dami lamang na halos 0.5 porsiyento.

Nakalalasong Gamot?

Ang mga pagkakamaling medikal ay pumapatay ng mula 44,000 hanggang 98,000 naoospital na mga Amerikano bawat taon, ang ulat ng Institute of Medicine. Ang suliranin ay sinasabing bunga ng mga pagkakamali sa paraan ng pagpapatakbo ng mga ospital, klinika, at mga parmasya. Halimbawa, ang mga parmasiyutiko na naghahanda ng mga reseta ay kadalasang nahihirapan dahil sa hindi mabasang sulat-kamay ng mga doktor. Ang inireseta ba ng doktor ay sampung miligramo o sampung mikrogramo? Dagdag pa sa suliranin ang maraming gamot na may magkakatunog na pangalan, na kapuwa makalilito sa mga doktor, nars, parmasiyutiko, at mga pasyente. Ang Institute of Medicine ay nag-utos ng 50-porsiyentong pagbabawas sa medikal na mga pagkakamali sa loob ng limang taon.

Ang Internet at ang mga May-Edad

Ang electronic mail ay napatutunayang isang malaking tulong sa mga may-edad na nasa pangangalaga ng isang institusyon. “Sinasabi ng mga eksperto na ang mga naninirahan sa nursing home, maging ang mga masasakitin, ay mabilis na nahihilig sa mga computer at makapagpapasigla sa kanilang buhay sa pamamagitan ng e-mail at ng Internet,” ang sabi ng The New York Times. “Ang mga taong pinag-aaralang mabuti ang teknolohiyang ito ay nakapagtatamo ng kumpiyansa na nakaaapekto sa ibang mga aspekto ng kanilang buhay, at ipinagmamapuri ng marami ang makatulong sa pagtuturo ng mga kakayahang ito sa kanilang kapuwa mga residente.” Hindi lamang pinangyayari ng E-mail na makipag-ugnayan ang mga may-edad sa kanilang mga miyembro ng pamilya na nasa malayo, mga tagapaglaan ng kalinga sa kalusugan, at matatagal nang kaibigan kundi malaki rin ang nagagawa nito upang malabanan ang pagkadama ng kawalang-kaya, pagkabagot, at kalungkutan na nagpapahirap doon sa mga pinanatili sa mga nursing home at naratay sa mga silyang de-gulong bunga ng karamdaman at pagtanda. Nadaragdagan ang kasiglahan, at ang panlulumo ay nababawasan din. Ang ilang may-edad ay sumasali pa nga sa on-line na mga programa sa edukasyon, na nagpapangyaring maipasa nila ang kanilang natamong kaalaman at karunungan sa mga henerasyong darating. Gayunman, kailangang gawin ang ilang pagbabago. Kabilang dito ang mga keyboard na mas madaling gamitin at isang madaling pamamaraan upang palakihin ang letra ng imprenta.

Gawang-Tao na mga Kakapusan sa Pagkain

“Ang mga kasakunaang pinangyari ng tao tulad ng labanang sibil at mga krisis sa ekonomiya ay may higit na epekto sa mga kakapusan sa pagkain kaysa sa mga krisis na pinangyari ng kalikasan,” ang ulat ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO). Si Hartwig de Haen, katulong na direktor-panlahat ng FAO, ay nagsabi: “Noong 1984, ang mga kasakunaang gawa ng tao ay nagdulot ng halos sampung porsiyento lamang ng kabuuang mga emerhensiya. Ngayon, ito’y mahigit nang 50 porsiyento.” Tinatayang 52 milyong katao mula sa 35 bansa ang napapaharap sa kakapusan sa pagkain. Idinagdag pa ng ulat: “Iyan ang pinakamalaking bilang ng mga tao na napaharap sa malubhang kakapusan sa pagkain mula noong maapektuhan ng isang tagtuyot ang sub-Sahara sa Aprika noong 1984.”